Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Papuri sa Karunungan
8 Hindi(A) mo ba naririnig ang tawag ng karunungan,
at ang tinig ng unawa'y hindi pa ba napakinggan?
2 Nasa dako siyang mataas,
sa tagpuan ng mga landas;
3 nasa mga pintuan siya, sa may harap nitong bayan,
nakatindig sa pagpasok at ito ang kanyang sigaw:
4 “Kayo'y tinatawagan ko, tao ng sandaigdigan,
para nga sa lahat itong aking panawagan.
22 “Sa(A) lahat ng nilikha ni Yahweh, ako ang siyang una,
noong una pang panahon ako ay nalikha na.
23 Matagal nang panahon nang anyuan niya ako,
bago pa nalikha at naanyo itong mundo.
24 Wala pa ang mga dagat nang ako'y lumitaw,
wala pa ang mga bukal ng tubig na malilinaw.
25 Wala pa ang mga burol, ganoon din ang mga bundok,
nang ako ay isilang dito sa sansinukob.
26 Ako muna ang nilikha bago ang lupa at bukid,
nauna pa sa alabok, at sa lupang daigdig.
27 Nang(B) likhain ang mga langit, ako ay naroroon na,
maging nang ang hangganan ng langit at lupa'y italaga.
28 Naroon na rin ako nang ang ulap ay ilagay,
at nang kanyang palitawin ang bukal sa kalaliman.
29 Nang ilagay niya ang hangganan nitong dagat,
nang ang patibayan ng mundo ay ilagay at itatag,
30 ako'y lagi niyang kasama at katulong sa gawain,
ako ay ligaya niya at sa akin siya'y aliw.
31 Ako ay nagdiwang, nang daigdig ay matapos,
dahil sa sangkatauhan, ligaya ko ay nalubos.
Kaluwalhatian ng Diyos at Dignidad ng Tao
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng Gittith.[a]
8 O Yahweh, na aming Panginoon,
sa buong mundo'y tunay kang dakila!
Iyong papuri'y abot sa langit!
2 Pinupuri(A) ka ng mga bata't bagong silang,
ikaw ay nagtayo ng isang tanggulan,
kaya't natahimik ang lahat ng iyong kaaway.
3 Pinagmasdan ko ang langit na gawa ng iyong kamay,
pati ang buwan at mga bituin na iyong inilagay.
4 Ano(B) ba ang tao upang iyong pahalagahan;
o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?
5 Nilikha(C) mo siyang mababa sa iyo[b] nang kaunti,
pinuspos mo siya ng dangal at ng luwalhati.
6 Ginawa(D) mo siyang pinuno ng lahat ng iyong nilikha,
sa lahat ng mga bagay, siya ang iyong pinamahala:
7 mga tupa at kawan pati na ang mababangis,
8 lahat ng ibong lumilipad, at mga isda sa karagatan,
at lahat ng nilikhang nasa karagatan.
9 O Yahweh, na aming Panginoon,
sa buong mundo'y tunay kang dakila!
Mga Bunga ng Pagtanggap ng Diyos
5 Sapagkat napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng ating pananampalataya, mayroon na tayong mapayapang ugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 2 Sa pamamagitan ng [pagsampalataya][a] kay Jesu-Cristo, tinamasa natin ang kagandahang-loob ng Diyos, at tayo'y nagagalak dahil sa pag-asang tayo'y makakabahagi sa kanyang kaluwalhatian. 3 Hindi lamang iyan. Ikinagagalak din natin ang mga kahirapang ating tinitiis, dahil alam nating ito'y nagbubunga ng pagtitiyaga. 4 At ang pagtitiyaga ay nagbubunga ng mabuting pagkatao, at ang mabuting pagkatao ay nagbubunga ng pag-asa. 5 At hindi tayo binibigo ng pag-asang ito sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos na sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ipinagkaloob sa atin.
12 “Marami pa akong sasabihin sa inyo subalit hindi pa ninyo kayang tanggapin sa ngayon. 13 Ngunit(A) pagdating ng Espiritu ng katotohanan, papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan. Sapagkat ang sasabihin niya ay hindi mula sa kanyang sarili, kundi ang kanyang narinig; at ipahahayag niya sa inyo ang mga mangyayari sa hinaharap. 14 Pararangalan niya ako sapagkat tatanggapin ng Espiritu mula sa akin ang ipahahayag niya sa inyo. 15 Ang lahat ng sa Ama ay sa akin, kaya ko sinabing tatanggapin ng Espiritu ang mula sa akin at ipahahayag niya ito sa inyo.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.