Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Genesis 24:34-38

34 Ganito ang salaysay niya: “Ako po'y alipin ni Abraham. 35 Pinagpala ni Yahweh ang aking panginoon. Pinarami ang kanyang mga kawan ng tupa, kambing at baka. Pinagkalooban rin siya ng maraming pilak at ginto, mga aliping babae at lalaki, mga kamelyo at asno. 36 Ang asawa niyang si Sara ay nagkaanak pa kahit siya'y matanda na. Ang anak na ito ang tanging tagapagmana ng kanilang kayamanan. 37 Ako po'y pinanumpa ng panginoon kong si Abraham na hindi ako kukuha sa Canaan ng mapapangasawa ng anak niyang ito. 38 Dito po niya ako pinapunta sa mga kamag-anak ng kanyang mga magulang upang ihanap ng mapapangasawa ang kanyang anak.

Genesis 24:42-49

42 “Pagdating ko po sa may balon kanina, ako'y nanalangin nang ganito: ‘O Yahweh, Diyos ng panginoon kong si Abraham, panagumpayin mo ang aking gagawin! 43 Tatayo po ako sa may tabi ng balong ito at kapag may dumating na dalaga upang umigib, ako'y makikiinom. 44 Kapag ako'y pinainom pati ang aking mga kamelyo, iyon na po sana ang pinili ninyo upang mapangasawa ng anak ng aking panginoon.’ 45 Hindi pa natatapos ang aking panalangin, dumating nga si Rebeca na pasan ang isang banga. Lumusong siya sa bukal at sumalok ng tubig. Nakiusap po ako sa kanyang ako'y painumin. 46 At hindi lamang ako ang pinainom, pati po ang aking mga kamelyo. 47 Tinanong ko po siya, ‘Kanino kang anak?’ Ang sagot po'y, ‘Kay Bethuel na anak ng mag-asawang Nahor at Milca.’ Kaya't kinabitan ko siya ng hikaw sa ilong at sinuotan ng mga pulseras sa braso. 48 Pagkatapos, ako'y lumuhod at sumamba kay Yahweh, sa Diyos ng panginoon kong si Abraham, sapagkat pinatnubayan niya ako at inihatid sa tahanang ito. At dito ko nga natagpuan ang dalagang dapat mapangasawa ng kanyang anak. 49 Kaya hinihiling kong sabihin ninyo sa akin kung sang-ayon kayo sa hangad ng aking panginoon. Kung hindi naman, sabihin din ninyo at nang malaman ko naman kung ano ang aking gagawin.”

Genesis 24:58-67

58 “Sasama ka na ba sa taong ito?” tanong nila.

“Opo,” tugon niya. 59 Kaya si Rebeca at ang kanyang yaya ay pinahintulutan nilang sumama sa alipin ni Abraham at sa mga kasama nito, 60 matapos basbasan nang ganito:

“Ikaw nawa, O Rebeca ay maging ina ng marami,
at sa lunsod ng kaaway, ang iyong lahi ang magwagi.”

61 Nang handa na ang lahat, si Rebeca at ang mga utusan niyang babae ay sumakay sa kamelyo, at umalis kasunod ng alipin ni Abraham.

62 Nang panahong iyon, si Isaac ay naninirahan sa lupain ng Negeb. Minsan, napadako siya sa ilang ng Beer-lahai-roi. 63 Nang magtatakipsilim, siya'y namasyal sa kaparangan at nakita niyang may dumarating na mga kamelyo. 64 Natanaw ni Rebeca si Isaac kaya't bumabâ siya sa sinasakyang kamelyo, 65 lumapit sa aliping sumundo sa kanya at nagtanong, “Sino ang lalaking iyan na papalapit sa atin?”

“Siya po ang aking panginoon,” sagot nito. Kumuha ng belo si Rebeca at tinakpan ang kanyang mukha.

66 Isinalaysay ng alipin kay Isaac ang mga ginawa niya. 67 Pagkatapos, dinala ni Isaac si Rebeca sa tolda ni Sara na kanyang ina at ito'y naging asawa niya. Minahal ni Isaac si Rebeca at siyang naging kaaliwan niya sa pagkamatay ng kanyang ina.

Mga Awit 45:10-17

10 O kabiyak nitong hari, ang payo ko'y ulinigin;
    ang lahat mong kamag-anak at ang madla ay limutin.
11 Sa taglay mong kagandahan ang hari ang paibigin;
    siya'y iyong Panginoon, marapat na iyong sundin.
12 Yaong mga taga-Tiro, handog nila ay dadalhin,
    pati mga mayayaman sa iyo ay susuyo rin.

13 Ang prinsesa sa palasyo'y pagmasdan mo't anong ganda;
    sinulid na gintung-ginto ang hinabing damit niya.
14 Sa magara niyang damit, sa hari ay pinapunta,
    mga abay ay kasama, haharap sa hari nila.
15 Sama-samang masasaya, ang lahat ay nagagalak
    nagsipasok sa palasyo, kanyang hari ay hinanap.

16 Darami ang iyong supling, sa daigdig maghahari,
    kapalit ng ninuno mo sa sinundang mga lahi.
17 Dahilan sa aking awit, ikaw nama'y dadakila,
    kailanma'y pupurihin nitong lahat na nilikha!

Awit ni Solomon 2:8-13

Ang Ikalawang Awit

Babae:

Ang tinig ng aking mahal ay akin nang naririnig,
    mga gulod, tinatahak upang ako'y makaniig.
Itong aking mangingibig ay tulad ng isang usa,
    mabilis kung kumilos, ang katawan ay masigla.
Sa tabi ng aming pader, naroroon lagi siya,
    sumisilip sa bintana upang ako ay makita.
10 Ang mahal ko ay nangusap at ganito ang sinabi:

Mangingibig:

Sa akin ay sumama ka, halika na, aking mahal.
11 Lumipas na ang taglamig sa buong lupain
    at ang tag-ulan ay natapos na rin.
12 Bulaklak sa kaparangan tingna't namumukadkad,
    ito na nga ang panahon upang tayo ay magsaya,
    sa bukid, ang mga ibo'y masayang umaawit.
13 Ang mga puno ng igos, hinog na ang bunga,
    at ang mga punong ubas, sa bulaklak ay hitik na.
Tayo na nga aking mahal, sa akin ay sumama ka.

Roma 7:15-25

15 Hindi(A) ko maunawaan ang aking sarili. Sapagkat hindi ko ginagawa ang gusto ko, sa halip ang kinasusuklaman ko ang siya kong ginagawa. 16 Ngayon, kung ginagawa ko ang hindi ko gusto, nangangahulugang sumasang-ayon ako na mabuti nga ang Kautusan. 17 Kung gayon, hindi na ako ang may kagagawan niyon, kundi ang kasalanang naninirahan sa akin. 18 Alam kong walang mabuting bagay na naninirahan sa aking katawang makalaman. May kakayahan akong naisin ang mabuti, ngunit hindi ko nga lamang ito magawa. 19 Sapagkat hindi ko ginagawa ang mabuting gusto ko, ang masamang hindi ko gusto ang siya kong ginagawa. 20 Kung ang ginagawa ko ay hindi ko nais, hindi na ako ang gumagawa nito kundi ang kasalanang naninirahan sa akin.

21 Ito ang natuklasan ko: kapag nais kong gumawa ng mabuti, ang masama ay malapít sa akin. 22 Sa kaibuturan ng aking puso, ako'y nalulugod sa Kautusan ng Diyos. 23 Ngunit may ibang kapangyarihan sa mga bahagi ng aking katawan na salungat sa tuntunin ng aking isip; binibihag ako ng kapangyarihang ito sa kasalanang naninirahan sa aking katawan. 24 Kay saklap ng aking kalagayan! Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawang ito na nagdadala sa akin sa kamatayan? 25 Wala nang iba pa kundi ang Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon! Salamat sa kanya!

Ito nga ang kalagayan ko: sa pamamagitan ng aking isip, pinaglilingkuran ko ang Kautusan ng Diyos, ngunit sa pamamagitan ng aking katawang makalaman ay pinaglilingkuran ko ang tuntunin ng kasalanan.

Mateo 11:16-19

16 “Saan ko ihahambing ang mga tao sa panahong ito? Ang katulad nila'y mga batang nakaupo sa lansangan at sumisigaw sa kanilang mga kalaro: 17 ‘Tinugtugan namin kayo ng plauta ngunit ayaw ninyong sumayaw! Umawit kami ng awit ng pagluluksa, ngunit ayaw ninyong tumangis!’ 18 Sapagkat nakita nila si Juan na nag-aayuno at di umiinom ng alak, at ang sabi nila, ‘Sinasaniban ng demonyo ang taong iyan.’ 19 Nakita naman nila ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom, at ang sabi naman nila, ‘Tingnan ninyo ang taong ito! Matakaw, lasenggo at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at makasalanan.’ Gayunman, ang karunungan ng Diyos ay napapatunayang tama sa pamamagitan ng mga gawa nito.”

Mateo 11:25-30

Lumapit sa Akin at Magpahinga(A)

25 Nang panahong iyo'y sinabi ni Jesus, “Ama, Panginoon ng langit at lupa, salamat sa iyo, sapagkat inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino, at inihayag mo naman sa mga may kaloobang tulad ng sa bata. 26 Oo, Ama, sapagkat ganoon ang nais mo.

27 “Ibinigay(B) na sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang mga pinili ng Anak na pagpahayagan niya.

28 “Lumapit(C) kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at lubhang nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan. 29 Pasanin(D) ninyo ang aking pamatok at matuto kayo sa akin sapagkat ako'y maamo at may mababang loob. Makakatagpo kayo sa akin ng kapahingahan 30 sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.