Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 45:10-17

10 O kabiyak nitong hari, ang payo ko'y ulinigin;
    ang lahat mong kamag-anak at ang madla ay limutin.
11 Sa taglay mong kagandahan ang hari ang paibigin;
    siya'y iyong Panginoon, marapat na iyong sundin.
12 Yaong mga taga-Tiro, handog nila ay dadalhin,
    pati mga mayayaman sa iyo ay susuyo rin.

13 Ang prinsesa sa palasyo'y pagmasdan mo't anong ganda;
    sinulid na gintung-ginto ang hinabing damit niya.
14 Sa magara niyang damit, sa hari ay pinapunta,
    mga abay ay kasama, haharap sa hari nila.
15 Sama-samang masasaya, ang lahat ay nagagalak
    nagsipasok sa palasyo, kanyang hari ay hinanap.

16 Darami ang iyong supling, sa daigdig maghahari,
    kapalit ng ninuno mo sa sinundang mga lahi.
17 Dahilan sa aking awit, ikaw nama'y dadakila,
    kailanma'y pupurihin nitong lahat na nilikha!

Genesis 27:18-29

18 Lumapit si Jacob kay Isaac. “Ama!” sabi niya.

“Sino ka ba?” tanong nito.

19 “Ako po si Esau,” sagot ni Jacob. “Nagawa ko na po ang inyong iniuutos sa akin. Narito na po ang gusto ninyong pagkain; bumangon na kayo at kainin na ninyo ito nang ako'y mabasbasan na ninyo pagkatapos.”

20 “Napakadali mo naman yatang nakahuli?” tanong ni Isaac.

“Tinulungan po ako ni Yahweh na inyong Diyos,” sagot ni Jacob.

21 Nagtanong muli si Isaac, “Ikaw ba talaga si Esau? Lumapit ka nga rito nang matiyak ko kung ikaw nga.” 22 Lumapit naman si Jacob at siya'y hinawakan ng ama. “Kay Jacob ang tinig ngunit ang bisig ay parang kay Esau!” wika ni Isaac. 23 Hindi niya nakilala si Jacob, sapagkat ang mga bisig nito'y mabalahibo ring tulad ng kay Esau. Babasbasan na sana ni Isaac si Jacob, 24 ngunit muli pang nagtanong, “Ikaw nga ba si Esau?”

“Ako nga po,” tugon ni Jacob.

25 Kaya't sinabi ni Isaac, “Kung gayon, akin na ang pagkain at pagkakain ko'y babasbasan kita.” Iniabot ni Jacob ang pagkain at binigyan din niya ng alak. 26 “Halika anak, at hagkan mo ako,” sabi ng ama. 27 Nang(A) lumapit si Jacob upang hagkan ang ama, naamoy nito ang kanyang kasuotan, kaya't siya'y binasbasan:

“Ang masamyong halimuyak ng anak ko,
    ang katulad ay samyo ng kabukirang si Yahweh ang nagbasbas;
28 Bigyan ka nawa ng Diyos, ng hamog buhat sa itaas,
    upang tumaba ang lupa mo't ikaw nama'y makaranas
    ng saganang pag-aani at katas ng ubas.
29 Hayaan(B) ang mga bansa'y gumalang at paalipin;
    bilang pinuno, ikaw ay kilalanin.
Igagalang ka ng mga kapatid mo,
    mga anak ng iyong ina ay yuyuko sa iyo.
Sila nawang sumusumpa sa iyo ay sumpain din,
    ngunit ang nagpapala sa iyo ay pagpalain.”

Lucas 10:21-24

Nagalak si Jesus(A)

21 Nang oras ding iyon, si Jesus ay napuspos ng kagalakan sa pamamagitan ng Espiritu Santo.[a] Sinabi niya, “Salamat sa iyo, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo sa marurunong at matatalino ang mga bagay na ito, ngunit inihayag mo sa mga walang muwang. Oo, Ama, sapagkat ganoon ang nais mong mangyari.

22 “Ibinigay(B) sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at wala namang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang mga taong minarapat ng Anak na makakilala sa Ama.”

23 Humarap si Jesus sa mga alagad at sinabi nang walang ibang nakakarinig, “Pinagpala kayo sapagkat nakita ninyo ang mga nakikita ninyo ngayon. 24 Sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at mga hari ang naghangad na makita ang inyong nakikita at marinig ang inyong naririnig, subalit hindi nila ito nakita ni narinig.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.