Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Pangako ng Diyos kay David
19 Noon pa mang una, sa mga lingkod mo, ika'y nagsalita,
sa pangitaing ipinakita'y ito ang badya:
“Aking pinutungan ang isang dakila,
na aking pinili sa gitna ng madla.
20 Ang(A) piniling lingkod na ito'y si David,
aking binuhusan ng banal na langis.
21 Kaya't palagi ko siyang gagabayan,
at siya'y bibigyan ko ng kalakasan.
22 Di siya malulupig ng kanyang kaaway,
ang mga masama'y di magtatagumpay.
23 Aking dudurugin sa kanyang harapan,
silang namumuhi na mga kaaway.
24 Ang katapatan ko't pag-ibig na wagas, ay iuukol ko't aking igagawad,
at magtatagumpay siya oras-oras.
25 Mga kaharia'y kanyang masasakop,
dagat na malawak at malaking ilog.
26 Ako'y tatawaging Ama niya't Diyos,
tagapagsanggalang niya't manunubos.
12 May nagbalita kay Haring David na pinagpalang mabuti ni Yahweh si Obed-edom. Ito'y ikinagalak niya, kaya kinuha niya ang Kaban ng Tipan at dinala sa Jerusalem. 13 Hindi pa man nakakalayo, nakakaanim na hakbang pa lamang ang mga may dala ng Kaban ng Tipan, pinahinto na sila ni David at naghandog sila ng isang toro at isang pinatabang baka. 14 Isinuot ni David ang isang linong efod, at nagsasayaw siya sa harapan ni Yahweh. 15 Habang lumalakad ang mga Israelita, nagsisigawan sila sa tuwa at hinihipan ang mga trumpeta.
16 Nang sila'y papasok na ng lunsod, si David ay naglululundag at nagsasayaw. Nang siya'y madungawan ni Mical na anak ni Saul, hindi niya nagustuhan ang ginawa ni David. 17 Ipinasok nila sa tolda ang Kaban ng Tipan at inilagay sa lugar na nakalaan dito. Si David nama'y muling nag-alay ng mga handog na susunugin sa harapan ni Yahweh. 18 Pagkatapos, binasbasan niya ang mga tao sa pangalan ni Yahweh na Pinakamakapangyarihan sa Lahat. 19 Bago(A) nagsiuwi ang lahat ng mga Israelita, lalaki man o babae, sila'y pinakain ng tinapay, karne at pasas.
5 Sapagkat(A) kailanma'y hindi sinabi ng Diyos sa sinumang anghel,
“Ikaw ang aking Anak,
mula ngayo'y ako na ang iyong Ama.”
Ni hindi rin niya sinabi sa kaninumang anghel,
“Ako'y magiging kanyang Ama,
at siya'y magiging aking Anak.”
6 At(B) nang isusugo na ng Diyos ang kanyang panganay na Anak sa sanlibutan ay sinabi niya,
“Dapat siyang sambahin ng lahat ng mga
anghel ng Diyos.”
7 Tungkol(C) naman sa mga anghel ay sinabi niya,
“Ginawa niyang hangin ang kanyang mga anghel,
at ningas ng apoy ang kanyang mga lingkod.”
8 Ngunit(D) tungkol sa Anak ay sinabi niya,
“Ang iyong trono, O Diyos,[a] ay magpakailan pa man,
ikaw ay maghaharing may katarungan.
9 Katarunga'y iyong mahal, sa masama'y namumuhi;
kaya naman ang iyong Diyos, tanging ikaw ang pinili;
higit sa sinumang hari, kagalakang natatangi.”
10 Sinabi(E) pa rin niya,
“Panginoon, nang pasimula'y nilikha mo ang sanlibutan,
at ang mga kamay mo ang siyang gumawa ng kalangitan.
11 Maliban sa iyo, lahat ay lilipas,
at tulad ng damit, lahat ay kukupas,
12 at ililigpit mong gaya ng isang balabal,
at tulad ng damit, sila'y papalitan.
Ngunit mananatili ka at hindi magbabago,
walang katapusan ang mga taon mo.”
13 Kailanma'y(F) hindi sinabi ng Diyos sa sinumang anghel,
“Maupo ka sa kanan ko,
hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.”
14 Ano(G) ang mga anghel, kung ganoon? Sila'y mga espiritung naglilingkod sa Diyos at mga isinugo upang tumulong sa mga magkakamit ng kaligtasan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.