Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 100

Awit ng Pagpupuri

Isang Awit ng Pasasalamat.

100 Umawit sa kagalakan ang lahat ng mga bansa!
Si Yahweh ay papurihan, paglingkuran siyang kusa;
    lumapit sa presensya niya at umawit na may tuwa!

O si Yahweh ay ating Diyos! Ito'y dapat na malaman,
    tayo'y kanya, kanyang lahat, tayong lahat na nilalang;
    lahat tayo'y bayan niya, kabilang sa kanyang kawan.

Pumasok sa kanyang templo na ang puso'y nagdiriwang,
    umaawit, nagpupuri sa loob ng dakong banal;
    purihin ang ngalan niya at siya'y pasalamatan!

Napakabuti(A) ni Yahweh,
    pag-ibig niya'y walang hanggan,
    pag-ibig niya ay tunay, laging tapat kailanman!

Genesis 48:15-22

15 At sila'y binasbasan,

“Pagpalain nawa kayo at palaging subaybayan,
    ng Diyos na pinaglingkuran ni Isaac at ni Abraham;
ng Diyos na sa aki'y nangalaga't pumatnubay,
    simula sa pagkabata't magpahanggang ngayon man.

16 At pati na ang anghel na sa akin ay nagligtas,
    pagpalain nawa kayo, tanggapin ang kanyang basbas;
maingatan nawa ninyo at taglayin oras-oras
    ang ngalan ko, at ang ngalan ni Abraham at ni Isaac.
Nawa kayo ay lumago, dumami at lumaganap.”

17 Nang makita ni Jose ang ginawa ng kanyang ama, minasama niya iyon kaya't hinawakan niya ang kanang kamay nito upang ilipat sa ulo ni Manases. 18 Wika niya, “Ito po ang matanda, ama. Sa kanya ninyo ipatong ang inyong kanang kamay.”

19 Ngunit sinabi ni Jacob, “Alam ko iyan, anak, alam ko. Alam kong magiging dakila si Manases, pati ang kanyang mga anak, ngunit lalong magiging dakila ang nakababata niyang kapatid. Ang kanyang lahi ay magiging dakilang mga bansa.”

20 Sinabi(A) pa niya ito:
“Ang mga Israelita, sa Diyos ay hihilingin,
    dahil kayo'y pinagpala, sila ma'y pagpalain din.
Sa kanilang kahilingan, ganito ang sasabihin:
    ‘Kayo nawa ay matulad kay Efraim at Manases.’”

Sa ganitong paraan ginawa ni Jacob na una si Efraim kay Manases.

21 Pagkatapos nito, sinabi ni Israel, “Jose, ako'y mamamatay na ngunit huwag kang mababahala. Sasamahan ka ng Diyos at kayo'y ibabalik niya sa lupain ng inyong mga ninuno. 22 Ikaw ang tanging magmamana ng Shekem na nakuha ko sa mga Amoreo sa pamamagitan ng aking tabak at pana.”

Pahayag 14:1-11

Ang Awit ng mga Tinubos

14 Tumingin(A) ako, at nakita ko ang Kordero na nakatayo sa Bundok ng Zion, kasama ang isandaan at apatnapu't apat na libong tao (144,000). Nakasulat sa kanilang noo ang pangalan ng Kordero at ang pangalan ng kanyang Ama. At narinig ko mula sa langit ang isang tinig na sinlakas ng rumaragasang tubig at dagundong ng kulog. Ang tinig na narinig ko'y parang tugtugan ng mga manunugtog ng alpa. Sila'y umaawit ng isang bagong awit sa harap ng trono, at sa harap ng apat na nilalang na buháy at sa harap ng matatandang pinuno. Walang matututong umawit sa awit na iyon kundi ang isandaan at apatnapu't apat na libong (144,000) tinubos mula sa daigdig. Ito ang mga lalaking nanatiling walang dungis at hindi nakipagtalik sa mga babae. Nanatili silang mga birhen. Sumusunod sila sa Kordero saanman siya magpunta. Sila'y tinubos mula sa buong sangkatauhan bilang mga unang handog sa Diyos at sa Kordero. Hindi(B) sila nagsinungaling kailanman at wala silang anumang kapintasan.

Ang Tatlong Anghel

Nakita ko rin ang isa pang anghel na lumilipad sa himpapawid, dala ang walang hanggang Magandang Balita upang ipahayag sa mga tao sa lupa, sa lahat ng bansa, lipi, wika, at bayan. Sinabi niya nang malakas, “Matakot kayo sa Diyos at luwalhatiin ninyo siya! Sapagkat dumating na ang oras ng kanyang paghatol. Sambahin ninyo ang Diyos na lumikha ng langit, lupa, dagat, at mga bukal ng tubig!”

Sumunod(C) naman ang ikalawang anghel na nagsasabi, “Bumagsak na! Bumagsak na ang makapangyarihang Babilonia, na nagpainom sa lahat ng mga bansa ng alak ng kanyang kahalayan!”

At sumunod sa dalawa ang ikatlong anghel na sumisigaw, “Sinumang sumasamba sa halimaw at sa larawan nito, at nagpatatak sa kanyang noo o sa kamay, 10 ay(D) paiinumin ng Diyos ng purong alak ng kanyang poot na ibinuhos sa kopa ng kanyang galit. Pahihirapan sila sa apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel at sa harapan ng Kordero. 11 Ang(E) usok mula sa apoy na nagpapahirap sa kanila ay patuloy na tataas magpakailanman. Araw at gabi ay maghihirap nang walang pahinga ang mga sumamba sa halimaw at sa kanyang larawan, at ang mga natatakan ng kanyang pangalan.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.