Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Matalo ang mga Kalaban
Awit ni Asaf.
83 Huwag kang manahimik, O Diyos, huwag kang magpabaya, ikaw ay kumilos.
2 Hayun! Ang kaaway nagsisipag-alsa,
at ang namumuhi'y kinakalaban ka.
3 Sila'y nagbabalak laban sa hinirang,
laban sa lahat ng iyong iningatan.
4 Ganito ang sabi, “Ating papawiin, ang kanilang bansa'y ating lilipulin;
upang ang Israel, malimutan na rin!”
9 Mga(A) bansang ito'y iyong parusahan, tulad ng parusang ginawa sa Midian,
kay Jabi't Siserang nalupig sa laban nang sa Ilog Kison, buhay winakasan.
10 Pinatay lahat at ang hukbo'y nawasak,
sa Endor, ang bangkay nila ay nagkalat.
17 Lupigin mo sila't takuting lubusan,
lubos mong hiyain hanggang sa mamatay.
18 Sana ikaw, Yahweh, kanilang mabatid,
ang tangi't dakilang hari ng daigdig!
Binitay si Haman
7 Si Haring Xerxes at si Haman ay dumalo sa ikalawang handaan ni Reyna Ester. 2 Habang sila'y nag-iinuman, itinanong ng hari, “Reyna Ester, ano nga ba ang hihilingin mo? Sabihin mo at ibibigay ko sa iyo, kahit ang kalahati ng aking kaharian.”
3 Sumagot si Reyna Ester, “Kung inyo pong mamarapatin, Mahal na Hari, nais ko po sanang hilingin na ako at ang aking mga kababayan ay inyong iligtas, 4 sapagkat kami po ay ipinagbili para patayin at lipulin. Kung kami po ay ipinagbili upang maging mga alipin, magsasawalang-kibo na lamang po ako at hindi na kayo gagambalain pa. Subalit kami po ay nililipol na!”
5 Itinanong ng hari, “Sinong may pakana ng mga bagay na ito?”
6 Sumagot si Ester, “Ang aming kaaway at taga-usig—ang masamang, si Haman!”
At si Haman ay nangatog sa takot sa harap ng hari at ng reyna. 7 Galit na galit na tumindig ang hari at nagpunta sa hardin ng palasyo. Naiwan naman si Haman at nagmakaawa kay Reyna Ester sapagkat natitiyak niyang siya'y paparusahan ng hari.
8 Nang magbalik ang hari, nakita niyang nakadapa si Haman sa harap ng reyna na noo'y nakahiga. Dahil dito'y pagalit na sinabi ng hari, “Pagbabalakan pa niya ng masama ang reyna at sa loob pa naman ng aking pamamahay?”
Hindi pa halos natatapos ang salita ng hari, tinakpan na ng mga lingkod ng hari ang mukha ni Haman.
9 Pagkatapos, sinabi ni Harbona, isa sa mga eunuko ng hari, “Nagpagawa na po si Haman ng isang bitayan para kay Mordecai na nagligtas sa buhay ninyo, Mahal na Hari. Ang taas po ng bitayan ay dalawampu't dalawa't kalahating metro at naroon sa tabi ng kanyang bahay.”
10 “Doon siya bitayin!” utos ng hari.
Binitay nga si Haman sa bitayang ginawa niya para kay Mordecai. Pagkatapos, napawi na ang galit ng hari.
Dapat Palaging Maging Handa(A)
45 “Sino ang tapat at matalinong alipin? Hindi ba't ang pinamamahala ng kanyang panginoon upang magpakain sa iba pang mga alipin sa takdang oras? 46 Pinagpala ang aliping iyon kapag dinatnan siyang tapat na naglilingkod sa pagbabalik ng kanyang panginoon! 47 Sinasabi ko sa inyo, gagawin siyang tagapamahala ng kanyang panginoon sa lahat ng mga ari-arian nito. 48 Ngunit kung masama ang aliping iyon, sasabihin niya sa kanyang sarili, ‘Matatagalan pa ang pagbabalik ng aking panginoon.’ 49 Kaya't sisimulan niyang bugbugin ang kanyang kapwa alipin, at makikipagkainan at makikipag-inuman sa mga lasenggo. 50 Babalik ang panginoon ng aliping iyon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. 51 Bibigyan siya ng kanyang panginoon ng matinding parusa,[a] at pagkatapos ay isasama sa mga mapagkunwari. Doo'y tatangis siya at magngangalit ang ngipin.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.