Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Bunga ng Pagsunod kay Yahweh
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
128 Mapalad ang bawat tao na kay Yahweh ay may takot,
ang maalab na naisi'y sumunod sa kanyang utos.
2 Kakainin niya ang bunga ng kanyang pinaghirapan,
ang taong ito'y maligaya't maunlad ang pamumuhay.
3 Sa tahanan, ang asawa'y parang ubas na mabunga,
at bagong tanim na olibo sa may hapag ang anak niya.
4 Ang sinuman kung si Yahweh buong pusong susundin,
buhay niya ay uunlad at laging pagpapalain.
5 Mula sa Zion, pagpapala nawa ni Yahweh ay tanggapin,
at makita habang buhay, pag-unlad ng Jerusalem;
6 ang magiging iyong apo, nawa iyong makita rin,
nawa'y maging mapayapa itong bayan ng Israel!
Tumigil ang Araw at ang Buwan
12 Noong araw na ang mga Israelita'y pinagtagumpay ni Yahweh laban sa mga Amoreo, nakipag-usap si Josue kay Yahweh. Ito ang sinabi niya na naririnig ng buong bayan:
“Huminto ka, Araw, sa tapat ng Gibeon,
at ikaw rin, Buwan, sa Libis ng Ayalon.”
13 Tumigil(A) nga ang araw at hindi gumalaw ang buwan hanggang sa matalo ng mga Israelita ang kanilang mga kaaway. Hindi ba't nasusulat ito sa Aklat ni Jasher? Tumigil ang araw sa gitna ng langit at hindi lumubog sa buong maghapon. 14 Kailanma'y hindi pa nangyari at hindi na muling mangyayari na si Yahweh ay sumunod sa isang tao at nakipaglaban sa panig ng Israel.
Mga Minanang Katuruan(A)
15 Pagkatapos, lumapit kay Jesus ang ilang Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na galing sa Jerusalem, at siya'y tinanong nila, 2 “Bakit nilalabag ng mga alagad mo ang mga katuruang minana natin sa ating mga ninuno? Kumakain sila nang hindi muna naghuhugas ng kamay ayon sa tamang paraan!”
3 Sinagot sila ni Jesus, “Bakit naman ninyo nilalabag ang utos ng Diyos dahil sa inyong mga tradisyon? 4 Sinabi(B) ng Diyos, ‘Igalang mo ang iyong ama at ina’ at, ‘Ang sinumang lumait sa kanyang ama o ina ay dapat patayin.’ 5 Ngunit itinuturo ninyo na kapag sinabi ng isang tao sa kanyang ama o ina, ‘Ang anumang maitutulong ko sa inyo ay naihandog ko na sa Diyos,’ 6 hindi na niya kailangang tulungan ang kanyang ama [at ang kanyang ina].[a] Pinawawalang-kabuluhan ninyo ang salita ng Diyos masunod lamang ninyo ang inyong minanang mga katuruan. 7 Mga mapagkunwari! Tama nga ang sinabi ni propeta Isaias tungkol sa inyo,
8 ‘Ang(C) paggalang sa akin ng bayang ito ay pakunwari lamang,
sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal.
9 Walang kabuluhan ang kanilang pagsamba,
sapagkat itinuturo nilang galing sa Diyos ang kanilang mga utos.’”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.