Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
11 Panginoon, ituro nʼyo sa akin ang inyong pamamaraan,
at susundin ko ito nang may katapatan.[a]
Bigyan nʼyo ako ng pusong may takot sa inyo.
12 Panginoon kong Dios, buong puso ko kayong pasasalamatan.
Pupurihin ko ang inyong pangalan magpakailanman,
13 dahil ang pag-ibig nʼyo sa akin ay dakila.
Iniligtas nʼyo ako sa kamatayan.
14 O Dios, sinasalakay ako ng grupo ng mayayabang na tao para patayin.
Malulupit sila at hindi kumikilala sa inyo.
15 Ngunit kayo, Panginoon, ay Dios na nagmamalasakit at mahabagin.
Wagas ang pag-ibig nʼyo, at hindi madaling magalit.
16 Bigyang pansin nʼyo ako at kahabagan;
bigyan nʼyo ako ng inyong kalakasan at iligtas ako na inyong lingkod.
17 Ipakita sa akin ang tanda ng inyong kabutihan,
upang makita ito ng aking mga kaaway at nang silaʼy mapahiya.
Dahil kayo, Panginoon, ang tumutulong at umaaliw sa akin.
18 “Ito pa ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ‘Kung paano ko ipinadama sa mga taga-Jerusalem ang tindi ng galit ko, ipadarama ko rin sa inyo ang galit ko kung pupunta kayo sa Egipto. Susumpain at kasusuklaman kayo ng mga tao. Kukutyain nila kayo at ituturing na masama, at hindi na kayo makakabalik pa sa lupaing ito.’
19 “Kayong mga natitirang taga-Juda, sinasabi ng Panginoon na huwag kayong pupunta sa Egipto. Tandaan nʼyo ang mga babalang ito na sinabi ko sa inyo ngayon. 20 Hindi mabuti ang ginawa ninyo. Hiniling ninyo sa akin na lumapit sa Panginoon na inyong Dios at manalangin para sa inyo at sinabing gagawin ninyo ang lahat ng sasabihin niya. 21 Pero ngayong sinabi ko sa inyo ang ipinapasabi niya, ayaw naman ninyong sundin. 22 Kaya tinitiyak ko sa inyo na mamamatay kayo sa digmaan, taggutom at sakit sa Egipto, sa lugar kung saan nais ninyong manirahan.”
Sinugo ni Jesus ang Labindalawang Apostol(A)
5 Sinugo ni Jesus ang 12 tagasunod niya at pinagbilinan, “Huwag kayong pumunta sa mga lugar ng mga hindi Judio o sa alin mang bayan ng mga Samaritano. 6 Sa halip, puntahan ninyo ang mga Israelita na parang mga nawawalang tupa. 7 Ipahayag ninyo sa kanila na malapit na[a] ang paghahari ng Dios. 8 Pagalingin nʼyo ang mga may sakit, buhayin ang mga patay, pagalingin ang mga may malubhang sakit sa balat para maituring silang malinis, at palayasin ang masasamang espiritu. Tinanggap ninyo ang kapangyarihang ito nang walang bayad, kaya ipamahagi rin ninyo nang walang bayad. 9 Huwag kayong magbaon ng pera,[b] 10 o kayaʼy magdala ng bag, damit na pambihis, sandalyas o tungkod. Sapagkat ang manggagawa ay dapat lang na suportahan sa mga pangangailangan niya.
11 “Sa alin mang bayan o nayon na inyong pupuntahan, humanap kayo ng taong malugod kayong tatanggapin sa kanyang bahay,[c] at makituloy kayo roon hanggang sa pag-alis ninyo. 12 Sa pagpasok ninyo sa tahanang iyon, pagpalain ninyo ang lahat ng nakatira roon. 13 Kung talagang tinatanggap nila kayo, pagpalain ninyo sila. Ngunit kung hindi, huwag nʼyo silang pagpalain. 14 Kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang tahanan o bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa bilang babala laban sa kanila. 15 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, sa Araw ng Paghuhukom, mas mabigat na parusa ang tatanggapin nila kaysa sa mga taga-Sodom at Gomora.”
Mga Pag-uusig na Darating(B)
16 “Tandaan ninyo, tulad kayo ng mga tupang sinugo ko sa mga lobo, kaya maging matalino kayo gaya ng mga ahas, at kasing-amo ng mga kalapati. 17 Mag-ingat kayo sa mga tao, dahil dadakpin nila kayo at dadalhin sa hukuman, at hahagupitin nila kayo sa kanilang mga sambahan. 18 Iimbestigahan kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Magiging pagkakataon ninyo iyon para magpatotoo sa kanila at sa mga hindi Judio ng tungkol sa akin. 19 At kapag dinala kayo sa hukuman, huwag kayong mag-alala kung ano ang sasabihin ninyo o kung paano kayo sasagot, dahil ibibigay ng Dios sa inyo sa sandaling iyon ang sasabihin ninyo. 20 Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama. Siya ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.”
21 “Sa panahong iyon, may mga taong ipagkakanulo ang kanilang kapatid para patayin. Ganoon din ang mga ama sa kanilang mga anak, at ang mga anak sa kanilang mga magulang. 22 Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Ngunit ang mananatiling tapat hanggang wakas ay maliligtas 23 Kapag inuusig kayo sa isang bayan, pumunta kayo sa ibang bayan. Dahil ang totoo, hindi pa man ninyo nalilibot ang lahat ng bayan ng Israel, ako na Anak ng Tao ay babalik na.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®