Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 47

Ang Dios ang Hari sa Buong Sanlibutan

47 Kayong mga tao sa bawat bansa, magpalakpakan kayo!
    Sumigaw sa Dios nang may kagalakan.
Ang Panginoon, ang Kataas-taasang Dios at kagalang-galang.
    Siya ang dakilang Hari sa buong sanlibutan.
Ipinasakop niya sa aming mga Israelita ang lahat ng bansa.
Pinili niya para sa amin ang lupang ipinangako bilang aming mana.
    Itoʼy ipinagmamalaki ni Jacob na kanyang minamahal.
Ang Dios ay umaakyat sa kanyang trono
    habang nagsisigawan ang mga tao at tumutunog ang mga trumpeta.

Umawit kayo ng mga papuri sa Dios.
    Umawit kayo ng mga papuri sa ating hari.
Dahil ang Dios ang siyang Hari sa buong mundo.
    Umawit kayo sa kanya ng mga awit ng pagpupuri.
Ang Dios ay nakaupo sa kanyang trono at naghahari sa mga bansa.
Nagtitipon ang mga hari ng mga bansa,
    kasama ang mga mamamayan ng Dios ni Abraham.
    Ang mga pinuno sa mundo ay sa Dios,
    at mataas ang paggalang nila sa kanya.

Genesis 22:15-18

15 Muling tinawag ng anghel ng Panginoon si Abraham mula sa langit. 16-17 Sinabi niya, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Sumusumpa ako sa sarili ko na pagpapalain kita nang lubos dahil hindi mo ipinagkait sa akin ang kaisa-isa mong anak. Bibigyan kita ng mga lahi na kasindami ng mga bituin sa langit at ng buhangin sa dalampasigan. Sasakupin nila ang mga lungsod ng kanilang mga kaaway. 18 At sa pamamagitan ng iyong mga lahi,[a] pagpapalain ko ang lahat ng bansa sa mundo, dahil sumunod ka sa akin.”

1 Tesalonica 4:9-12

Ngayon, tungkol sa pagmamahalan bilang magkakapatid sa Panginoon, hindi na kayo kailangang paalalahanan pa tungkol dito, dahil ang Dios na mismo ang nagturo sa inyo na magmahalan. 10 At ito nga ang ginagawa nʼyo sa lahat ng kapatid sa Macedonia. Ganoon pa man, hinihiling namin na lalo pa ninyong pag-ibayuhin ang pag-ibig ninyo. 11 Sikapin ninyong mamuhay nang mapayapa, at huwag kayong makikialam sa buhay ng iba. Magtrabaho ang bawat isa para sa ikabubuhay niya, tulad ng ibinilin namin sa inyo. 12 Nang sa ganoon, hindi nʼyo na kailangang umasa sa iba, at igagalang kayo ng mga hindi mananampalataya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®