Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 126

Panalangin Upang Iligtas ng Diyos

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

126 Nang lingapin tayo ni Yahweh at sa Zion ay ibalik,
    ang nangyaring kasaysaya'y parang isang panaginip.
Lahat tayo ay natuwa, masasayang nagsiawit!
Ang sabi ng mga bansang nagmamasid sa paligid,
“Tunay na dakila, ginawa ni Yahweh para sa kanila!”
Dakila ngang masasabi, pambihira ang ginawa,
kaya naman kami ngayon, nagdiriwang, natutuwa!

Kung paanong inuulan itong mga tuyong batis,
sa sariling bayan namin, Yahweh, kami ay ibalik.
Silang tumatangis habang nagsisipagtanim,
hayaan mo na mag-ani na puspos ng kagalakan.

Silang mga nagsihayong dala'y binhi't nananangis,
ay aawit na may galak, dala'y ani pagbalik!

Habakuk 3:13-19

13 Lumabas kayo para iligtas ang inyong bayan,
    at ang haring pinili ninyo.
Dinurog ninyo ang pinuno ng masasama,
    at nilipol na lahat ang kanyang tagasunod.
14 Sinibat ninyo ang pinuno ng mga mandirigma,
    nang dumating sila na parang ipu-ipo upang kami'y pangalatin.
    Kagalakan nilang sakmalin nang palihim ang mga dukha.
15 Niyurakan ninyo ang dagat sa pamamagitan ng inyong mga kabayo,
    at bumula ang malawak na karagatan.

16 Narinig kong lahat ito at ako'y nanginig;
    nangatal ang aking mga labi dahil sa takot.
Nanghina ang aking katawan,
    at ako'y nalugmok.

Tahimik kong hihintayin ang takdang panahon
    ng pagpaparusa ng Diyos sa mga umapi sa amin.

17 Bagama't di namumunga ang puno ng igos
    at hindi rin namumunga ang mga ubas,
kahit na maantala ang pamumunga ng olibo
    at walang anihin sa mga bukirin,
kahit na mamatay lahat ang mga tupa
    at mawala ang mga baka sa kulungan,
18 magagalak pa rin ako at magsasaya,
    dahil si Yahweh ang Diyos na magliligtas sa akin.
19 Ang(A) Panginoong Yahweh ang sa aki'y nagpapalakas.
    Tulad ng usa, tiyak ang aking mga hakbang,
    inaalalayan niya ako sa mga kabundukan.

Mateo 21:28-32

Ang Talinghaga tungkol sa Dalawang Anak

28 “Ano ang palagay ninyo rito? May isang taong may dalawang anak na lalaki. Lumapit siya sa nakatatanda at sinabi, ‘Anak, pumunta ka ngayon sa ubasan at magtrabaho ka roon.’ 29 ‘Ayoko po,’ tugon nito, ngunit nagbago ito ng pasya at nagtrabaho sa ubasan. 30 Lumapit din ang ama sa ikalawa at ganoon din ang kanyang sinabi. At tumugon ito, ‘Opo,’ ngunit hindi naman pumunta sa ubasan. 31 Sino sa dalawa ang sumunod sa kalooban ng kanyang ama?”

“Ang nakatatanda po,” sagot nila.

Sinabi sa kanila ni Jesus, “Tandaan ninyo: ang mga maniningil ng buwis at ang mga bayarang babae ay nauuna pa sa inyo na makapasok sa kaharian ng Diyos. 32 Sapagkat(A) naparito sa inyo si Juan at itinuro ang pagsunod sa kalooban ng Diyos, at hindi ninyo siya pinaniwalaan, ngunit naniwala sa kanya ang mga maniningil ng buwis at ang mga bayarang babae. Nakita ninyo ito subalit hindi pa rin kayo nagsisi't tumalikod sa inyong mga kasalanan, at hindi rin kayo naniwala sa kanya.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.