Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 27

Panalangin ng Pagpupuri

Katha ni David.

27 Si Yahweh ang ilaw ko at kaligtasan;
    sino pa ba ang aking katatakutan?
Si Yahweh ang muog ng aking buhay,
    sino pa ba ang aking kasisindakan?

Kung buhay ko'y pagtangkaan ng taong masasama,
    sila'y mga kalaban ko at mga kaaway nga,
    mabubuwal lamang sila at mapapariwara.
Kahit isang hukbo ang sa aki'y pumalibot,
    hindi pa rin ako sa kanila matatakot;
salakayin man ako ng mga kaaway,
    magtitiwala pa rin ako sa Maykapal.

Kay Yahweh ay isang bagay lang ang aking hiniling,
    iisa lamang talaga ang aking hangarin:
ang tumira sa Templo niya habang buhay,
    upang kagandahan ni Yahweh'y aking mapagmasdan,
    at doo'y humingi sa kanya ng patnubay.
Itatago niya ako kapag may kaguluhan,
    sa loob ng kanyang Templo ako'y iingatan;
    sa ibabaw ng batong malaki ako'y ilalagay.
Matatalo ko ang mga nakapaligid kong kaaway.
    Sa Templo'y sisigaw nang may kagalakan, habang mga handog ko'y iniaalay;
    aawitan ko si Yahweh at papupurihan.

Pakinggan mo ako, Yahweh, sa aking panawagan,
    sagutin mo ako at iyong kahabagan.
Nang sabihin mo, Yahweh, “Lumapit ka sa akin,”
sagot ko'y, “Nariyan na ako at kita'y sasambahin.”
Huwag ka sanang magagalit sa akin;
    ang iyong lingkod, huwag mo sanang palayasin.
Tinulungan mo ako, Diyos ng aking kaligtasan,
    huwag mo po akong iwan, at huwag pabayaan!
10 Itakwil man ako ng aking ama at ina,
    si Yahweh ang sa akin ay mag-aaruga.

11 Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kagustuhan,
    sa ligtas na landas ako'y iyong samahan,
    pagkat naglipana ang aking mga kaaway.
12 Sa mga kaaway ay huwag akong ipaubaya,
    na kung lumulusob ay mga pagbabanta at kasinungalingan ang dalang sandata.

13 Naniniwala akong bago ako mamatay,
    kabutihan ni Yahweh'y aking masasaksihan.
14 Kay Yahweh tayo'y magtiwala!
    Manalig sa kanya at huwag manghinawa.
Kay Yahweh tayo magtiwala!

Malakias 2:10-3:1

Ang Pagtataksil ng Israel

10 Hindi ba iisa ang ating Ama? Hindi ba't iisang Diyos ang lumalang sa atin? Kung gayo'y bakit nagtataksil tayo sa isa't isa at nilalapastangan ang tipan ng ating mga ninuno? 11 Sumira ang Juda sa kanyang pangako sa Diyos at dahil dito'y naganap sa Israel at sa Jerusalem ang isang kasumpa-sumpang pangyayari. Niyurakan nila ang Templo na pinakamamahal ni Yahweh. Ang mga lalaki'y nag-asawa sa mga babaing sumasamba sa ibang mga diyos. 12 Puksain nawa ni Yahweh sa bansang Israel ang sinumang gumagawa nito at huwag na silang pahintulutan pang makibahagi sa paghahandog kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.

13 Kahit pa diligin ninyo ng luha ang altar niya, kahit pa manangis kayo't dumaing, hindi na niya kaluluguran ang mga handog ninyo sa kanya. 14 Itinatanong ninyo kung bakit. Saksi si Yahweh na kayo'y sumira sa pangako ninyo sa inyong asawang pinakasalan ninyo nang kayo'y kabataan pa. Sumira kayo sa pangako ninyo sa kanya, bagama't nangako kayong magiging tapat sa kanya. 15 Hindi ba't pinag-isa kayo ng Diyos sa katawan at sa espiritu? Ang layunin niya ay upang maging tunay na mga anak ng Diyos ang inyong mga supling. Kaya't huwag ninyong pagtaksilan ang babaing pinakasalan ninyo nang kayo'y kabataan pa. 16 “Nasusuklam ako sa pagpapalayas at paghihiwalay ng mga mag-asawa,” sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. “Napopoot ako sa taong gumagawa ng kalupitan sa kanyang asawa. Kaya nga maging tapat kayo sa inyong asawa.”

Ang Nalalapit na Araw ng Paghatol

17 Sawang-sawa na si Yahweh sa inyong mga sinasabi. Subalit itinatanong pa ninyo, “Bakit siya nagsasawa?” Sinasabi ninyong mahal ni Yahweh ang mga gumagawa ng kasamaan at nalulugod siya sa kanila. Itinatanong din ninyo, “Nasaan ang Diyos na makatarungan?”

Sabi(A) ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Ipadadala ko ang aking sugo upang ihanda ang daraanan ko. At si Yahweh na inyong hinahanap ay biglang darating sa kanyang templo. Darating ang pinakahihintay ninyong sugo at ipahahayag ang aking tipan.”

Lucas 1:5-17

Ang Pahayag tungkol sa Pagsilang ni Juan na Tagapagbautismo

Noong(A) panahong si Herodes ang hari ng Judea, may isang paring Judio na kabilang sa pangkat ni Abias na ang pangala'y Zacarias. Ang kanyang asawang si Elizabeth ay mula naman sa angkan ni Aaron. Kapwa sila kalugud-lugod sa paningin ng Diyos at namumuhay nang tapat sa mga utos at tuntunin ng Panginoon. Wala silang anak dahil baog si Elizabeth at kapwa sila matanda na.

Isang araw, nanunungkulan ang pangkat na kinabibilangan ni Zacarias at ginagampanan niya ang kanyang tungkulin sa harapan ng Diyos bilang isang pari. Nang sila'y magpalabunutan, ayon sa kaugalian ng mga paring Judio, siya ang napiling magsunog ng insenso. Pumasok siya sa Templo ng Panginoon sa oras ng pagsusunog ng insenso, 10 habang nagkakatipon naman sa labas ang mga tao at nananalangin. 11 Nagpakita sa kanya doon ang isang anghel ng Panginoon na nakatayo sa gawing kanan ng altar na sunugan ng insenso. 12 Nasindak si Zacarias at natakot nang makita niya ito. 13 Ngunit sinabi ng anghel sa kanya, “Huwag kang matakot, Zacarias! Dininig ng Diyos ang iyong panalangin. Ang iyong asawang si Elizabeth ay magkakaanak ng isang lalaki, at Juan ang ipapangalan mo sa bata. 14 Ikaw ay matutuwa at magiging maligaya. Marami ang magagalak sa kanyang pagsilang 15 sapagkat(B) siya'y magiging dakila sa paningin ng Panginoon. Hindi siya dapat uminom ng alak o anumang inuming nakakalasing. Sa sinapupunan pa lamang ng kanyang ina ay mapupuspos na siya ng Espiritu Santo. 16 Sa pamamagitan niya'y maraming Israelita ang magbabalik-loob sa kanilang Panginoong Diyos. 17 Mauuna(C) siya sa Panginoon na taglay ang espiritu at kapangyarihan ni Elias upang pagkasunduin ang mga ama at ang kanilang mga anak, at panumbalikin ang mga suwail sa karunungan ng mga matuwid. Sa gayon, ipaghahanda niya ng isang bayan ang Panginoon.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.