Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Ikalawang Awit
Babae:
8 Ang tinig ng aking mahal ay akin nang naririnig,
mga gulod, tinatahak upang ako'y makaniig.
9 Itong aking mangingibig ay tulad ng isang usa,
mabilis kung kumilos, ang katawan ay masigla.
Sa tabi ng aming pader, naroroon lagi siya,
sumisilip sa bintana upang ako ay makita.
10 Ang mahal ko ay nangusap at ganito ang sinabi:
Mangingibig:
Sa akin ay sumama ka, halika na, aking mahal.
11 Lumipas na ang taglamig sa buong lupain
at ang tag-ulan ay natapos na rin.
12 Bulaklak sa kaparangan tingna't namumukadkad,
ito na nga ang panahon upang tayo ay magsaya,
sa bukid, ang mga ibo'y masayang umaawit.
13 Ang mga puno ng igos, hinog na ang bunga,
at ang mga punong ubas, sa bulaklak ay hitik na.
Tayo na nga aking mahal, sa akin ay sumama ka.
Ang mga Anak ni Jacob
31 Alam ni Yahweh na si Lea ay di gaanong mahal ni Jacob, kaya't niloob niyang magkaanak na ito, samantalang si Raquel ay baog. 32 Lalaki ang unang anak ni Lea. Ang sabi niya, “Nakita ni Yahweh ang aking suliranin. Ngayon, tiyak na mamahalin ako ng aking asawa.” Kaya't Ruben[a] ang ipinangalan niya rito. 33 Nagdalang-tao siyang muli at lalaki na naman ang kanyang naging anak. Kanyang sinabi, “Kaloob din ito sa akin ni Yahweh, dahil narinig niyang ako'y hindi mahal ng aking asawa.” Kaya't tinawag naman niya itong Simeon.[b] 34 Muling nagdalang-tao si Lea at lalaki uli ang naging anak. Sinabi niya, “Lalo akong mapapalapit sa aking asawa, sapagkat tatlong lalaki na ang aming anak.” At tinawag niya itong Levi.[c] 35 Nagdalang-tao siyang muli at lalaki pa rin ang kanyang anak. Sinabi niya, “Ngayo'y pupurihin ko si Yahweh.” Kaya't tinawag niya itong Juda.[d] Pagkatapos noo'y hindi na siya nagkaanak.
Hinugasan ni Jesus ang mga Paa ng mga Alagad
13 Bisperas na noon ng Paskwa. Alam ni Jesus na dumating na ang takdang oras ng kanyang pag-alis sa daigdig na ito upang bumalik sa Ama. Mahal niya ang kanyang mga tagasunod na nasa daigdig, at sila'y minahal niya hanggang sa wakas.
2 Pagsapit ng hapunan, inilagay na ng diyablo sa isip ni Judas, na anak ni Simon Iscariote, na ipagkanulo niya si Jesus. 3 Alam ni Jesus na ibinigay na ng Ama sa kanya ang buong kapangyarihan; at alam niyang siya'y mula sa Diyos at babalik sa Diyos. 4 Kaya't siya'y tumayo mula sa hapag, nag-alis ng panlabas na balabal at nagbigkis ng tuwalya sa baywang. 5 Pagkatapos, naglagay siya ng tubig sa palanggana at sinimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad at punasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanyang baywang.
6 Paglapit niya kay Simon Pedro, sinabi nito sa kanya, “Panginoon, huhugasan n'yo ba ang aking mga paa?”
7 Sumagot si Jesus, “Hindi mo nauunawaan ngayon ang ginagawa ko, ngunit mauunawaan mo rin pagkatapos.”
8 Muling nagsalita si Pedro, “Hinding-hindi ninyo huhugasan ang aking mga paa!” Ngunit sinabi ni Jesus, “Kung hindi kita huhugasan, wala kang kaugnayan sa akin.”
9 Dahil dito'y sinabi ni Simon Pedro, “Kung gayon, hindi lamang ang mga paa ko, kundi pati na rin ang aking mga kamay at ulo!”
10 Sumagot si Jesus, “Ang nakapaligo na ay hindi na kailangang hugasan pa [maliban sa kanyang mga paa],[a] sapagkat malinis na ang buo niyang katawan. At kayo'y malinis na, subalit hindi lahat kayo.” 11 Dahil alam na ni Jesus kung sino ang magkakanulo sa kanya kaya sinabi niyang malinis na sila, subalit hindi lahat.
12 Nang(A) mahugasan na ni Jesus ang kanilang mga paa, muli niyang isinuot ang kanyang balabal at nagbalik sa kinaupuan niya. Sinabi niya sa kanila, “Nauunawaan ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo? 13 Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon, at tama kayo, sapagkat ganoon nga ako. 14 Kung ako ngang Panginoon at Guro ninyo ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din ninyong hugasan ang mga paa ng isa't isa. 15 Binigyan ko kayo ng halimbawa upang inyong tularan. 16 Pakatandaan(B) ninyo, ang alipin ay hindi nakakahigit sa kanyang panginoon, ni ang sinugo kaysa sa nagsugo sa kanya. 17 Ngayong alam na ninyo ito, pinagpala kayo kung ito'y gagawin ninyo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.