Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Kadakilaan ng Dios ay Makikita sa Buong Sanlibutan
8 O Panginoon, aming Panginoon, ang kadakilaan ng inyong pangalan ay makikita sa buong mundo,
at ipinakita nʼyo ang inyong kaluwalhatian hanggang sa kalangitan.
2 Kahit mga bata at sanggol ay nagpupuri sa inyo,
kaya napapahiya at tumatahimik ang inyong mga kaaway.
3 Kapag tumitingala ako sa langit na inyong nilikha,
at aking pinagmamasdan ang buwan at mga bituin sa kanilang kinalalagyan,
4 akoʼy nagtatanong, ano ba ang tao upang inyong alalahanin?
Sino nga ba siya upang inyong kalingain?
5 Ginawa nʼyo kaming mababa ng kaunti sa mga anghel.
Ngunit pinarangalan nʼyo kami na parang mga hari.
6 Ipinamahala nʼyo sa amin ang inyong mga nilalang,
at ipinasailalim sa amin ang lahat ng bagay:
7 mga tupa, mga baka at lahat ng mga mababangis na hayop,
8 ang mga ibon sa himpapawid, mga isda sa dagat at lahat ng naroroon.
9 O Panginoon, aming Panginoon, ang kadakilaan ng inyong pangalan ay makikita sa buong mundo.
22 “Nakapunta ka na ba sa lugar na pinanggagalingan ng nyebe o ulan na yelo? 23 Ang mga yelong itoʼy inihahanda ko para sa panahon ng kaguluhan at digmaan. 24 Alam mo ba ang daan patungo sa lugar na pinanggagalingan ng kidlat,[a] o sa lugar na pinanggagalingan ng hanging silangan? 25 Sino nga ba ang gumawa ng dadaanan ng ulan at ng bagyo? 26 Sino nga ba ang nagpapadala ng ulan sa disyerto, sa lugar na walang nakatirang tao? 27 Sino ang nagpapadala ng ulan sa ilang para tumubo ang mga damo? 28 Sino ang ama ng ulan, ng hamog, 29 at ng yelong mula sa langit? 30 Ang tubig ay nagyeyelo na kasingtigas ng bato, pati na ang itaas na bahagi ng dagat.
31 “Kaya mo bang talian o kalagan ng tali ang grupo ng mga bituin na tinatawag na Pleyades at Orion? 32 Mapapatnubayan mo ba ang mga bituin na lumabas sa tamang oras? Maituturo mo ba sa grupo ng mga bituing tinatawag na Malaki at Maliit na Oso ang kanilang daan? 33 Alam mo ba ang mga tuntuning umiiral sa kalangitan?[b] Ito kayaʼy mapapairal mo rito sa mundo?
34 “Mauutusan mo ba ang ulap na umulan? 35 Mauutusan mo ba ang kidlat na kumislap? Mapapasunod mo kaya ito? 36 Sino ang nagbibigay ng karunungan at pang-unawa ng tao? 37 Sinong napakarunong ang makakabilang ng mga ulap? Sinong makakapagbuhos ng tubig mula sa langit 38 upang ang mga tuyong alikabok ay maging buo-buong putik?
Ipinangako ni Jesus ang Banal na Espiritu
15 “Kung mahal nʼyo ako, susundin nʼyo ang aking mga utos. 16 At hihilingin ko sa Ama na bigyan niya kayo ng isang Tagatulong[a] na sasainyo magpakailanman. 17 Siya ang Banal na Espiritu na tagapagturo ng katotohanan. Hindi siya matanggap ng mga taong makamundo dahil hindi siya nakikita o nakikilala ng mga ito. Pero kilala nʼyo siya, dahil kasama nʼyo siya at sasainyo magpakailanman.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®