Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Nanaginip si Jacob sa Betel
10 Umalis si Jacob sa Beersheba at lumakad papuntang Haran. 11 Nang lumubog na ang araw, nakarating siya sa isang lugar at doon nanatili nang gabing iyon. Kumuha siya ng isang bato at ginawa niyang unan sa pagtulog niya. 12 Ngayon, nanaginip siya na may isang hagdan na nakatayo sa lupa na abot hanggang langit. Nakita niya ang mga anghel ng Dios na umaakyat at bumababa sa hagdan. 13 Nakita rin niya ang Panginoon na nakatayo sa itaas ng hagdan[a] at sinabi sa kanya, “Ako ang Panginoon, ang Dios ni Abraham at ni Isaac. Ibibigay ko sa iyo at sa mga lahi mo ang lupaing ito na iyong hinihigaan. 14 Ang mga lahi mo ay magiging kasindami ng alikabok sa lupa. Mangangalat sila sa ibaʼt ibang bahagi ng lupa. Sa pamamagitan mo at ng mga lahi mo, pagpapalain ko ang lahat ng tao sa mundo. 15 Alalahanin mo palagi na kasama mo ako at iingatan kita kahit saan ka pumunta. Pababalikin kita sa lupaing ito at hindi kita pababayaan hanggang sa matupad ko ang aking ipinangako sa iyo.”
16 Biglang nagising si Jacob at sinabi niya sa kanyang sarili, “Hindi ko alam na nandito pala ang Panginoon sa lugar na ito.” 17 Kinabahan siya at sinabi, “Nakakamangha ang lugar na ito! Tirahan ito ng Dios at dito mismo ang pintuan papuntang langit.”
18 Maagang bumangon si Jacob. Kinuha niya ang batong inunan niya noong gabi at itinayo bilang isang alaala. Pagkatapos, binuhusan niya ito ng langis para maging banal. 19 Pinangalanan ni Jacob ang lugar na iyon na Betel.[b] Dati ay Luz ang pangalan ng lugar na iyon.
Ang Karunungan at Kalinga ng Dios
139 Panginoon, siniyasat nʼyo ako at kilalang-kilala.
2 Nalalaman nʼyo kung ako ay nakaupo o nakatayo.
Kahit na kayo ay nasa malayo, nalalaman nʼyo ang lahat ng aking iniisip.
3 Nakikita nʼyo ako habang akoʼy nagpapahinga o nagtatrabaho.
Ang lahat ng ginagawa ko ay nalalaman ninyo.
4 Panginoon, hindi pa man ako nagsasalita ay alam nʼyo na ang aking sasabihin.
5 Lagi ko kayong kasama,
at kinakalinga nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
6 Ang pagkakilala nʼyo sa akin ay tunay na kahanga-hanga;
hindi ko kayang unawain.
7 Paano ba ako makakaiwas sa inyong Espiritu?[a] Saan ba ako makakapunta na wala kayo?
8 Kung pupunta ako sa langit, nandoon kayo;
kung pupunta ako sa lugar ng mga patay, nandoon din kayo.
9 At kung pumunta man ako sa silangan o tumira sa pinakamalayong lugar sa kanluran,
10 kayo ay naroon din upang akoʼy inyong patnubayan at tulungan.
11 Maaaring mapakiusapan ko ang dilim na itago ako, o ang liwanag sa paligid ko na maging gabi;
12 kaya lang, kahit ang kadiliman ay hindi madilim sa inyo, Panginoon,
at ang gabi ay parang araw.
Dahil para sa inyo, pareho lang ang dilim at ang liwanag.
23 O Dios, siyasatin nʼyo ako, upang malaman nʼyo ang nasa puso ko.
Subukin nʼyo ako, at alamin ang aking mga iniisip.
24 Tingnan nʼyo kung ako ay may masamang pag-uugali,
at patnubayan nʼyo ako sa daang dapat kong tahakin magpakailanman.
12 Kaya nga mga kapatid, hindi tayo dapat mamuhay ayon sa ating makasalanang pagkatao. 13 Sapagkat mamamatay kayo kapag namuhay kayo ayon sa inyong makasalanang pagkatao. Pero mabubuhay kayo kung susupilin ninyo ang inyong makasalanang pagkatao sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. 14 Ang mga taong pinapatnubayan ng Espiritu ng Dios ay mga anak ng Dios. 15 At ang Espiritu na tinanggap ninyo ay hindi kayo inalipin upang muling matakot, sa halip ginawa kayong mga anak ng Dios. Ngayon, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, matatawag na ninyong “Ama” ang Dios. 16 Ang Banal na Espiritu at ang ating espiritu ay parehong nagpapatunay na tayoʼy mga anak ng Dios. 17 At bilang mga anak, mga tagapagmana tayo ng Dios at kasama ni Cristo na magmamana ng mga pagpapalang inilaan niya. Sapagkat kung magtitiis tayo kagaya ni Cristo noon, darating ang araw na pararangalan din tayong kasama niya.
Ang Napakagandang Kalagayan sa Hinaharap
18 Para sa akin, ang mga paghihirap sa buhay na ito ay hindi maihahambing sa napakagandang kalagayan na mapapasaatin balang araw. 19 Maging ang buong nilikha ay sabik na naghihintay na ihayag ng Dios ang mga anak niya. 20 Sapagkat ang lahat ng nilikha ng Dios ay hindi nakaabot sa layuning para sa kanila. Nangyari ito hindi dahil sa gusto nila, kundi dahil ito ang gusto ng Dios. Pero may pag-asa pa, 21 dahil palalayain din niya ang buong nilikha mula sa kabulukang umaalipin dito, at makakasama rin sa napakagandang kalagayan ng mga anak ng Dios. 22 Alam natin na hanggang ngayon, ang buong nilikha ay naghihirap at dumaraing tulad ng isang babaeng manganganak na. 23 At hindi lamang ang buong nilikha, kundi pati tayong mga tumanggap ng Banal na Espiritu na siyang unang kaloob ng Dios ay dumaraing din habang naghihintay tayo na matubos ang ating mga katawan at mahayag ang ganap na katayuan natin bilang mga anak ng Dios. 24 Ligtas na tayo at naghihintay na lang na maging ganap ang kaligtasang ito. Umaasa tayo dahil wala pa ang inaasahan natin. Aasa pa ba tayo kung nariyan na ang ating inaasahan? 25 Pero kung ang inaasahan natiʼy wala pa, maghihintay tayo nang may pagtitiyaga.
Ang Talinghaga tungkol sa mga Damo sa Triguhan
24 Muling nagbigay ng talinghaga si Jesus sa kanila, “Ang paghahari ng Dios ay maitutulad sa kwentong ito: May isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukid. 25 Pero kinagabihan, habang natutulog ang mga tao, dumating ang kanyang kaaway at naghasik ng masasamang damo at umalis. 26 Nang tumubo ang mga tanim at namunga, lumitaw din ang masasamang damo. 27 Kaya pumunta sa kanya ang kanyang mga alipin at sinabi, ‘Hindi po ba mabubuting binhi lamang ang inihasik ninyo sa inyong bukid? Paano po ba ito nagkaroon ng masasamang damo?’ 28 Sinabi ng may-ari, ‘Isang kaaway ang may kagagawan nito.’ Tinanong siya ng mga utusan, ‘Gusto po ba ninyong bunutin namin ang masasamang damo?’ 29 Sumagot siya, ‘Huwag, baka mabunot din ninyo pati ang trigo. 30 Hayaan na lang muna ninyong lumagong pareho hanggang sa anihan. Kapag dumating na ang panahong iyon, sasabihin ko sa mga tagapag-ani na unahin muna nilang bunutin ang masasamang damo, at bigkisin para sunugin. Pagkatapos, ipapaani ko sa kanila ang trigo at ipapaimbak sa aking bodega.’ ”
Ang Kahulugan ng Talinghaga tungkol sa mga Damo sa Triguhan
36 Pagkatapos, iniwan ni Jesus ang mga tao at pumasok siya sa isang bahay. Nilapitan siya ng mga tagasunod niya at sinabi, “Pakipaliwanag po sa amin ang talinghaga tungkol sa masasamang damo.” 37 Sumagot si Jesus, “Ang naghasik ng mabuting binhi ay walang iba kundi ako na Anak ng Tao. 38 Ang bukid ay ang mundo, at ang mabuting binhi ay ang mga kabilang sa kaharian ng Dios. Ang masasamang damo naman ay ang mga sakop ni Satanas. 39 Si Satanas ang kaaway na nagtanim sa kanila. Ang anihan ay ang katapusan ng mundo, at ang tagapag-ani ay ang mga anghel. 40 Kung paanong binubunot at sinusunog ang masasamang damo, ganoon din ang mangyayari sa katapusan ng mundo. 41 Ako na Anak ng Tao ay magpapadala ng mga anghel, at aalisin nila sa aking kaharian ang lahat ng gumagawa ng kasalanan at nagiging dahilan ng pagkakasala ng iba. 42 Itatapon sila sa nagliliyab na apoy, at dooʼy iiyak sila at magngangalit ang kanilang ngipin.[a] 43 Pero ang matutuwid ay magniningning na parang araw sa kaharian ng kanilang Ama. Kayong mga nakikinig, dapat ninyo itong pag-isipan!”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®