Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Diyos ang Kataas-taasang Hari(A)
96 Purihin natin si Yahweh, awitan ng bagong awit;
purihin natin si Yahweh, lahat nang nasa daigdig!
2 Awitan natin si Yahweh, ngalan niya ay sambahin;
araw-araw ang ginawang pagliligtas ay banggitin.
3 Kahit saa'y ipahayag na si Yahweh ay dakila,
sa madla ay ipahayag ang dakila niyang gawa.
4 Si Yahweh ay tunay na dakila, marapat na papurihan
higit sa sinumang diyos, siya'y dapat na igalang.
5 Ang diyos ng sanlibuta'y pawang mga diyus-diyosan;
si Yahweh lang ang maylikha ng buong sangkalangitan.
6 Siya'y puspos ng karangalan at ng kaluwalhatian;
ang lakas niya't kagandahan ay sa templo mamamasdan.
7 O(B) si Yahweh ay purihin ng lahat sa daigdigan!
Purihin ang lakas niya at kanyang kaluwalhatian!
8 Ang pagpuri ay iukol sa pangalan niyang banal,
dumulog sa kanyang templo't maghandog ng mga alay.
9 Kung si Yahweh ay dumating, sa likas niyang kabanalan,
humarap na nanginginig ang lahat sa sanlibutan.
10 “Si Yahweh ay siyang hari,” sa daigdig ay sabihin,
“Sanlibuta'y matatag na, kahit ito ay ugain;
sa paghatol sa nilikha, lahat pantay sa paningin.”
11 Lupa't langit ay magsaya, umugong ang kalaliman,
lahat kayo na nilikhang nasa tubig ay magdiwang.
12 Ang bukirin at ang lahat ng naroon ay sumigaw,
pati mga punongkahoy sa galak ay mag-awitan.
13 Si Yahweh ay darating na upang lahat ay hatulan,
at kanyang paghahariin ang sakdal na katarungan.
Si Haring Ahab ng Israel
29 Nagsimulang maghari sa Israel si Ahab na anak ni Omri noong ika-38 taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Sa Samaria siya nanirahan, at naghari sa loob ng dalawampu't dalawang taon. 30 Higit sa lahat ng nauna sa kanya ang kasamaang ginawa niya sa paningin ni Yahweh. 31 Hindi pa siya nasiyahang ipagpatuloy ang ginawa ni Jeroboam. Pinakasalan din niya si Jezebel na anak ni Et-baal, hari ng Sidon. At mula noon, naglingkod siya at sumamba kay Baal. 32 Nagpatayo siya ng templo para kay Baal sa Samaria. Nagpagawa siya ng altar at ipinasok doon 33 ang ginawa niyang rebulto ni Ashera. Ang mga pagkakasalang ginawa niya'y higit na masama sa ginawa ng mga haring nauna sa kanya. 34 Sa(A) panahon niya, muling itinayo ni Hiel na taga-Bethel ang lunsod ng Jerico. Ngunit nang ilagay ang pundasyon nito, buhay ng panganay niyang si Abiram ang kanyang ibinuwis. At nang itayo ang pintuan, buhay naman ng kanyang bunsong si Segub ang naging kabayaran. Sa ganon, natupad ang sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Josue na anak ni Nun.
Si Pablo at ang mga Huwad na Apostol
11 Ipagpaumanhin ninyo ang aking kaunting kahangalan. 2 Nag-aalala ako sa inyo tulad ng pag-aalala ng Diyos. Ang katulad ninyo ay isang malinis na dalagang ipinakipagtipan ko sa isang lalaki, walang iba kundi si Cristo. 3 Ngunit(A) nag-aalala akong baka malason ang inyong isipan at mailayo kayo sa tapat [at dalisay][a] na pananampalataya kay Cristo, tulad ni Eva na nalinlang ng ahas. 4 Sapagkat malugod ninyong tinatanggap ang sinumang dumarating at may Jesus na ipinangangaral na iba sa ipinangaral namin. Tinatanggap ninyo ang espiritu at aral na iba sa itinuro namin sa inyo.
5 Palagay ko nama'y hindi ako pahúhulí sa magagaling na mga “apostol” na iyan. 6 Maaaring hindi ako mahusay magsalita, ngunit hindi naman kapos sa kaalaman. Pinatunayan ko ito sa inyo sa lahat ng bagay at pagkakataon.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.