Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Ibangong Muli ang Israel
Isang Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit.
85 Ikaw po, O Yahweh, naging mapagbigay sa iyong lupain,
pinasagana mo't muling pinaunlad ang bansang Israel.
2 Yaong kasamaan ng mga anak mo'y nilimot mong tunay,
pinatawad sila sa nagawa nilang mga kasalanan. (Selah)[a]
8 Aking naririnig mga pahayag na kay Yahweh nagmula;
sinasabi niyang ang mga lingkod niya'y magiging payapa,
kung magsisisi at di na babalik sa gawang masama.
9 Ang nagpaparangal sa pangalan niya'y kanyang ililigtas,
sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap.
10 Ang katapatan at pag-ibig ay magdadaup-palad,
ang kapayapaan at ang katuwira'y magsasamang ganap.
11 Sa balat ng lupa'y sadyang maghahari itong katapatan,
mula sa itaas, maghahari naman itong katarungan.
12 Gagawing maunlad ng Diyos na si Yahweh itong ating buhay,
ang mga halaman sa ating lupai'y bubungang mainam;
13 ang katarunga'y mauuna sa kanyang daraanan,
kanyang mga yapak, magiging bakas na kanilang susundan.
24 Titipunin ko kayo mula sa iba't ibang bansa upang ibalik sa inyong bayan. 25 Wiwisikan ko kayo ng tubig na dalisay upang kayo'y luminis. Aalisin ko rin ang naging mantsa ninyo dahil sa inyong mga diyus-diyosan. 26 Bibigyan(A) ko kayo ng bagong puso at bagong espiritu. Ang masuwayin ninyong puso ay gagawin kong pusong masunurin. 27 Bibigyan ko kayo ng aking Espiritu upang makalakad kayo ayon sa aking mga tuntunin at masunod ninyong mabuti ang aking mga utos. 28 Ititira ko kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga ninuno. Kayo ay magiging bayan ko at ako ang inyong Diyos.
Pag-aalinlangan tungkol sa Karapatan ni Jesus(A)
27 Muli silang pumasok sa Jerusalem. Habang si Jesus ay naglalakad sa patyo ng Templo, nilapitan siya ng mga punong pari, ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga pinuno ng bayan. 28 Siya'y tinanong nila, “Ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng ganyang karapatan?”
29 Sumagot si Jesus, “Tatanungin ko kayo. Sagutin ninyo ito at sasabihin ko sa inyo kung kanino galing ang karapatan kong gumawa ng mga bagay na ito. 30 Sabihin ninyo sa akin, kanino galing ang karapatan ni Juan na magbautismo: sa Diyos ba o sa mga tao?”
31 At sila'y nag-usap-usap, “Kung sasabihin nating galing sa Diyos, itatanong naman niya sa atin kung bakit hindi natin pinaniwalaan si Juan. 32 Ngunit kung sasabihin naman nating galing sa tao, baka kung ano naman ang gawin sa atin ng mga tao.” Nangangamba sila sapagkat naniniwala ang marami na si Juan ay isang tunay na propeta. 33 Kaya't ganito ang kanilang isinagot: “Hindi namin alam.”
“Kung gayon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung kanino galing ang karapatan kong gawin ang mga ito,” tugon ni Jesus sa kanila.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.