Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 135

Awit ng Pagpupuri

135 Purihin si Yahweh!

Ngalan niya ay purihin kayong mga lingkod niya.
    Kayong lahat na sa banal niyang templo'y pumapasok
    upang doon manambahan sa banal na bahay ng Diyos.
Si Yahweh ay papurihan pagkat siya ay mabuti,
    ang taglay niyang kabaitan ay marapat sa papuri.
Siya rin nga ang pumili kay Jacob na kanyang lingkod,
    ang Israel nama'y bansang pinili niya at kinupkop.

Nalalaman kong si Yahweh ang Diyos na dakila,
    higit siya sa alinmang diyus-diyosang naglipana;
anumang nais ni Yahweh sa langit man o sa lupa,
    at kahit sa karagatan, ang anumang panukala,
    ginaganap niya ito, sa sariling pagkukusa.
Nilikha niya itong ulap na laganap sa daigdig,
    maging bagyong malalakas na may kidlat na mabilis;
    sa kanya rin nagmumula itong hanging umiihip.

Pinuksa niya sa Egipto bawat anak na panganay,
    maging tao't maging hayop ang panganay ay namatay.
Nagpakita siya roon ng gawang kahanga-hanga,
    upang kanyang pagdusahin si Farao't kanyang bansa.
10 Marami rin naman siyang winasak na mga bansa,
    at maraming mga haring pawang bantog ang pinuksa.
11 Itong haring Amoreo na si Sihon ang pangalan,
    at ang haring ang ngala'y Og, isang haring taga-Bashan,
    at iba pang mga hari na pinuksa sa Canaan.
12 Ang lupain nila roon ay kinuha at sinamsam,
    ibinigay sa Israel, bayang kanyang hinirang.
13 Ang pangalan mo, O Yahweh, ay magpakailanman,
    lahat ng nilikha, Yahweh, hindi ka malilimutan.
14 Ikaw nama'y mahahabag sa lahat ng iyong lingkod,
    ang alipin ay lalaya sa kanilang pagkagapos.
15 Ang(A) mga diyos ng mga bansa'y gawa sa pilak at ginto,
    kamay ng mga tao ang humugis at bumuo.
16 Oo't mayro'n silang bibig, hindi naman maibuka,
    mga mata'y mayroon din, hindi naman makakita;
17 mayroon silang mga tainga, ngunit hindi makarinig,
    hindi sila humihinga, sa ilong man o sa bibig.
18 Ang gumawa sa kanila, at lahat nang nagtiwala,
    matutulad sa idolong sila na rin ang lumikha!

19 Si Yahweh ay papurihan, purihin siya, O Israel,
    maging kayong mga pari sa Diyos ay magpuri rin.
20 Si Yahweh ay papurihan, kayong lahat na Levita,
    lahat kayong sumasamba ay magpuring sama-sama.
21 Ang Diyos na nasa Zion ay sambahin at purihin,
    si Yahweh ay papurihan, sa templo sa Jerusalem.

Purihin si Yahweh!

Ezekiel 8

Ang Pangitain tungkol sa Kasuklam-suklam na Gawain ng Israel

Ikalimang araw ng ikaanim na buwan ng ikaanim na taon. Kaharap ko noon sa aming bahay ang pinuno ng Juda nang ako'y lukuban ng kapangyarihan ng Panginoong Yahweh. Nagkaroon(A) ako ng pangitain. May nakita akong parang tao. Ang ibaba ng kanyang baywang ay parang apoy at sa itaas ay maningning na parang makinis na tanso. Nakita kong iniunat ang tila kamay. Hinawakan ako nito sa buhok at itinaas sa kalagitnaan ng langit at ng lupa. Dinala ako sa Jerusalem, sa pagpasok sa patyo, sa gawing hilaga, sa may kinalalagyan ng rebulto na naging dahilan ng paninibugho ni Yahweh. At(B) naroon ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel, tulad ng nakita ko sa pangitain sa kapatagan.

Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, tumingin ka sa gawing hilaga.” Tumingin nga ako at sa pagpasok sa altar ay nakita ko ang diyus-diyosang sanhi ng kanyang paninibugho. Sinabi niya sa akin, “Nakita mo na ang kasuklam-suklam na bagay na ginagawa ng bayang Israel upang ako'y palayasin sa aking santuwaryo? Higit pa riyan ang ipapakita ko sa iyo.”

At dinala niya ako sa may pinto ng patyo. Ang nakita ko'y isang butas sa pader. Sinabi niya sa akin, “Lakihan mo ang butas ng pader.” Gayon nga ang ginawa ko at may nakita akong pinto. Sinabi niya sa akin, “Pumasok ka at tingnan mo ang kasuklam-suklam nilang gawain.” 10 Pumasok nga ako at sa palibot ng pader ay nakita ko ang larawan ng lahat ng hayop na gumagapang, nakakapandiring mga halimaw, at ang iba't ibang diyus-diyosan ng Israel. 11 Sa harap ng mga ito, nakatayo ang pitumpung matatanda ng Israel sa pangunguna ni Jaazanias na anak ni Safan. Bawat isa'y nagsusunog ng insenso. 12 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, nakita mo ang ginagawa nila sa madilim na silid na ito? Sinasabi pa nilang hindi ko sila makikita roon sapagkat wala ako roon. 13 Masahol pa riyan ang makikita mo.”

14 Dinala niya ako sa pintuan sa hilaga ng pagpasok sa Templo, at doo'y may mga babaing nananangis para kay Tamuz. 15 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Nakikita mo ba iyan? Masahol pa riyan ang makikita mo.”

16 Dinala niya ako sa patyo sa loob ng Templo. Sa pagitan ng balkonahe at ng altar ay may nakita akong mga dalawampu't limang tao. Nakatalikod sila sa Templo, nakaharap sa silangan at sumasamba sa araw. 17 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Nakikita mo ba iyan? Maliit na bagay ba ang ginagawa ng sambahayan ng Juda na punuin ng karahasan ang buong lupain? Lalo lang nila akong ginagalit sa ginagawa nilang iyan. 18 Kaya nga, paparusahan ko sila. Wala akong patatawarin ni isa man sa kanila. Dumaing man sila sa akin, hindi ko sila diringgin.”

Mga Gawa 8:26-40

Si Felipe at ang Pinunong Taga-Etiopia

26 Pagkatapos, sinabi ng isang anghel ng Panginoon kay Felipe, “Pumunta ka sa gawing timog sa daang mula sa Jerusalem papuntang Gaza.” Halos hindi na iyon dinadaanan ngayon. 27 Pumunta nga doon si Felipe. Samantala, isang eunuko na pinunong taga-Etiopia, na ingat-yaman ng Candace, reyna ng Etiopia, ang nagtungo sa Jerusalem upang sumamba 28 at pauwi na noon, nakasakay sa kanyang karwahe at nagbabasa ng aklat ni Propeta Isaias. 29 “Sabayan mo ang sasakyang iyon,” utos ng Espiritu kay Felipe. 30 Kaya patakbong lumapit si Felipe at narinig niyang binabasa ng pinuno ang aklat ni Propeta Isaias. Tinanong ni Felipe ang pinuno, “Nauunawaan ba ninyo ang inyong binabasa?”

31 Sagot naman nito, “Paano ko mauunawaan ito kung walang magpapaliwanag sa akin?” At si Felipe ay inanyayahan niyang sumakay sa karwahe at umupo sa kanyang tabi. 32 Ito(A) ang bahagi ng kasulatang binabasa niya:

“Siya ay tulad ng isang tupang dinadala sa katayan;
    tulad ng isang korderong hindi tumututol kahit na gupitan.
    At hindi umiimik kahit kaunti man.
33 Siya'y hinamak at pinagkaitan ng katarungan.
    Walang sinumang makapagsasalaysay tungkol sa kanyang angkan,
    sapagkat kinitil nila ang kanyang buhay.”

34 Nagtanong kay Felipe ang pinuno, “Sabihin mo nga sa akin, sino ba ang tinutukoy dito ng propeta? Sarili ba niya o iba?”

35 Simula sa kasulatang ito ay isinalaysay sa kanya ni Felipe ang Magandang Balita tungkol kay Jesus. 36 Nagpatuloy sila sa paglalakbay, at dumating sa isang lugar na may tubig. Kaya't sinabi ng pinuno, “Tingnan mo, may tubig dito! Mayroon bang hadlang upang ako'y bautismuhan?” [37 Sinabi sa kanya ni Felipe, “Maaari, kung sumasampalataya ka nang buong puso.” Sumagot ang pinuno, “Sumasampalataya ako na si Jesu-Cristo ang Anak ng Diyos!”][a]

38 Pinatigil ng pinuno ang karwahe, lumusong silang dalawa sa tubig at binautismuhan siya ni Felipe. 39 Pagkaahon nila sa tubig, si Felipe ay kinuha ng Espiritu ng Panginoon at hindi na siya nakita pa ng pinuno. Ang pinuno ay tuwang-tuwang nagpatuloy sa paglalakbay. 40 Namalayan na lamang ni Felipe na siya'y nasa Azoto. Mula roon, ipinangaral niya ang Magandang Balita tungkol kay Jesus sa lahat ng bayang dinaraanan niya hanggang sa marating niya ang Cesarea.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.