Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 86:1-10

Panalangin ng Paghingi ng Tulong sa Dios

86 Panginoon, dinggin nʼyo at sagutin ang aking panalangin sapagkat akoʼy naghihirap at nangangailangan.
Ingatan nʼyo ang buhay ko dahil akoʼy tapat sa inyo.
    Kayo ang aking Dios, iligtas nʼyo ang inyong lingkod na nagtitiwala sa inyo.
Panginoon, maawa kayo sa akin dahil buong araw akong tumatawag sa inyo.
Bigyan nʼyo ng kagalakan ang inyong lingkod, Panginoon, dahil sa iyo ako nananalangin.
Tunay na napakabuti nʼyo at mapagpatawad,
    at puno ng pag-ibig sa lahat ng tumatawag sa inyo.
Pakinggan nʼyo ang aking dalangin, Panginoon.
    Ang pagsusumamo koʼy inyong dinggin.
Tumatawag ako sa inyo sa oras ng kagipitan dahil sinasagot nʼyo ako.
Walang dios na katulad nʼyo, Panginoon;
    walang sinumang makakagawa ng mga ginawa ninyo.
Ang lahat ng bansa[a] na ginawa nʼyo ay lalapit at sasamba sa inyo.
    Pupurihin nila ang inyong pangalan,
10 dahil makapangyarihan kayo at ang mga gawa nʼyo ay kahanga-hanga.
    Kayo ang nag-iisang Dios.

Ezekiel 29:3-7

Sabihin mong ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito: Kalaban kita, O Faraon, hari ng Egipto. Para kang malaking buwaya na nagbababad sa ilog. Sinasabi mong ikaw ang may-ari ng ilog Nilo, at ginawa mo ito para sa sarili mo. Pero kakawitan ko ng kawil ang iyong panga, at hihilahin kita paahon sa tubig pati na ang mga isdang nakakapit sa mga kaliskis mo. Itatapon kita sa ilang pati na ang mga isda, at hahandusay ka sa lupa at walang kukuha na maglilibing sa iyo. Ipapakain kita sa mga mababangis na hayop at sa mga ibon doon. Malalaman ng lahat ng nakatira sa Egipto na ako ang Panginoon. Sapagkat para kang isang marupok na tambo na inasahan ng mga mamamayan ng Israel. Nang humawak sila sa iyo, nabiyak ka at nasugatan ang mga bisig nila. Nang sumandal sila sa iyo, nabali ka kaya nabuwal sila at napilayan.

Lucas 11:53-12:3

53 Umalis si Jesus sa bahay na iyon. At mula noon, matindi na ang pambabatikos sa kanya ng mga Pariseo at tagapagturo ng Kautusan. Pinagtatanong siya tungkol sa maraming bagay, 54 upang siya ay mahuli nila sa kanyang pananalita.

Babala Laban sa mga Pakitang-tao(A)

12 Libu-libong tao ang dumagsa kay Jesus, kaya nagkakasiksikan na sila. Binalaan ni Jesus ang mga tagasunod niya, “Mag-ingat kayo at baka mahawa kayo sa ugali[a] ng mga Pariseo na pakitang-tao. Walang natatago na hindi malalantad, at walang nalilihim na hindi mabubunyag. Kaya anumang sabihin ninyo sa dilim ay maririnig sa liwanag, at anumang ibulong ninyo sa loob ng kwarto ay malalaman ng lahat.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®