Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Diyos ang Kataas-taasang Hari(A)
96 Purihin natin si Yahweh, awitan ng bagong awit;
purihin natin si Yahweh, lahat nang nasa daigdig!
2 Awitan natin si Yahweh, ngalan niya ay sambahin;
araw-araw ang ginawang pagliligtas ay banggitin.
3 Kahit saa'y ipahayag na si Yahweh ay dakila,
sa madla ay ipahayag ang dakila niyang gawa.
4 Si Yahweh ay tunay na dakila, marapat na papurihan
higit sa sinumang diyos, siya'y dapat na igalang.
5 Ang diyos ng sanlibuta'y pawang mga diyus-diyosan;
si Yahweh lang ang maylikha ng buong sangkalangitan.
6 Siya'y puspos ng karangalan at ng kaluwalhatian;
ang lakas niya't kagandahan ay sa templo mamamasdan.
7 O(B) si Yahweh ay purihin ng lahat sa daigdigan!
Purihin ang lakas niya at kanyang kaluwalhatian!
8 Ang pagpuri ay iukol sa pangalan niyang banal,
dumulog sa kanyang templo't maghandog ng mga alay.
9 Kung si Yahweh ay dumating, sa likas niyang kabanalan,
humarap na nanginginig ang lahat sa sanlibutan.
10 “Si Yahweh ay siyang hari,” sa daigdig ay sabihin,
“Sanlibuta'y matatag na, kahit ito ay ugain;
sa paghatol sa nilikha, lahat pantay sa paningin.”
11 Lupa't langit ay magsaya, umugong ang kalaliman,
lahat kayo na nilikhang nasa tubig ay magdiwang.
12 Ang bukirin at ang lahat ng naroon ay sumigaw,
pati mga punongkahoy sa galak ay mag-awitan.
13 Si Yahweh ay darating na upang lahat ay hatulan,
at kanyang paghahariin ang sakdal na katarungan.
Si Elias at ang mga Propeta ni Baal
18 Pagkalipas ng ilang panahon, nang ikatlong taon na ng tagtuyot, sinabi ni Yahweh kay Elias, “Pumunta ka na kay Ahab. Malapit na akong magpadala ng ulan sa lupaing ito.” 2 At nagpunta nga si Elias kay Ahab.
Napakatindi noon ng taggutom sa Samaria, 3 kaya ipinatawag ni Ahab si Obadias, ang tagapangasiwa ng palasyo. Si Obadias ay may takot kay Yahweh. 4 Nang kasalukuyang ipinapapatay ni Jezebel ang mga propeta ni Yahweh, nailigtas ni Obadias ang sandaan sa mga ito. Itinago niya ang mga ito sa isang yungib, tiglilimampu ang bawat pangkat, at binigyan niya ng pagkain at tubig. 5 Sinabi ni Ahab kay Obadias, “Tayo na! Galugarin natin ang buong lupain at tingnan ang bawat ilog at libis. Baka makakita tayo roon ng sapat na damo upang huwag mamatay sa gutom ang ating mga kabayo, mola at baka.” 6 Naghiwalay sila sa paghahanap ng pagkain sa buong kaharian: si Ahab sa isang panig at si Obadias naman sa kabila.
7 Sa paglalakbay ni Obadias, nakasalubong niya si Elias. Nakilala niya ang propeta, kaya't nagpatirapa siya at sinabi, “Kayo nga ba iyan, mahal na propetang Elias?”
8 “Ako nga,” sagot naman nito. “Pumunta ka sa iyong panginoong si Ahab at sabihin mong narito ako.”
9 Ganito naman ang sagot ni Obadias: “Ano pong kasalanan ang nagawa ko sa inyo at gusto ninyo akong mapatay ni Ahab? 10 Saksi si Yahweh, ang inyong buháy na Diyos,[a] hinahanap kayo ni Haring Ahab sa bawat bansa sa daigdig. At kapag may nagsabing wala kayo roon, ayaw niyang maniwala hangga't hindi sila nanunumpa na kayo'y talagang hindi nila nakita. 11 At ngayo'y pinapapunta ninyo ako sa kanya para sabihing narito kayo? 12 Ano ngayon ang mangyayari? Sa sandaling ako'y umalis upang sabihin kay Ahab na narito kayo ay dadalhin naman kayo ng Espiritu[b] ni Yahweh sa lugar na hindi ko alam. At kapag hindi nila kayo nakita, ako ang kanyang papatayin. Maawa kayo sa akin, sapagkat ako po naman ay may takot kay Yahweh mula pa sa pagkabata. 13 Hindi po ba ninyo nababalitaan na may sandaang propeta ni Yahweh ang aking iniligtas noong sila'y gustong patayin ni Jezebel? Itinago ko sila sa isang yungib, tiglilimampu bawat pangkat, at dinalhan ko sila roon ng pagkain at tubig. 14 At ngayon, pinapapunta ninyo ako kay Ahab upang sabihing narito kayo? Tiyak na papatayin niya ako.”
15 Ngunit sinabi sa kanya ni Elias: “Saksi si Yahweh, ang buháy na Makapangyarihan sa lahat,[c] haharap ako kay Ahab sa araw na ito.”
16 Hinanap nga ni Obadias si Ahab at sinabi ang lahat ng ipinapasabi ni Elias. At lumakad si Ahab upang salubungin ang propeta. 17 Nang makita ni Ahab si Elias ay sinabi nito, “Ikaw nga ba iyan, ang nanggugulo sa Israel?”
18 “Hindi ako ang nanggugulo sa Israel, kundi kayo at ang angkan ng inyong ama. Sapagkat sinusuway ninyo ang mga utos ni Yahweh at ang pinaglilingkuran ninyo'y ang mga imahen ni Baal. 19 Ngayo'y tipunin ninyo ang buong Israel at ang 450 propeta ni Baal at 400 propeta ni Ashera na pinapakain ni Jezebel, at magtutuos kami sa Bundok ng Carmel,” sagot ni Elias.
Ang Lalaking Sinasaniban ng Masamang Espiritu(A)
31 Mula roon, si Jesus ay nagpunta sa Capernaum sa Galilea at nagturo sa mga tao nang Araw ng Pamamahinga. 32 Namangha(B) sila sa kanyang pagtuturo sapagkat may kapangyarihan ang kanyang pananalita. 33 May isang lalaki noon sa sinagoga na sinasapian ng masamang espiritu. Sumigaw ito nang malakas, 34 “Ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Kilala kita. Ikaw ang Banal na mula sa Diyos.”
35 Subalit sinaway siya ni Jesus, “Tumahimik ka! Lumabas ka sa taong iyan!” At nang mailugmok ang lalaki sa kanilang kalagitnaan, lumabas ang demonyo sa kanya nang hindi siya sinasaktan.
36 Namangha ang lahat ng nakasaksi kaya't nasabi nila sa isa't isa, “Ano ito? Makapangyarihan at mabisa ang kanyang salita! Nauutusan niyang lumayas ang masasamang espiritu, at lumalayas naman sila!” 37 At kumalat ang balita tungkol kay Jesus sa buong lupaing iyon.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.