Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
42 Naging masigasig sila sa pag-aaral ng mga itinuturo ng mga apostol, sa pagtitipon bilang magkakapatid, sa paghahati-hati ng tinapay, at sa pananalangin.
Ang Pamumuhay ng mga Mananampalataya
43 Maraming himala at kamangha-manghang ginawa ang Dios sa pamamagitan ng mga apostol. Kaya namuhay ang mga tao nang may paggalang at takot sa Dios. 44 Maganda ang pagsasamahan ng mga mananampalataya, at pinag-isa nila ang kanilang mga ari-arian para makabahagi ang lahat. 45 Ipinagbili nila ang kanilang mga lupa at mga ari-arian, at ang peraʼy ipinamahagi nila sa kanilang mga kasama ayon sa pangangailangan ng bawat isa. 46 Araw-araw, nagtitipon sila sa templo at naghahati-hati ng tinapay sa kanilang mga bahay. Lubos ang kagalakan nila sa kanilang pakikibahagi sa pagkain, 47 at palagi silang nagpupuri sa Dios. Nagustuhan sila ng lahat ng tao. Araw-araw ay idinaragdag sa kanila ng Panginoon ang mga taong kanyang inililigtas.
Ang Panginoon ay Tulad ng Isang Pastol
23 Ang Panginoon ang aking pastol,
hindi ako magkukulang ng anuman.
2 Tulad ng tupa, pinagpapahinga niya ako sa masaganang damuhan,
patungo sa tahimik na batisan akoʼy kanyang inaakay.
3 Panibagong kalakasan akoʼy kanyang binibigyan.
Pinapatnubayan niya ako sa tamang daan,
upang siyaʼy aking maparangalan.
4 Kahit dumaan ako sa pinakamadilim na libis, hindi ako matatakot
dahil kayo ay aking kasama.
Ang dala nʼyong pamalo[a] ang sa akin ay nag-iingat;
ang inyo namang tungkod ang gumagabay at nagpapagaan sa aking kalooban.
5 Ipinaghanda nʼyo ako ng piging sa harap ng aking mga kaaway.
Pinahiran nʼyo ng langis ang aking ulo, tanda ng inyong pagtanggap at parangal sa akin.
At hindi nauubusan ng laman ang aking inuman.
6 Tiyak na ang pag-ibig at kabutihan nʼyo ay mapapasaakin habang akoʼy nabubuhay.
At titira[b] ako sa bahay nʼyo,[c] Panginoon, magpakailanman.
19 Sapagkat pagpapalain kayo ng Dios kung tinitiis ninyo ang mga pagpapahirap kahit wala kayong kasalanan dahil sa nais ninyong sundin ang kalooban niya. 20 Pero kung parusahan kayo dahil sa ginagawa ninyong masama, wala ring kabuluhan kahit tiisin ninyo ito. Ngunit kung pinaparusahan kayo kahit mabuti ang ginagawa ninyo, at tinitiis ninyo ito, kalulugdan kayo ng Dios. 21 Ang mga pagdurusa ni Cristo para sa atin ang halimbawang dapat nating tularan. Ito ang dahilan kung bakit tayo tinawag, para tularan natin ang buhay ni Cristo. 22 Hindi siya nagkasala o nagsinungaling man. 23 Ininsulto siya pero hindi siya gumanti ng insulto. Pinahirapan siya pero hindi siya nagbanta. Ipinagkatiwala niya ang lahat sa Dios na humahatol nang makatarungan. 24 Si Cristo ang umako sa mga kasalanan natin nang ipako siya sa krus, para iwanan na natin ang buhay na makasalanan at mamuhay nang matuwid. Dahil sa mga sugat niya, gumaling tayo. 25 Para tayong mga tupang naligaw noon, pero nakabalik na tayo ngayon sa Panginoon na Tagapag-alaga at Tagapagbantay ng ating buhay.
Ang Tunay na Pastol
10 Nagsalita si Jesus sa pamamagitan ng paghahalintulad. Sinabi niya, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang pumapasok sa kulungan ng mga tupa nang hindi dumadaan sa pintuan, kundi umaakyat sa pader ay magnanakaw at tulisan. 2 Ngunit ang dumadaan sa pintuan ay ang pastol ng mga tupa. 3 Pinapapasok siya ng tagapagbantay sa pintuan, at kilala ng mga tupa ang boses niya. Tinatawag niya ang mga tupa sa kani-kanilang pangalan at inilalabas sa kulungan. 4 Kapag nailabas na niya ang mga tupa, nauuna siya sa kanila at sumusunod naman ang mga tupa dahil, kilala nila ang boses niya. 5 Ngunit hindi nila susundin ang iba; sa halip ay agad pa nga nila itong lalayuan, dahil hindi nila kilala ang boses nito.”
6 Sinabi ni Jesus sa mga tao ang paghahalintulad na ito, pero hindi nila naintindihan ang ibig niyang sabihin.
Si Jesus ang Mabuting Pastol
7 Kaya muling sinabi ni Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ako ang pintuan na dinadaanan ng mga tupa. 8 May mga tagapagturo na nauna sa akin, na ang katulad ay mga magnanakaw at mga tulisan. Ngunit hindi sila pinakinggan ng aking mga tupa. 9 Ako ang pintuan. Ang sinumang pumasok sa pamamagitan ko ay maliligtas. Magiging katulad siya ng tupa na malayang nakakapasok at nakakalabas ng kulungan, at makakatagpo siya ng pastulan. 10 Dumarating ang magnanakaw para lang magnakaw, pumatay at mangwasak. Ngunit dumating ako upang magkaroon ang mga tao ng buhay na ganap.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®