Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin para Tulungan
13 Panginoon, hanggang kailan nʼyo ako kalilimutan?
Kalilimutan nʼyo ba ako habang buhay?
Hanggang kailan ba kayo magtatago sa akin?
2 Hanggang kailan ko dadalhin itong mga pangamba ko?
Ang aking mga araw ay punong-puno ng kalungkutan.
Hanggang kailan ba ako matatalo ng aking mga kaaway?
3 Panginoon kong Dios, bigyan nʼyo ako ng pansin;
sagutin nʼyo ang aking dalangin.
Ibalik nʼyo ang ningning sa aking mga mata,
upang hindi ako mamatay
4 at upang hindi masabi ng aking mga kaaway na natalo nila ako, dahil tiyak na magagalak sila kung mapahamak ako.
5 Panginoon, naniniwala po ako na mahal nʼyo ako.
At ako ay nagagalak dahil iniligtas nʼyo ako.
6 Panginoon, aawitan kita dahil napakabuti nʼyo sa akin mula pa noon.
5 Tumayo si Jehoshafat sa harapan ng mamamayan ng Juda at ng Jerusalem doon sa harap ng templo ng Panginoon, sa harapan ng bagong bakuran nito, 6 at nagsabi, “O Panginoon, Dios ng aming mga ninuno, kayo po ang Dios na nasa langit. Kayo ang namamahala sa lahat ng kaharian sa mundo. Makapangyarihan po kayo dahil walang makakalaban sa inyo. 7 O Dios namin, hindi baʼt itinaboy nʼyo po ang mga nakatira sa lupaing ito sa pamamagitan ng inyong mga mamamayan? At hindi ba ibinigay nʼyo po ito sa kanila na mga lahi ni Abraham na inyong kaibigan, para maging kanila magpakailanman? 8 Nakatira po sila rito at pinatayuan ng templo para sa karangalan ng inyong pangalan. Sinabi nila, 9 ‘Kung may sakunang darating sa amin gaya ng labanan, kasamaan, o taggutom, tatayo kami sa inyong presensya sa harap ng templong ito kung saan pinararangalan kayo. Hihingi kami ng tulong sa inyo sa aming kahirapan, at pakikinggan nʼyo kami at ililigtas.’
10 “Ngayon, nilulusob kami ng mga tao mula sa Ammon, Moab at Bundok ng Seir. Noon, ang mga teritoryo nila ay hindi nʼyo pinapayagang sakupin ng mga Israelita nang lumabas sila sa Egipto. Kaya umiwas ang mga Israelita sa kanila at hindi sila nilipol. 11 Pero ngayon, masdan nʼyo po ang iginanti nila sa amin. Nilulusob nila kami para itaboy kami sa lupain na inyo pong ibinigay sa amin bilang mana. 12 O Dios namin, hindi nʼyo po ba sila parurusahan? Sapagkat wala kaming kakayahang humarap sa napakaraming sundalo na lumulusob sa amin. Hindi po namin alam kung ano ang gagawin namin, pero nagtitiwala po kami sa inyo.”
7 Mabuti noon ang mga ginagawa ninyo. Sino ang pumigil sa inyo sa pagsunod sa katotohanan? 8 Hindi maaaring ang Dios ang pumigil sa inyo dahil siya ang tumawag sa inyo sa pananampalataya. 9 Isipin nʼyo sana na ang maling aral ay parang pampaalsa na kahit kaunti ay nakakapagpaalsa sa buong masa ng harina. 10 Umaasa ako sa Panginoon na hindi kayo magpapadala sa ibang pananaw. Parurusahan ng Dios ang mga nanggugulo sa inyo maging sino man sila.
11 May mga nagsasabing itinuturo ko raw na kailangan ang pagtutuli para maging katanggap-tanggap sa Dios. Kung totoo iyan, mga kapatid, bakit inuusig pa rin ako hanggang ngayon? At kung iyan nga ang itinuturo ko, walang kabuluhan ang mensahe tungkol sa kamatayan ni Cristo sa krus, ang mensaheng hindi matanggap ng iba. 12 At sa mga nanggugulo naman sa inyo, hindi lang sana sila magpatuli kundi magpakapon na rin.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®