Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin para Iligtas ng Dios
142 Tumawag ako nang malakas sa inyo, Panginoon.
Nananalangin ako na kaawaan nʼyo ako.
2 Sinasabi ko sa inyo ang aking mga hinaing at mga suliranin.
3 Kapag akoʼy nawawalan na ng pag-asa, kayo ay nariyan na nagbabantay kung ano ang nangyayari sa akin.
Ang aking mga kaaway ay naglagay ng bitag sa aking dinadaanan.
4 Tingnan nʼyo ang aking paligid, walang sinumang tumutulong sa akin.
Walang sinumang nangangalaga at nagmamalasakit sa akin.
5 Kaya tumawag ako sa inyo, Panginoon.
Sinabi ko, “Kayo ang aking kanlungan,
kayo lang ang kailangan ko rito sa mundo.”
6 Pakinggan nʼyo ang paghingi ko ng tulong,
dahil wala na akong magawa.
Iligtas nʼyo ako sa mga umuusig sa akin,
dahil silaʼy mas malakas sa akin.
7 Palayain nʼyo ako sa bilangguang ito,
upang akoʼy makapagpuri sa inyo.
At ang mga matuwid ay magtitipon sa paligid ko,
dahil sa kabutihan nʼyo sa akin, Panginoon.
Parurusahan ng Dios ang mga Bansa
15 “Hindi sana ninyo ginawa iyon sa mga taga-Jerusalem, dahil malapit na ang araw ng aking paghatol sa lahat ng bansa. At kung ano ang inyong ginawa sa iba, ganoon din ang gagawin sa inyo. Kung paano ang pagtrato nʼyo sa iba, ganoon din ang magiging pagtrato nila sa inyo. 16 Kung paanong pinarusahan ang aking mga mamamayan[a] sa aking banal na bundok,[b] parurusahan din ang lahat ng bansa. Matinding parusa ang ibibigay ko sa kanila hanggang malipol silang lahat.
Magtatagumpay ang Israel
17 “Pero may matitirang mga Israelita sa bundok ng Zion, at magiging banal muli ang lugar na ito. Maibabalik sa mga lahi ni Jacob ang mga lupain na dati nilang pag-aari. 18 Ang mga lahi nina Jacob at Jose[c] ay magiging tulad ng apoy na lilipol sa lahi ni Esau, tulad ng pagsunog sa dayami. At walang matitira sa lahi ni Esau.” Mangyayari nga ito, dahil ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
19 “Sasakupin ng mga Israelitang taga-Negev[d] ang bundok ni Esau, at sasakupin ng mga Israelitang nakatira sa kaburulan sa kanluran[e] ay sasakupin naman ang lupain ng mga Filisteo. Sasakupin din ng mga Israelita ang lupain ng Efraim at Samaria, at sasakupin naman ng mga lahi ni Benjamin ang Gilead. 20 Sasakupin ng maraming Israelita na galing sa pagkabihag ang lupain ng Canaan hanggang sa Zarefat. Ang mga taga-Jerusalem na binihag sa Sefarad ay sasakupin naman ang mga bayan ng Negev. 21 Aakyat sa Bundok ng Zion ang mga tagapagpalaya ng Israel upang pamahalaan ang mga taong naninirahan sa Bundok ni Esau. At ako, ang Panginoon, ang siyang maghahari.”
Ang Layunin ng mga Talinghaga(A)
10 Pagkatapos, lumapit kay Jesus ang mga tagasunod niya at nagtanong, “Bakit po kayo gumagamit ng talinghaga sa pagtuturo sa mga tao?” 11 Sumagot si Jesus, “Ipinagkaloob sa inyo na malaman ang mga lihim tungkol sa paghahari ng Dios,[a] pero hindi ito ipinagkaloob sa iba. 12 Sapagkat ang taong sumusunod sa narinig niyang katotohanan ay bibigyan pa ng higit na pang-unawa. Ngunit ang taong hindi sumusunod sa katotohanan, kahit ang kaunti niyang naunawaan ay kukunin pa sa kanya. 13 Kaya nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng talinghaga, dahil tumitingin sila pero hindi nakakakita, at nakikinig pero hindi naman nakakaunawa. 14 Sa kanila natupad ang sinabi noon ni Isaias:
‘Makinig man kayo nang makinig, hindi kayo makakaunawa.
Tumingin man kayo nang tumingin, hindi kayo makakakita.
15 Dahil matigas ang puso ng mga taong ito.
Tinakpan nila ang kanilang mga tainga,
at ipinikit ang kanilang mga mata,
dahil baka makakita sila at makarinig,
at maunawaan nila kung ano ang tama,
at magbalik-loob sila sa akin,
at pagalingin ko sila.’[b]
16 Ngunit mapalad kayo, dahil nakakakita kayo at nakakaunawa. 17 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, maraming propeta at matutuwid na tao noon ang naghangad na makakita at makarinig ng nakikita at naririnig ninyo ngayon, pero hindi ito nangyari sa kanilang panahon.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®