Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 31:9-16

Panginoon, kahabagan nʼyo po ako,
    dahil akoʼy labis nang nahihirapan.
    Namumugto na ang aking mga mata sa pag-iyak,
    at nanghihina na ako.
10 Ang buhay koʼy punong-puno ng kasawian;
    umiikli ang buhay ko dahil sa pag-iyak at kalungkutan.
    Nanghihina na ako sa kapighatiang aking nararanasan,
    at parang nadudurog na ang aking mga buto.
11 Kinukutya ako ng aking mga kaaway,
    at hinahamak ng aking mga kapitbahay.
    Iniiwasan na ako ng mga dati kong kaibigan;
    kapag nakikita nila ako sa daan, akoʼy kanilang nilalayuan.
12 Para akong patay na kanilang kinalimutan,
    at parang basag na sisidlan na wala nang halaga.
13 Marami akong naririnig na banta laban sa akin.
    Natatakot akong pumunta kahit saan,
    dahil plano nilang patayin ako.
14 Ngunit ako ay nagtitiwala sa inyo, Panginoon.
    Sinasabi kong,
    “Kayo ang aking Dios!”
15 Ang aking kinabukasan ay nasa inyong mga kamay.
    Iligtas nʼyo po ako sa aking mga kaaway na umuusig sa akin.
16 Ipadama nʼyo ang inyong kabutihan sa akin na inyong lingkod.
    Sa inyong pagmamahal, iligtas nʼyo ako.

Job 13:13-19

13 “Tumahimik kayo habang nagsasalita ako, at anuman ang mangyari sa akin, bahala na. 14 Nakahanda akong itaya ang buhay ko. 15 Tiyak na papatayin ako ng Dios; wala na akong pag-asa. Pero ipagtatanggol ko pa rin ang aking sarili sa kanya. 16 Baka sakaling sa pamamagitan nito ay maligtas ako, dahil walang masamang tao na makakalapit sa kanya.

17 “Pakinggan ninyong mabuti ang sasabihin ko. 18 Ngayong handa na akong ipagtanggol ang sarili ko; alam kong mapapawalang-sala ako. 19 Sino ang makapagpaparatang na nagkasala ako? Kung mayroon nga, mananahimik na lang ako hanggang sa mamatay.

Filipos 1:21-30

21 Sapagkat para sa akin, ang buhay ko ay para kay Cristo. At kung mamatay man ako, kapakinabangan ito sa akin dahil makakapiling ko na siya. 22 Kung patuloy naman akong mabubuhay, makakagawa pa ako ng mabubuting bagay. Kaya hindi ko alam ngayon kung alin ang pipiliin ko. 23 Nahahati ang isip ko sa dalawa: Ang mabuhay o ang mamatay. Gusto ko na sanang pumanaw para makapiling na si Cristo, dahil ito ang mas mabuti. 24 Pero kailangan kong patuloy na mabuhay para sa kapakanan ninyo. 25 Dahil dito, natitiyak kong mabubuhay pa ako at makakasama nʼyo para matulungan kayong lumago at maging maligaya sa pananampalataya. 26 At kapag nakabalik na ako sa inyo, lalo pa kayong magkakaroon ng dahilan para purihin si Cristo.

27 Mamuhay kayo nang ayon sa Magandang Balita ni Cristo. Nang sa ganoon, makadalaw man ako sa inyo o hindi, mababalitaan kong nagkakaisa kayo at sama-samang naninindigan para sa pananampalatayang ayon sa Magandang Balita. 28 Huwag kayong matakot sa mga kumakalaban sa inyo. Dahil kung hindi kayo natatakot, magiging palatandaan ito sa kanila na mapapahamak sila at ililigtas naman kayo ng Dios. 29 Sapagkat hindi lang ang pribilehiyong sumampalataya kay Cristo ang ibinigay sa inyo, kundi ang maghirap din para sa kanya. 30 Ngayon, dinaranas nʼyo na ang paghihirap na nakita ninyong dinanas ko noong una, at nababalitaan ninyong dinaranas ko pa rin hanggang ngayon.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®