Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Awit ng mga Awit 2:8-13

Ayan na! Naririnig ko nang paparating ang aking mahal. Dumarating siyang patalon-talon na parang usa sa mga bundok at burol. Tingnan ninyo, nariyan na siya na nakatayo sa may pader, at sa bintana akoʼy sinisilip. 10 Sinabi niya sa akin, “Halika na irog kong maganda at sa akin ay sumama ka. 11 Tapos na ang panahon ng taglamig at tag-ulan. 12 Namumukadkad na ang mga bulaklak sa parang, panahon na ng pag-aawitan at maririnig na rin ang huni ng mga kalapati sa kabukiran. 13 Ang mga bunga ng igos ay hinog na[a] at humahalimuyak ang bulaklak ng mga ubas. Halika na irog kong maganda, sa akin ay sumama ka na.”

Genesis 29:31-35

Ang mga Anak ni Jacob

31 Nakita ng Panginoon na hindi mahal ni Jacob si Lea, kaya niloob niyang magkaanak si Lea, pero si Raquel naman ay hindi. 32 Nagbuntis si Lea at nanganak ng lalaki at pinangalanan niyang Reuben,[a] dahil sinabi niya, “Nakita ng Panginoon ang paghihirap ko, at ngayoʼy tiyak na mamahalin na ako ng aking asawa.”

33 Muli siyang nagbuntis at nanganak ng isa na namang lalaki. Sinabi niya, “Muli akong binigyan ng Panginoon ng isang anak na lalaki dahil narinig niya na hindi ako minamahal ng aking asawa.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Simeon.[b]

34 Muling nagbuntis si Lea at nanganak ng isa pang lalaki. Sinabi niya, “Ngayon, magiging malapit na sa akin ang aking asawa dahil tatlo na ang anak naming lalaki.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Levi.[c]

35 Muling nagbuntis si Lea at nanganak ng isa na namang lalaki. Sinabi niya, “Ngayon, pupurihin ko ang Panginoon.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Juda.[d] Mula noon, hindi na siya nagkaanak.

Juan 13:1-17

Hinugasan ni Jesus ang Paa ng mga Tagasunod Niya

13 Bago sumapit ang Pista ng Paglampas ng Anghel, alam ni Jesus na dumating na ang panahon ng pag-alis niya sa mundong ito upang bumalik sa Ama. Mahal na mahal niya ang kanyang mga tagasunod dito sa mundo, at ipinakita niya ang kanyang pagmamahal sa kanila hanggang sa katapusan.

Nang gabing iyon, naghapunan si Jesus kasama ang mga tagasunod niya. Inudyukan na ni Satanas si Judas Iscariote na anak ni Simon na traydurin si Jesus. Alam ni Jesus na ang lahat ng kapangyarihan ay ibinigay sa kanya ng Ama. At alam din niyang galing siya sa Dios at babalik din sa Dios. Tumayo si Jesus habang naghahapunan sila. Hinubad niya ang kanyang damit-panlabas at nagbigkis ng tuwalya sa baywang niya. Pagkatapos, nagbuhos siya ng tubig sa isang planggana, at sinimulang hugasan ang paa ng mga tagasunod niya at pinunasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanya. Paglapit niya kay Simon Pedro, sinabi nito, “Panginoon, huhugasan nʼyo po ba ang mga paa ko?” Sumagot si Jesus, “Hindi mo naiintindihan ang ginagawa ko ngayon, pero maiintindihan mo rin sa bandang huli.” Sinabi ni Pedro sa kanya, “Hindi pwedeng kayo ang maghugas ng mga paa ko.” Sumagot si Jesus, “Kung ayaw mong hugasan ko ang paa mo, wala kang kaugnayan sa akin.” Kaya sinabi ni Simon Pedro, “Kung ganoon Panginoon, hindi lang po ang mga paa ko ang hugasan nʼyo kundi pati na rin ang mga kamay at ulo ko!” 10 Pero sinabi ni Jesus sa kanya, “Ang naligo na ay malinis na ang buong katawan, kaya hindi na siya kailangang hugasan pa, maliban sa mga paa niya. Malinis na nga kayo, pero hindi kayong lahat.” 11 (Sinabi ni Jesus na hindi lahat sila ay malinis dahil alam niya kung sino ang magtatraydor sa kanya.)

12 Nang mahugasan na ni Jesus ang mga paa nila, muli niyang isinuot ang kanyang damit-panlabas at bumalik sa hapag-kainan. Pagkatapos, tinanong niya sila, “Naintindihan nʼyo ba ang ginawa ko sa inyo? 13 Tinatawag nʼyo akong ‘Guro’ at ‘Panginoon’, at tama kayo dahil iyan nga ang totoo. 14 Kung ako na Guro at Panginoon ninyo ay hinugasan ang inyong mga paa, dapat ay ganoon din ang gawin ninyo sa isaʼt isa. 15 Ginawa ko ito bilang halimbawa na dapat ninyong tularan. Kaya gawin din ninyo ang ginawa ko sa inyo. 16 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, walang alipin na mas higit sa kanyang amo; at wala ring isinugo na mas higit sa nagsugo sa kanya. 17 Ngayong alam nʼyo na ang mga bagay na ito, mapalad kayo kung gagawin nʼyo ang mga ito.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®