Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 105:1-11

Ang Dios at ang Kanyang mga Mamamayan(A)

105 Pasalamatan nʼyo ang Panginoon.
    Sambahin nʼyo siya!
    Ihayag sa mga tao ang kanyang mga ginawa.
Awitan nʼyo siya ng mga papuri;
    ihayag ang lahat ng kamangha-mangha niyang mga gawa.
Purihin nʼyo ang kanyang banal na pangalan.
    Magalak kayo, kayong mga lumalapit sa Panginoon.
Magtiwala kayo sa Panginoon,
    at sa kanyang kalakasan.
    Palagi kayong dumulog sa kanya.
5-6 Kayong mga lahi ni Abraham na lingkod ng Dios,
    at mga lahi rin ni Jacob na kanyang hinirang,
    alalahanin ninyo ang kahanga-hanga niyang mga gawa, mga himala, at ang kanyang paghatol.
Siya ang Panginoon na ating Dios,
    siya ang humahatol sa buong mundo.
Hindi siya makakalimot sa kanyang pangako kailanman – ang kanyang pangako para sa maraming salinlahi
– ang pangako niya kay Abraham, gayon din kay Isaac.
10 Ipinagpatuloy niya ang kasunduang ito kay Jacob,
    at magpapatuloy ito magpakailanman.
11 Sinabi niya sa bawat isa sa kanila,
    “Ibibigay ko sa iyo ang lupain ng Canaan bilang pamana ko sa iyo at sa iyong mga angkan.”

Salmo 105:45

45 Ginawa ito ng Dios
    upang sundin nila ang kanyang mga tuntunin at kautusan.

    Purihin ang Panginoon!

Genesis 29:31-30:24

Ang mga Anak ni Jacob

31 Nakita ng Panginoon na hindi mahal ni Jacob si Lea, kaya niloob niyang magkaanak si Lea, pero si Raquel naman ay hindi. 32 Nagbuntis si Lea at nanganak ng lalaki at pinangalanan niyang Reuben,[a] dahil sinabi niya, “Nakita ng Panginoon ang paghihirap ko, at ngayoʼy tiyak na mamahalin na ako ng aking asawa.”

33 Muli siyang nagbuntis at nanganak ng isa na namang lalaki. Sinabi niya, “Muli akong binigyan ng Panginoon ng isang anak na lalaki dahil narinig niya na hindi ako minamahal ng aking asawa.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Simeon.[b]

34 Muling nagbuntis si Lea at nanganak ng isa pang lalaki. Sinabi niya, “Ngayon, magiging malapit na sa akin ang aking asawa dahil tatlo na ang anak naming lalaki.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Levi.[c]

35 Muling nagbuntis si Lea at nanganak ng isa na namang lalaki. Sinabi niya, “Ngayon, pupurihin ko ang Panginoon.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Juda.[d] Mula noon, hindi na siya nagkaanak.

30 Si Raquel ay hindi pa rin nagbubuntis, kaya nainggit siya kay Lea. Sinabi niya kay Jacob, “Bigyan mo ako ng anak dahil kung hindi, mamamatay talaga ako!”

Nagalit si Jacob sa kanya at sinabi, “Bakit, Dios ba ako? Siya ang nagpasya na hindi ka magkaanak.”

Sinabi ni Raquel, “Kung ganoon, sumiping ka kay Bilha na alipin ko para kahit sa pamamagitan niya magkaroon din ako ng anak.”

Kaya ibinigay niya si Bilha kay Jacob bilang asawa, at sumiping si Jacob kay Bilha.

Dumating ang panahon, nabuntis si Bilha at nanganak ng lalaki. Sinabi ni Raquel, “Kinuha na ng Dios ang aking kahihiyan. Tinugon niya ang panalangin ko dahil binigyan niya ako ng isang anak na lalaki.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Dan.[e]

Muling nagbuntis si Bilha na alipin ni Raquel at nanganak ng lalaki na pangalawang anak nila ni Jacob. Sinabi ni Raquel, “Napakahigpit ng labanan namin bilang magkapatid, at nagtagumpay ako.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Naftali.[f]

Nang hindi na magkaanak si Lea, pinasipingan niya kay Jacob ang alipin niyang si Zilpa. 10 Nabuntis si Zilpa at nanganak ng lalaki. 11 Sinabi ni Lea, “Parang pinalad ako.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Gad.[g]

12 Muling nanganak si Zilpa ng lalaki na pangalawang anak nila ni Jacob. 13 Sinabi ni Lea, “Lubha akong nasisiyahan! Ngayon tatawagin ako ng mga babae na masiyahin.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Asher.[h]

14 Anihan ng trigo noon, pumunta si Reuben sa bukid at may nakita siyang tanim na mandragora. Kumuha siya ng bunga nito at dinala sa ina niyang si Lea. Pagkakita noon ni Raquel ay sinabi niya kay Lea, “Bigyan mo rin ako ng mandragora na dinala ng anak mo.”

15 Pero sumagot si Lea, “Hindi ka pa ba kontento na kinuha mo ang asawa ko? Ngayon, kukunin mo pa ang mandragora ng anak ko?”

Sinabi ni Raquel, “Kung bibigyan mo ako ng mandragora pasisipingin ko si Jacob sa iyo ngayong gabi.”

16 Mag-aagaw dilim na nang dumating si Jacob mula sa bukid, sinalubong siya ni Lea at sinabi, “Kailangang sa akin ka sumiping ngayong gabi, dahil binayaran na kita kay Raquel ng mandragora na dala ng anak ko.” Kaya sumiping si Jacob kay Lea nang gabing iyon.

17 Sinagot ng Dios ang panalangin ni Lea at siyaʼy nabuntis. Nanganak siya ng lalaki na ikalimang anak nila ni Jacob. 18 Sinabi ni Lea, “Ginantimpalaan ako ng Dios dahil ibinigay ko ang alipin ko sa aking asawa.” Kaya pinangalanan niya ang kanyang anak na Isacar.[i]

19 Muling nabuntis si Lea at nanganak ng lalaki na ikaanim nilang anak ni Jacob. 20 Sinabi niya, “Binigyan ako ng Dios ng mabuting regalo. Pararangalan na ako nito ngayon ng asawa ko dahil nabigyan ko na siya ng anim na anak na puro lalaki.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Zebulun.[j]

21 Hindi nagtagal nanganak si Lea ng babae at pinangalanan niyang Dina.

22 Hindi rin kinalimutan ng Dios si Raquel. Sinagot niya ang kanyang panalangin na magkaanak din siya. 23 Nagbuntis siya at nanganak ng lalaki. Sinabi niya, “Inalis ng Dios ang aking kahihiyan.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Jose[k] dahil sinabi niya, 24 “Nawaʼy bigyan ako ng Panginoon ng isa pang anak.”

Mateo 12:38-42

Humingi ng Himala ang mga Tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo(A)

38 May ilang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na nagsabi kay Jesus, “Guro, pakitaan nʼyo kami ng isang himalang magpapatunay na sugo nga kayo ng Dios.” 39 Sumagot si Jesus, “Kayong henerasyon ng masasama at hindi tapat sa Dios! Humihingi kayo ng himala, pero walang ipapakita sa inyo maliban sa himalang katulad ng nangyari kay Propeta Jonas. 40 Kung paanong nasa tiyan ng dambuhalang isda si Jonas sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi, ganoon din naman ang mangyayari sa akin na Anak ng Tao. Tatlong araw at tatlong gabi rin ako sa ilalim ng lupa. 41 Sa Araw ng Paghuhukom, tatayo[a] ang mga taga-Nineve at kokondenahin ang henerasyong ito, dahil nagsisi sila nang mangaral sa kanila si Jonas. At ngayon, narito ang higit pa kay Jonas, na nangangaral sa inyo, pero ayaw nʼyong magsisi. 42 Maging ang Reyna ng Timog ay tatayo rin at kokondenahin ang henerasyong ito. Sapagkat nanggaling pa siya sa napakalayong lugar para makinig sa karunungan ni Solomon. At ngayon, narito ang higit pa kay Solomon, pero ayaw ninyong makinig sa kanya.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®