Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 123

Panalangin Upang Kahabagan

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

123 Ang aking pangmasid doon nakatuon,
    sa luklukang trono mo, O Panginoon.
Tulad ko'y aliping ang inaasahan
    ay ang amo niya para sa patnubay,
kaya tuluy-tuloy ang aming tiwala,
    hanggang ikaw, Yahweh, sa ami'y maawa.

Mahabag ka, Yahweh, kami'y kaawaan,
    labis na paghamak aming naranasan.
Kami'y hinahamak ng mga mayaman,
    laging kinukutya kahit noon pa man ng mapang-aliping taong mayayabang.

Mga Hukom 2:6-15

Ang Pagkamatay ni Josue

6-10 Pinalakad(A) na ni Josue ang mga Israelita at kanila ngang tinirhan ang mga lupaing nakatalaga para sa kanila. Si Josue ay namatay sa edad na 110 taon at inilibing siya sa Timnat-heres, isang lugar na sakop ng kanyang lupain sa kaburulan ng Efraim, sa gawing hilaga ng Bundok Gaas. Namatay rin ang buong salinlahing kasabayan ni Josue. Naglingkod nang tapat kay Yahweh ang mga Israelita habang nabubuhay si Josue at ang mga pinunong nakasaksi sa mga kahanga-hangang bagay na ginawa ni Yahweh para sa Israel. Subalit ang sumunod na salinlahi ay nakalimot kay Yahweh at sa lahat ng ginawa niya para sa Israel.

Tumigil ang Israel sa Paglilingkod kay Yahweh

11 Ang mga Israelita ay gumawa ng kasamaan laban kay Yahweh at sumamba sila sa mga Baal. 12 Tinalikuran nila si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, na nagligtas sa kanila sa Egipto. Naglingkod sila at sumamba sa mga diyus-diyosan ng mga bayan sa kanilang paligid. Kaya nagalit sa kanila si Yahweh. 13 Itinakwil nila si Yahweh at naglingkod sa mga Baal at kay Astarot. 14 Dahil dito, nagalit si Yahweh sa Israel at sila'y hinayaan niyang matalo ng kaaway at samsaman ng ari-arian. 15 Tuwing makikipagdigma sila, hindi na sila tinutulungan ni Yahweh tulad ng kanyang babala. Kaya't wala silang kapanatagan.

Pahayag 16:1-7

Ang mga Mangkok ng Poot ng Diyos

16 Mula sa templo'y narinig ko ang isang malakas na tinig na nag-uutos sa pitong anghel, “Humayo na kayo at ibuhos ninyo sa lupa ang laman ng pitong mangkok ng poot ng Diyos.”

Kaya(A) umalis ang unang anghel at ibinuhos sa lupa ang laman ng dala niyang mangkok. At nagkaroon ng mahahapdi at nakakapandiring pigsa ang mga taong may tatak ng halimaw at sumamba sa larawan nito.

Ibinuhos ng ikalawang anghel ang laman ng kanyang mangkok sa dagat. Ang tubig nito ay naging parang dugo ng patay na tao, at namatay ang lahat ng nilikhang may buhay na nasa dagat.

Ibinuhos(B) naman ng ikatlong anghel ang laman ng kanyang mangkok sa mga ilog at mga bukal, at naging dugo rin ang mga ito. At narinig kong sinabi ng anghel na namamahala sa mga tubig,

“Ikaw ang Matuwid, na nabubuhay ngayon at noong una, ang Banal,
    sapagkat hinatulan mo ang mga bagay na ito.
Ang mga nagpadanak ng dugo ng mga hinirang ng Diyos at ng mga propeta
    ay binigyan mo ng dugo upang kanilang inumin.
Iyan ang nararapat sa kanila!”

At narinig ko ang isang tinig mula sa dambana na nagsasabi,

“Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
    talagang matuwid at tama ang mga hatol mo!”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.