Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Katha ni David.
28 Tagapagtanggol kong Yahweh, ako'y nananawagan,
sana'y iyong pakinggan itong aking karaingan.
Kung katugunan ay hindi mo ibibigay,
para na rin akong nasa daigdig ng mga patay.
2 Pakinggan mo sana ang paghingi ko ng saklolo,
kapag itinataas ang kamay ko sa iyong banal na Templo.
3 Huwag mo akong ibilang sa mga masasama,
na pawang kalikuan ang mga ginagawa;
kung magsalita'y parang mga kaibigan,
ngunit sa puso'y may pagkamuhing taglay.
4 Parusahan(A) mo sila sa kanilang ginagawa,
pagkat mga gawa nila'y pawang masasama.
Parusa sa kanila'y iyong igawad,
ibigay sa kanila ang hatol na dapat.
5 Mga gawa ni Yahweh ay di nila pinapansin,
mabubuti niyang gawa'y ayaw intindihin;
kaya't sila'y kanyang pupuksain,
at hindi na muling pababangunin.
6 Si Yahweh ay dapat purihin!
Dininig niya ang aking mga daing.
7 Si Yahweh ang lakas ko at kalasag,
tiwala ko'y sa kanya nakalagak.
Tinutulungan niya ako at pinasasaya,
sa awiti'y pinasasalamatan ko siya.
8 Iniingatan ni Yahweh ang kanyang sambayanan;
siya ang kanlungan ng kanyang haring hinirang.
9 Iligtas mo, Yahweh, ang iyong bayan,
ang mga sa iyo, ay iyong basbasan.
Alagaan mo sila magpakailanman,
tulad ng pastol sa kanyang kawan.
15 Sinabi ni Moises, 16 “Hinihiling ko, Yahweh, Diyos na bukal ng buhay, na pumili kayo ng isang taong 17 mangunguna(A) sa Israel upang ang iyong sambayanan ay hindi matulad sa mga tupang walang pastol.”
18 Sinabi(B) ni Yahweh kay Moises, “Ipatawag mo si Josue na anak ni Nun; siya ay may natatanging kakayahan. Ipatong mo sa kanya ang iyong mga kamay. 19 Patayuin mo siya sa harapan ng paring si Eleazar at ng buong Israel at doo'y ipahayag mo siya bilang iyong kahalili. 20 Bigyan mo siya ng iyong kapangyarihan upang sundin siya ng buong Israel. 21 Kay(C) Eleazar niya malalaman sa pamamagitan ng Urim kung ano ang aking kalooban. Kung ano ang sabihin ni Eleazar ay susundin ng buong kapulungan.” 22 Sinunod ni Moises ang lahat ng sinabi ni Yahweh. Ipinatawag nga niya si Josue, pinatayo sa harapan ni Eleazar at ng buong bayan. 23 Pagkatapos,(D) ipinatong niya rito ang kanyang mga kamay at ipinahayag na kahalili niya.
8 Alalahanin mo si Jesu-Cristo, ang muling binuhay at nagmula sa angkan ni David, ayon sa Magandang Balitang ipinapangaral ko. 9 Ito ang dahilan ng aking pagdurusa at pagkagapos na parang isang kriminal. Subalit hindi kailanman maigagapos ang salita ng Diyos. 10 Tinitiis ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mga hinirang ng Diyos upang magkaroon sila ng kaligtasan at walang hanggang kaluwalhatian mula kay Cristo Jesus. 11 Totoo ang kasabihang ito:
“Kung tayo'y namatay na kasama ni Jesu-Cristo,
mabubuhay din tayong kasama niya.
12 Kung(A) tayo'y nagtitiis ng hirap sa mundong ito,
maghahari din tayong kapiling niya.
Kapag itinakwil natin siya,
itatakwil rin niya tayo.
13 Kung tayo man ay hindi tapat,
siya'y nananatiling tapat pa rin
sapagkat hindi niya maaaring itakwil ang kanyang sarili.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.