Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Pangako ng Diyos kay David
19 Noon pa mang una, sa mga lingkod mo, ika'y nagsalita,
sa pangitaing ipinakita'y ito ang badya:
“Aking pinutungan ang isang dakila,
na aking pinili sa gitna ng madla.
20 Ang(A) piniling lingkod na ito'y si David,
aking binuhusan ng banal na langis.
21 Kaya't palagi ko siyang gagabayan,
at siya'y bibigyan ko ng kalakasan.
22 Di siya malulupig ng kanyang kaaway,
ang mga masama'y di magtatagumpay.
23 Aking dudurugin sa kanyang harapan,
silang namumuhi na mga kaaway.
24 Ang katapatan ko't pag-ibig na wagas, ay iuukol ko't aking igagawad,
at magtatagumpay siya oras-oras.
25 Mga kaharia'y kanyang masasakop,
dagat na malawak at malaking ilog.
26 Ako'y tatawaging Ama niya't Diyos,
tagapagsanggalang niya't manunubos.
2 Nang panahong iyon, sa bayan ng Zora ay may isang lalaking nagngangalang Manoa na kabilang sa lipi ni Dan. Ang asawa niya ay hindi magkaanak sapagkat ito'y baog. 3 Minsan, nagpakita sa babae ang anghel ni Yahweh at sinabi, “Hindi ka pa nagkakaanak. Ngunit hindi magtatagal, maglilihi ka at manganganak. 4 Kaya, mula ngayon ay huwag kang iinom ng anumang uri ng alak ni titikim ng anumang ipinagbabawal na pagkain. 5 Kapag(A) naisilang mo na ang iyong anak na lalaki, huwag mo siyang puputulan ng buhok sapagkat mula pa sa kanyang pagsilang ay ilalaan na siya sa Diyos bilang isang Nazareo. Siya ang magsisimulang magligtas sa Israel mula sa mga Filisteo.”
6 Lumapit ang babae sa kanyang asawa at sinabi, “Nagpakita sa akin ang isang lingkod ng Diyos, at ang hitsura niya'y kakila-kilabot na parang anghel ng Diyos. Hindi ko tinanong kung saan siya galing at hindi naman niya sinabi kung sino siya. 7 Huwag daw akong iinom ng alak ni titikim ng anumang ipinagbabawal na pagkain sapagkat ang sanggol na isisilang ko'y ilalaan sa Diyos bilang isang Nazareo.”
8 Dahil dito, nanalangin si Manoa, “Yahweh, kung maaari'y pabalikin ninyo sa amin ang nasabing lingkod ng Diyos upang sabihin ang lahat ng nararapat naming gawin sa magiging anak namin.” 9 Tinugon naman ni Yahweh ang kahilingan ni Manoa. Nagpakita muli ang anghel sa asawa ni Manoa nang ito'y nag-iisang nakaupo sa bukid. 10 Dali-dali niyang hinanap ang kanyang asawa at sinabi, “Manoa, halika! Naritong muli ang lalaking nagpakita sa akin noong isang araw.”
11 Sumunod naman si Manoa. Nang makita niya ang lalaki, tinanong niya ito, “Kayo po ba ang nakausap ng aking asawa?”
“Oo,” sagot nito.
12 “Kung magkakatotoo ang sinabi ninyo, ano ang magiging buhay ng bata at ano ang dapat niyang gawin?” tanong ni Manoa.
13 Sumagot ang anghel ni Yahweh, “Kailangang sundin ng asawa mo ang lahat ng sinabi ko sa kanya. 14 Huwag siyang kakain ng anumang mula sa puno ng ubas. Huwag rin siyang iinom ng anumang uri ng alak ni titikim ng anumang ipinagbabawal na pagkain. Kailangan niyang sundin ang lahat ng sinabi ko sa kanya.”
15 “Huwag po muna kayong aalis at ipagluluto ko kayo ng isang batang kambing,” pakiusap ni Manoa.
16 “Huwag mo na akong ipaghanda at hindi ko naman kakainin. Kung gusto mo, sunugin mo na lamang ang kambing na iyon bilang handog kay Yahweh,” sagot ng anghel. Hindi alam ni Manoa na anghel pala ni Yahweh ang kausap niya.
17 Sinabi ni Manoa, “Kung gayo'y sabihin man lang ninyo sa amin ang inyong pangalan para malaman namin kung sino ang pasasalamatan namin sa sandaling magkatotoo itong sinasabi ninyo.”
18 Sinabi ng anghel ni Yahweh, “Bakit gusto pa ninyong malaman ang aking pangalan? Ito'y kamangha-manghang pangalan.”
19 Noon din, si Manoa'y kumuha ng kambing at handog na pagkaing butil. Sinunog niya ang mga ito sa ibabaw ng isang malaking bato bilang handog kay Yahweh, na gumagawa ng kababalaghan.[a] 20 Nang nagliliyab na ang apoy, nakita ng mag-asawang Manoa na ang anghel ay umakyat sa langit sa pamamagitan ng apoy. Nagpatirapa ang mag-asawa, 21 sapagkat noon nila naunawaan na ang nakausap pala nila'y isang anghel ni Yahweh. Hindi na nila muling nakita ang anghel.
22 Makalipas ang ilang sandali, sinabi ni Manoa sa kanyang asawa, “Tiyak na mamamatay tayo sapagkat nakita natin ang Diyos.”
23 Ngunit ang sagot ng kanyang asawa, “Kung papatayin tayo ni Yahweh, hindi sana niya tinanggap ang ating handog. Hindi rin sana niya pinahintulutang masaksihan natin ang lahat ng ito, ni sabihin ang mga narinig natin.”
24 Dumating ang araw at nanganak ang asawa ni Manoa. Lalaki ang sanggol at pinangalanan nilang Samson. Lumaki ang batang patuloy na pinagpapala ni Yahweh.
Nagtalu-talo ang mga Tao tungkol sa Cristo
40 Sinabi ng ilang nakarinig sa kanya, “Tunay ngang ito ang Propetang hinihintay natin!” 41 “Siya na nga ang Cristo!” sabi naman ng iba. Ngunit may nagsabi rin, “Maaari bang magmula sa Galilea ang Cristo? Di ba hindi? 42 Hindi(A) ba sinasabi sa Kasulatan na ang Cristo ay magmumula sa lipi ni David, at ipanganganak sa Bethlehem na bayan ni David?” 43 Nagkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa mga tao dahil sa kanya. 44 Gusto ng iba na dakpin siya, ngunit wala namang nangahas na humuli sa kanya.
Ang Di-paniniwala ng mga Pinuno
45 Nang bumalik ang mga bantay ng Templo, tinanong sila ng mga punong pari at ng mga Pariseo, “Bakit hindi ninyo siya dinala rito?”
46 Sumagot ang mga bantay, “Wala pa po kaming narinig na nagsalita nang tulad ng taong ito!”
47 “Pati ba kayo'y nalinlang na rin?” tanong ng mga Pariseo. 48 “Mayroon bang pinuno o Pariseong naniniwala sa kanya? 49 Ang mga taong bayan na ito na walang nalalaman sa Kautusan ay mga sinumpa!”
50 Isa(B) sa mga naroon ay si Nicodemo, ang Pariseong nagsadya kay Jesus noong una. At siya'y nagtanong, 51 “Hindi ba't labag sa ating Kautusan na hatulan ang isang tao nang di muna nililitis at inaalam kung ano ang kanyang ginawa?”
52 Sumagot sila, “Ikaw ba'y taga-Galilea rin? Saliksikin mo ang Kasulatan at makikita mong walang propetang magmumula sa Galilea.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.