Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 119:105-112

Kaliwanagan mula sa Kautusan ni Yahweh

(Nun)

105 Salita mo'y isang tanglaw na sa akin ay patnubay,
    sa landas kong daraanan, liwanag na tumatanglaw.
106 Taimtim ang pangako kong ang utos mo ay susundin,
    tutupdin ko ang tuntuning iniaral mo sa akin.
107 Labis-labis, O Yahweh, ang hirap kong tinataglay,
    sang-ayon sa pangako mo, pasiglahin yaring buhay.
108 Ang handog kong pasalamat, Yahweh, sana ay tanggapin,
    yaong mga tuntunin mo ay ituro mo sa akin.
109 Ako'y laging nakahandang magbuwis ng aking buhay;
    pagkat di ko malilimot yaong iyong kautusan.
110 Sa akin ay mayroong handang patibong ang masasama,
    ngunit ang iyong kautusan ay hindi ko sinisira.
111 Ang bigay mong mga utos, ang pamanang walang hanggan,
    sa puso ko'y palagi nang ang dulot ay kagalakan.
112 Ang pasya ko sa sarili, sundin ko ang kautusan,
    susundin ko ang utos mo habang ako'y nabubuhay.

Deuteronomio 32:1-10

32 “Pakinggan mo, langit, ang aking sasabihin,
    unawain mo, lupa, ang aking bibigkasin.
Pumatak nawang gaya ng ulan ang aking ituturo,
    ang salita ko nawa'y tulad ng hamog na namumuo;
    upang halama'y diligan at damo'y tumubo.
Sapagkat si Yahweh ay aking pupurihin,
    ang kanyang pangalan ay inyong dakilain.

“Si Yahweh ang inyong batong tanggulan,
    mga gawa niya'y walang kapintasan,
mga pasya niya'y pawang makatarungan;
    siya'y Diyos na tapat at makatuwiran.
Datapwat ang Israel sa kanya ay nagtaksil,
    di na karapat-dapat na mga anak ang turing,
    dahil sa pagkakasala nila at ugaling suwail.
O mga mangmang at hangal na tao,
    ganyan ba susuklian ang kabutihan sa inyo ni Yahweh na inyong ama at sa inyo'y lumikha,
    at nagtaguyod na kayo'y maging isang bansa?

“Alalahanin ninyo ang mga lumipas na panahon, ang mga salinlahi ng mga nagdaang taon;
    tanungin ninyo ang inyong ama at kanilang sasabihin,
    pati ang matatanda at kanilang sasaysayin.
Nang(A) ipamahagi ng Kataas-taasang Diyos ang ipapamanang lupain,
    nang ang mga bansa'y kanyang hati-hatiin,
mga hangganan nito'y kanyang itinakda ayon sa dami ng mga anak niya.
Pagkat ang lahi ni Jacob ay kanyang pinili,
    sila ang kanyang tagapagmanang lahi.

10 “Sa isang disyerto sila'y kanyang natagpuan,
    sa isang lupang tigang at walang naninirahan.
Doon sila'y kanyang pinatnubayan,
    binantayan at doo'y inalagaan.

Roma 15:14-21

Ang Dahilan ng Pagsulat ni Pablo

14 Mga kapatid, lubos akong naniniwalang kayo mismo ay puspos ng kabutihan at punô ng kaalaman, kaya't matuturuan na ninyo ang isa't isa. 15 Gayunman, sa sulat na ito'y naglakas-loob akong paalalahanan kayo tungkol sa ilang bagay. Ginawa ko ito dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin 16 upang maging lingkod ni Cristo Jesus at gumanap ng tungkulin gaya ng isang pari sa mga Hentil. Ipinapangaral ko sa kanila ang Magandang Balita ng Diyos upang sila'y maging handog na kalugud-lugod sa kanya, dahil sila ay ginawang banal ng Espiritu Santo. 17 Kaya't sa pakikiisa ko kay Cristo Jesus, maipagmamalaki ko ang aking paglilingkod sa Diyos. 18 Wala akong pinapangahasang ipagmalaki kundi ang ginawa ni Cristo upang maakit ang mga Hentil na sumunod sa Diyos sa pamamagitan ng aking mga salita at gawa, 19 sa tulong ng mga himala at mga kababalaghan, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos.[a] Kaya't mula sa Jerusalem hanggang sa Ilirico, ipinangaral ko ang Magandang Balita tungkol kay Cristo. 20 Ang hangad ko'y ipangaral ito sa mga lugar na hindi pa nakikilala si Cristo, upang hindi ako magtayo sa pundasyon ng iba. 21 Subalit(A) tulad ng nasusulat,

“Makakakilala ang hindi pa nakakabalita tungkol sa kanya.
    Makakaunawa ang hindi pa nakakarinig tungkol sa kanya.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.