Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
13 Kilala nʼyo ako, dahil kayo ang lumikha sa akin.
Kayo ang humugis sa akin sa sinapupunan ng aking ina.
14 Pinupuri ko kayo dahil kahanga-hanga ang pagkakalikha nʼyo sa akin.
Nalalaman ko na ang inyong mga gawa ay tunay na kahanga-hanga.
15 Nakita nʼyo ang aking mga buto nang akoʼy lihim na hugisin sa loob ng sinapupunan ng aking ina.
16 Nakita nʼyo na ako, hindi pa man ako isinisilang.
Ang itinakdang mga araw na akoʼy mabubuhay ay nakasulat na sa aklat nʼyo bago pa man mangyari.
17 O Dios, hindi ko lubos maintindihan ang mga iniisip nʼyo;
itoʼy tunay na napakarami.
18 Kung bibilangin ko ito, mas marami pa kaysa sa buhangin.
Sa aking paggising, akoʼy nasa inyo pa rin.
3 May mga inutusan si Jacob na mauna sa kanya para makipagkita sa kapatid niyang si Esau roon sa lupain ng Seir, ang lugar na tinatawag ding Edom. 4 Tinuruan niya sila kung ano ang sasabihin nila kay Esau. Sinabi ni Jacob, “Sabihin ninyo kay Esau na matagal akong nanirahan kay Laban at hindi pa ako nakakauwi hanggang ngayon. 5 At sabihin ninyo sa kanya na may mga baka ako, asno, tupa, kambing at mga aliping lalaki at babae. Sabihin ninyo sa kanya na inutusan ko kayo para hilingin sa kanya na maging mabuti na sana ang pakikitungo niya sa akin.”
6 Pagbalik ng mga inutusan ni Jacob, sinabi nila, “Napuntahan na po namin si Esau, at papunta na po siya rito para salubungin kayo. May kasama siyang 400 lalaki.”
7 Kinabahan si Jacob at hindi siya mapalagay, kaya hinati niya sa dalawang grupo ang mga kasamahan niya pati ang kanyang mga tupa, baka, kambing at kamelyo. 8 Dahil naisip niya na kung sakaling dumating si Esau at lusubin ang isang grupo, makakatakas pa ang isang grupo.
9 Nanalangin si Jacob, “Dios ng aking lolo na si Abraham at Dios ng aking ama na si Isaac, kayo po ang Panginoon na nagsabi sa akin na bumalik ako sa mga kamag-anak ko, doon po sa lupain kung saan ako isinilang, at pagpapalain ninyo ako. 10 Hindi po ako karapat-dapat tumanggap ng lahat ng kabutihan at katapatan na ipinakita ninyo sa akin na inyong lingkod. Sapagkat nang tumawid ako noon sa Jordan, wala po akong ibang dala kundi tungkod lang, pero ngayon ay may dalawa na po akong grupo. 11 Hinihiling ko po sa inyo na iligtas nʼyo ako sa kapatid kong si Esau. Natatakot po ako na baka pumunta siya rito at patayin kaming lahat pati na ang mga asawa koʼt mga anak nila. 12 Pero nangako po kayo sa akin na pagpapalain nʼyo ako at pararamihin nʼyo ang aking mga lahi katulad ng buhangin sa tabing-dagat na hindi mabilang.”
13 Kinagabihan, doon natulog sina Jacob. Kinabukasan, pumili si Jacob ng mga hayop na ireregalo kay Esau: 14 200 babaeng kambing at 20 lalaking kambing, 200 babaeng tupa at 20 lalaking tupa, 15 30 inahing kamelyo kasama pa ang kanilang mga bisiro, 40 babaeng baka at sampung toro, 20 babaeng asno at sampung lalaking asno. 16 Ginawang dalawang grupo ni Jacob ang mga hayop, at ang bawat grupo ay may aliping nagbabantay. Sinabihan niya ang kanyang mga alipin, “Mauna kayo sa akin, at lumakad kayo na may pagitan ang bawat grupo.”
17 Sinabihan niya ang mga aliping nagbabantay sa naunang grupo, “Kung makasalubong nʼyo si Esau at magtanong siya kung kanino kayong alipin at kung saan kayo pupunta, at kung kanino ang mga hayop na dala ninyo, 18 sagutin ninyo siya na akin ang mga hayop na ito at regalo ko ito sa kanya. Sabihin din ninyo sa kanya na nakasunod ako sa inyo.”
19 Ganoon din ang sinabi niya sa ikalawa, sa ikatlo at sa lahat ng aliping kasabay ng mga hayop. 20 At pinaalalahanan niya ang mga ito na huwag kalimutang sabihin kay Esau na nakasunod siya sa hulihan. Sapagkat sinabi ni Jacob sa kanyang sarili, “Aalukin ko si Esau ng mga regalong ito na pinauna ko. At kung magkikita kami, baka sakaling patawarin niya ako.” 21 Kaya pinauna niya ang mga regalo niya, pero nagpaiwan siya noong gabing iyon doon sa tinutuluyan nila.
12 Kaya kayong mga pinabanal[a] ng Dios na sumusunod sa kanyang mga utos at patuloy na sumasampalataya kay Jesus, kinakailangang maging matiisin kayo.
13 Pagkatapos, may narinig akong tinig mula sa langit na nagsasabi, “Isulat mo ito: Mapalad ang mga taong namatay na naglilingkod sa Panginoon. Mula ngayon, makakapagpahinga na sila sa mga paghihirap nila, dahil tatanggapin na nila ang gantimpala para sa mabubuti nilang gawa. At ito ay pinatotohanan mismo ng Banal na Espiritu.”
Ang Pag-ani sa Mundo
14 Pagkatapos, nakakita ako ng maputing ulap na may nakaupong parang tao.[b] May gintong korona siya at may hawak na isang matalim na karit. 15 At may isa pang anghel na lumabas mula sa templo at sumigaw sa nakaupo sa ulap, “Gamitin mo na ang karit mo, dahil panahon na ito ng pag-aani. Hinog na ang aanihin sa lupa!” 16 Kaya ginapas na ng nakaupo sa ulap ang aanihin sa lupa.
17 Nakita ko ang isa pang anghel na lumabas sa templo roon sa langit, at may karit din siyang matalim.
18 At mula sa altar ay lumabas ang isa pang anghel. Siya ang anghel na namamahala sa apoy doon sa altar. Sumigaw siya sa anghel na may matalim na karit, “Gamitin mo na ang karit mo at anihin mo na ang mga ubas sa lupa dahil hinog na!” 19 Kaya inani niya ito at inilagay doon sa malaking pisaan ng ubas. Ang pisaang iyon ay ang parusa ng Dios. 20 Pinisa ang mga ubas sa labas ng lungsod, at umagos mula sa pisaan ang dugo na bumaha ng hanggang 300 kilometro ang layo at isang dipa ang lalim.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®