Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Ibangong Muli ang Israel
Isang Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit.
85 Ikaw po, O Yahweh, naging mapagbigay sa iyong lupain,
pinasagana mo't muling pinaunlad ang bansang Israel.
2 Yaong kasamaan ng mga anak mo'y nilimot mong tunay,
pinatawad sila sa nagawa nilang mga kasalanan. (Selah)[a]
8 Aking naririnig mga pahayag na kay Yahweh nagmula;
sinasabi niyang ang mga lingkod niya'y magiging payapa,
kung magsisisi at di na babalik sa gawang masama.
9 Ang nagpaparangal sa pangalan niya'y kanyang ililigtas,
sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap.
10 Ang katapatan at pag-ibig ay magdadaup-palad,
ang kapayapaan at ang katuwira'y magsasamang ganap.
11 Sa balat ng lupa'y sadyang maghahari itong katapatan,
mula sa itaas, maghahari naman itong katarungan.
12 Gagawing maunlad ng Diyos na si Yahweh itong ating buhay,
ang mga halaman sa ating lupai'y bubungang mainam;
13 ang katarunga'y mauuna sa kanyang daraanan,
kanyang mga yapak, magiging bakas na kanilang susundan.
Ang Pagkatawag kay Jeremias
4 Sinabi sa akin ni Yahweh, 5 “Bago ka pa ipinaglihi at ipanganak ay pinili na kita upang maging propeta para sa lahat ng bansa.”
6 Ang sagot ko naman, “Panginoong Yahweh, hindi po ako magaling na tagapagsalita; bata pa po ako.”
7 Subalit ang sabi niya sa akin, “Huwag mong sabihing bata ka pa. Pumunta ka sa mga taong sasabihin ko sa iyo. Ipahayag mo sa lahat ang aking sasabihin sa iyo. 8 Huwag kang matakot sa kanila sapagkat ako'y kasama mo at iingatan kita. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.”
9 Pagkatapos, iniunat ni Yahweh ang kanyang kamay, hinipo ang aking mga labi, at sinabi, “Ngayon ay ibinigay ko na sa iyo ang mga mensaheng dapat mong sabihin. 10 Ibinibigay ko rin ngayon sa iyo ang kapangyarihang mangaral sa mga bansa at kaharian, upang sila'y bunutin at ibagsak, wasakin at itapon, itayo at itanim.”
Ang Iglesya sa Antioquia
19 May mga mananampalatayang nagkahiwa-hiwalay dahil sa pag-uusig na nagsimula noong patayin si Esteban, na nakarating sa Fenicia, sa Cyprus at sa Antioquia. Ipinapangaral nila ang salita, ngunit sa mga Judio lamang. 20 Subalit may kasama silang ilang mga taga-Cyprus at mga taga-Cirene na pagdating sa Antioquia ay ipinangaral din sa mga Griego[a] ang Magandang Balita tungkol sa Panginoong Jesus. 21 Nasa kanila ang kapangyarihan ng Panginoon, at maraming naniwala at sumunod sa Panginoong Jesus.
22 Nang mabalitaan ito ng iglesya sa Jerusalem, isinugo nila sa Antioquia si Bernabe. 23 Nang dumating siya roon at makita ang pagpapala ng Diyos sa kanila, siya'y nagalak at pinagpayuhan silang lahat na manatiling tapat sa Panginoon nang buong puso. 24 Mabuting tao si Bernabe, puspos ng Espiritu Santo at ng pananampalataya sa Diyos. At marami pang tao ang sumampalataya sa Panginoon.
25 Nagpunta si Bernabe sa Tarso upang hanapin si Saulo, 26 at nang kanyang matagpuan ay isinama niya ito sa Antioquia. Isang taon silang nanatili roon na kasa-kasama ng iglesya, at nagtuturo sa maraming tao. Doon sa Antioquia unang tinawag na Cristiano ang mga tagasunod ni Jesus.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.