Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Panginoon ay Banal na Hari
99 Naghahari ang Panginoon at nakaupo sa gitna ng mga kerubin.
Kaya ang mga taoʼy nanginginig sa takot at ang mundoʼy nayayanig.
2 Makapangyarihan ang Panginoon sa Zion,[a]
dinadakila siya sa lahat ng bansa.
3 Magpupuri ang mga tao sa kanya dahil siya ay makapangyarihan at kagalang-galang.
Siya ay banal!
4 Siyaʼy haring makapangyarihan at ang nais niyaʼy katarungan.
Sa kanyang paghatol ay wala siyang kinikilingan,
at ang ginagawa niya sa Israel[b] ay matuwid at makatarungan.
5 Purihin ang Panginoon na ating Dios.
Sambahin siya sa kanyang templo.[c]
Siya ay banal!
6 Sina Moises at Aaron ay kanyang mga pari,
at si Samuel ay isa sa mga nanalangin sa kanya.
Tumawag sila sa Panginoon at tinugon niya sila.
7 Nakipag-usap siya sa kanila mula sa ulap na parang haligi;
sinunod nila ang mga katuruan at tuntunin na kanyang ibinigay.
8 Panginoon naming Dios, sinagot nʼyo ang dalangin ng inyong mga mamamayan.[d]
Ipinakita nʼyo sa kanila na kayo ay Dios na mapagpatawad kahit na pinarusahan nʼyo sila sa kanilang mga kasalanan.
9 Purihin ang Panginoon na ating Dios.
Sambahin siya sa kanyang banal na Bundok,
dahil ang Panginoon na ating Dios ay banal.
Sinimulan ng mga Pari ang Kanilang Gawain
9 Nang ikawalong araw, pagkatapos ng pagtatalaga, ipinatawag ni Moises si Aaron at ang mga anak niyang lalaki at ang mga tagapamahala ng Israel. 2 Sinabi ni Moises kay Aaron, “Kumuha ka ng isang batang toro, at isang lalaking tupa na parehong walang kapintasan, at ihandog sa Panginoon. Ang baka ay handog sa paglilinis, at ang tupa ay handog na sinusunog. 3 Sabihin mo sa mga taga-Israel na magdala sila ng lalaking kambing bilang handog sa paglilinis. At kumuha rin sila ng baka at tupa na kapwa isang taon at walang kapintasan, at ihandog bilang handog na sinusunog. 4 Kumuha rin sila ng isang baka at lalaking tupa bilang handog para sa mabuting relasyon.[a] Ihahandog nila ito kasama ng handog na butil na may halong langis, dahil magpapakita ang Panginoon sa inyo sa araw na ito.”
5 Kaya dinala nila roon sa harap ng Toldang Tipanan ang lahat ng dadalhin ayon sa sinabi ni Moises sa kanila. At silang lahat ay nagtipon doon sa presensya ng Panginoon. 6 Sinabi ni Moises sa kanila, “Inuutusan kayo ng Panginoon na gawin ninyo ang paghahandog na ito para ipakita niya sa inyo ang kanyang kapangyarihan.” 7 Pagkatapos, sinabi niya kay Aaron, “Lumapit ka sa altar at ialay mo ang iyong handog sa paglilinis at handog na sinusunog para matubos ka at ang sambahayan mo[b] sa inyong mga kasalanan. At ialay mo rin ang handog ng mga tao para sila rin ay matubos sa kanilang mga kasalanan ayon sa iniutos ng Panginoon.”
8 Kaya lumapit si Aaron sa altar at pinatay niya ang handog na batang toro bilang handog sa paglilinis. 9 Ang dugo nitoʼy dinala sa kanya ng kanyang mga anak, at inilubog niya ang kanyang daliri sa dugo at iwinisik sa parang sungay sa mga sulok ng altar, at ang natirang dugo ay ibinuhos niya sa ilalim ng altar. 10 Sinunog niya sa altar ang mga taba at ang mga bato, pati na ang maliit na bahagi ng atay ayon sa utos ng Panginoon kay Moises. 11 Ang karne at ang balat ay sinunog niya sa labas ng kampo.
22 Pagkatapos maihandog ni Aaron ang lahat ng ito, itinaas niya ang kanyang mga kamay sa mga tao at binasbasan niya, at pagkatapos, bumaba siya mula sa altar. 23-24 At pumasok sina Moises at Aaron sa loob ng Toldang Tipanan. Paglabas nila, muli nilang binasbasan ang mga tao. At ipinakita ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan sa mga tao sa pamamagitan ng apoy na sumunog sa mga handog na nasa altar. Nang itoʼy makita ng mga tao, nagsigawan sila sa tuwa at nagpatirapa para sambahin ang Panginoon.
Ang Bagong Buhay
4 Dahil naghirap si Cristo sa katawang-tao niya, dapat ay handa rin kayong maghirap. Sapagkat hindi na gumagawa ng kasalanan ang taong nagtitiis ng hirap. 2 Hindi na siya sumusunod sa masasama niyang ugali kundi sumusunod na siya sa kalooban ng Dios. 3 Kaya huwag na ninyong gawin ang mga ginagawa nʼyo noon, ang mga bagay na gustong gawin ng mga taong hindi kumikilala sa Dios. Puno ng kahalayan ang buhay nʼyo noon at sinunod nʼyo ang nasa ng inyong laman. Palagi kayong nagtitipon-tipon para mag-inuman at gumagawa ng mga bagay na kahiya-hiya. At sa pagsamba ninyo sa inyong mga dios-diosan, kung anu-ano pang masasamang bagay ang ginagawa ninyo. 4 Pero nagtataka ngayon sa inyo ang mga taong hindi kumikilala sa Dios kung bakit hindi na kayo nakikisama sa magulo at maluho nilang pamumuhay. Kaya nagsasalita sila ng masama sa inyo. 5 Ngunit mananagot sila sa Dios sa ginagawa nila, dahil hahatulan ng Dios ang lahat ng tao, buhay man o patay. 6 Ito ang dahilan kung bakit ipinangaral ang Magandang Balita sa mga taong patay na. Nang sa ganoon, kahit patay na sila sa laman, at mahatulan tulad ng lahat ng tao, mabubuhay pa rin sila sa espiritu gaya ng Dios.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®