Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Muling Ibalik ang Israel
Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Liryo ng Kasunduan”.
80 Pastol(A) ng Israel,
ikaw na nanguna't umakay kay Jose, na tulad sa kawan,
ikiling sa amin ang iyong pandinig, kami ay pakinggan;
mula sa trono mong may mga kerubin, kami ay tulungan.
2 Ang iyong pag-ibig iyong ipadama sa angkan ni Efraim, Manases at Benjamin,
sa taglay mong lakas, kami ay iligtas, sa hirap ay tubusin!
3 Ibalik mo kami, O Diyos,
at ipadama mo ang iyong pagmamahal, iligtas mo kami, at sa iyong sinag kami ay tanglawan.
4 Yahweh, Makapangyarihang Diyos, hanggang kailan ba patatagalin mo ang galit sa amin?
Hanggang kailan pa diringgin mo kami sa aming dalangin?
5 Masdan mo nga kami sa tuwi-tuwina'y tinapay ng luha yaong kinakain,
luha ng hinagpis, ang inihanda mo na aming inumin.
6 Ang mga bansa sa paligid, hinayaan mong kami ay kutyain,
iyong pinayagang pagtawanan kami ng kaaway namin.
7 Ibalik mo kami, O Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat;
tanglawan mo kami't sa kahabagan mo, kami ay iligtas!
17 Ang mga lingkod mo ay iyong ingatan, yamang hinirang mo ay ipagsanggalang,
iyong palakasin bilang isang bansang makapangyarihan!
18 At kung magkagayon, magbabalik kami't di na magtataksil sa iyo kailanman,
kami'y pasiglahi't aming pupurihin ang iyong pangalan.
19 Ibalik mo kami, O Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat;
tanglawan mo kami't sa kahabagan mo, kami ay iligtas!
13 Sinabi pa ni Yahweh, “Sa panahong iyon, lilitaw ang isang bukal at lilinisin nito ang kasalanan at karumihan ng sambahayan ni David at ng mga taga-Jerusalem.
2 “Aalisin ko sa lupain ang lahat ng diyus-diyosan at mapapawi sila sa alaala habang panahon. Aalisin ko na rin ang mga bulaang propeta at masasamang espiritu. 3 Sakali mang may lumitaw na bulaang propeta, sasabihin ng kanyang mga magulang na hindi siya dapat mabuhay, pagkat ginagamit pa niya sa kasinungalingan ang pangalan ni Yahweh. At ang mga magulang niya mismo ang papatay sa kanya sa sandaling siya'y magpahayag. 4 Sa araw ngang iyon, wala nang magmamalaking siya ay propeta, wala nang magdadamit-propeta ni magkukunwaring propeta. 5 Sa halip, sasabihin nilang sila'y hindi propeta kundi mga hamak na magbubukid lamang mula sa kanilang kabataan. 6 Kung may magtanong sa kanya tungkol sa mga pilat niya sa dibdib, sasabihin niyang iyon ay likha ng mga nagmamahal sa kanya.”
Ang Pagpatay sa Pastol ni Yahweh
7 Ito(A) ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Tabak, kumilos ka laban sa tagapangalaga ng aking mga tupa, laban sa aking lingkod. Patayin mo ang pastol upang magkawatak-watak ang mga tupa; lilipulin ko naman pati ang maliliit. 8 Malilipol ang dalawang ikatlong bahagi ng naninirahan sa lupain; ikatlong bahagi lamang ang matitira. 9 Ang mga ito'y padadaanin ko sa apoy upang dalisayin, tulad ng pagdalisay sa pilak at ginto. Tatawag sila sa akin at akin namang diringgin. Sasabihin kong sila ang aking bayan. Sasabihin naman nilang ako ang kanilang Diyos.”
Ang Tatlong Anghel
6 Nakita ko rin ang isa pang anghel na lumilipad sa himpapawid, dala ang walang hanggang Magandang Balita upang ipahayag sa mga tao sa lupa, sa lahat ng bansa, lipi, wika, at bayan. 7 Sinabi niya nang malakas, “Matakot kayo sa Diyos at luwalhatiin ninyo siya! Sapagkat dumating na ang oras ng kanyang paghatol. Sambahin ninyo ang Diyos na lumikha ng langit, lupa, dagat, at mga bukal ng tubig!”
8 Sumunod(A) naman ang ikalawang anghel na nagsasabi, “Bumagsak na! Bumagsak na ang makapangyarihang Babilonia, na nagpainom sa lahat ng mga bansa ng alak ng kanyang kahalayan!”
9 At sumunod sa dalawa ang ikatlong anghel na sumisigaw, “Sinumang sumasamba sa halimaw at sa larawan nito, at nagpatatak sa kanyang noo o sa kamay, 10 ay(B) paiinumin ng Diyos ng purong alak ng kanyang poot na ibinuhos sa kopa ng kanyang galit. Pahihirapan sila sa apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel at sa harapan ng Kordero. 11 Ang(C) usok mula sa apoy na nagpapahirap sa kanila ay patuloy na tataas magpakailanman. Araw at gabi ay maghihirap nang walang pahinga ang mga sumamba sa halimaw at sa kanyang larawan, at ang mga natatakan ng kanyang pangalan.”
12 Ito'y panawagan na magpakatatag ang mga hinirang ng Diyos, ang mga sumusunod sa mga utos ng Diyos at nananatiling tapat kay Jesus.
13 At narinig ko mula sa langit ang isang tinig, na nagsasabi, “Isulat mo: Mula ngayon, pinagpala ang mga namamatay na naglilingkod sa Panginoon!” At sinabi ng Espiritu, “Totoo nga silang pinagpala! Magpapahinga na sila sa kanilang mga pagpapagal; sapagkat sinusundan sila ng kanilang mga gawa.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.