Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 96

Diyos ang Kataas-taasang Hari(A)

96 Purihin natin si Yahweh, awitan ng bagong awit;
    purihin natin si Yahweh, lahat nang nasa daigdig!
Awitan natin si Yahweh, ngalan niya ay sambahin;
    araw-araw ang ginawang pagliligtas ay banggitin.
Kahit saa'y ipahayag na si Yahweh ay dakila,
    sa madla ay ipahayag ang dakila niyang gawa.

Si Yahweh ay tunay na dakila, marapat na papurihan
    higit sa sinumang diyos, siya'y dapat na igalang.
Ang diyos ng sanlibuta'y pawang mga diyus-diyosan;
    si Yahweh lang ang maylikha ng buong sangkalangitan.
Siya'y puspos ng karangalan at ng kaluwalhatian;
    ang lakas niya't kagandahan ay sa templo mamamasdan.

O(B) si Yahweh ay purihin ng lahat sa daigdigan!
    Purihin ang lakas niya at kanyang kaluwalhatian!
Ang pagpuri ay iukol sa pangalan niyang banal,
    dumulog sa kanyang templo't maghandog ng mga alay.
Kung si Yahweh ay dumating, sa likas niyang kabanalan,
    humarap na nanginginig ang lahat sa sanlibutan.

10 “Si Yahweh ay siyang hari,” sa daigdig ay sabihin,
    “Sanlibuta'y matatag na, kahit ito ay ugain;
    sa paghatol sa nilikha, lahat pantay sa paningin.”
11 Lupa't langit ay magsaya, umugong ang kalaliman,
    lahat kayo na nilikhang nasa tubig ay magdiwang.
12 Ang bukirin at ang lahat ng naroon ay sumigaw,
    pati mga punongkahoy sa galak ay mag-awitan.

13 Si Yahweh ay darating na upang lahat ay hatulan,
    at kanyang paghahariin ang sakdal na katarungan.

1 Mga Hari 12:20-33

Paghiwalay sa Pamahalaan(A)

20 Nang marinig ng pinuno ng Israel na bumalik na si Jeroboam, siya'y ipinatawag nila sa kapulungan ng bayan at ginawang hari ng sampung lipi ng Israel. Ang lipi lamang ni Juda ang nanatili sa angkan ni David.

21 Pagdating ni Rehoboam sa Jerusalem, tinipon niya ang mga lipi ni Juda at ni Benjamin. Nakatipon siya ng 180,000 mga sanay na mandirigma upang digmain ang sampung lipi ni Israel at bawiin ang kanyang kaharian. 22 Subalit sinabi ni Yahweh kay Semaias na kanyang lingkod, 23 “Sabihin mo kay Rehoboam na anak ni Solomon at hari ng mga lipi ng Juda at Benjamin 24 na huwag na nilang digmain ang sampung lipi ng Israel. Hayaan na niyang makauwi ang bawat isa sa kanya-kanyang tahanan sapagkat ang nangyari ay aking kalooban.” Sinunod naman nila ang utos ni Yahweh at sila'y umuwi sa kani-kanilang mga tahanan.

Paghiwalay sa Pagsamba

25 Pinatibay ni Jeroboam ang Shekem sa kabundukan ng Efraim at doon siya pansamantalang nanirahan. Pagkatapos, lumipat siya sa Penuel. 26 Naisip ni Jeroboam na kung magpapatuloy ang dating kaugalian ng kanyang mga nasasakupan, malamang na manumbalik ang mga iyon sa angkan ni David. Ito ang sabi niya sa sarili, 27 “Kapag ang mga taong ito'y hindi tumigil ng pagpunta sa Templo ni Yahweh sa Jerusalem upang mag-alay ng mga handog, mahuhulog muli ang kanilang loob sa dati nilang pinuno, si Rehoboam na hari ng Juda, at ako'y kanilang papatayin.”

28 Kaya't(B) matapos pag-isipan ang bagay na ito, gumawa siya ng dalawang guyang ginto at sinabi sa mga taong-bayan, “Huwag na kayong mag-abalang pumunta sa Jerusalem. Narito, bayang Israel, ang inyong diyos na naglabas sa inyo sa Egipto.” 29 Inilagay niya ang isa sa Bethel at ang isa nama'y sa Dan. 30 At ang bagay na ito'y naging sanhi ng pagkakasala ng Israel. May mga pumupunta sa Bethel upang sumamba at mayroon din sa Dan. 31 Nagtayo pa siya ng mga sambahan sa burol at naglagay ng mga paring hindi mula sa lipi ni Levi.

32 Ginawa(C) niyang pista ang ikalabing limang araw ng ikawalong buwan ng taon, katulad ng kapistahang ipinagdiriwang sa Juda. Naghandog siya sa altar sa Bethel sa mga guyang ginto na kanyang ginawa at naglingkod doon ang mga paring inilagay niya sa mga sagradong burol. 33 Pumunta nga siya sa altar na kanyang ipinatayo sa Bethel noong ikalabing limang araw ng ikawalong buwan, buwan na siya ang pumili. Iyo'y ginawa niyang pista sa sampung lipi ng Israel, at siya mismo ang umakyat sa altar at nagsunog ng insenso.

2 Corinto 5:11-17

Pakikipagkaibigan sa Diyos sa Pamamagitan ni Cristo

11 Kaya nga, dahil may takot kami sa Panginoon, sinisikap naming hikayatin ang mga tao na manumbalik sa kanya. Alam ng Diyos ang tunay naming pagkatao; at inaasahan kong kilalang-kilala rin ninyo ako. 12 Hindi dahil sa nais naming ipagmalaking muli sa inyo ang aming sarili, kundi nais naming bigyan kayo ng dahilan upang kami'y maipagmalaki ninyo, nang sa gayon ay masagot ninyo ang mga taong walang ipinagmamalaki kundi ang mga bagay na panlabas at hindi ang tunay na pagkatao. 13 Kung kami'y parang nasisiraan ng isip, iyon ay alang-alang sa Diyos. At kung matino naman kami, iyan ay para sa kapakanan ninyo. 14 Ang pag-ibig ni Cristo ang naghahari sa amin, sapagkat natitiyak naming may isang namatay para sa lahat, kung kaya't ang lahat ay maibibilang nang patay. 15 Namatay siya para sa lahat upang ang mga nabubuhay ngayon ay huwag nang mabuhay para sa sarili, kundi para kay Cristo na namatay at muling nabuhay para sa kanila.

16 Kaya ngayon, ang pagtingin namin sa bawat tao ay hindi na batay sa sukatan ng tao. Noong una'y ganoon ang aming pagkakilala kay Cristo, ngunit ngayo'y hindi na. 17 Kaya't kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito'y napalitan na ng bago.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.