Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin ng Pagtitiwala sa Dios
16 O Dios, ingatan nʼyo po ako,
dahil sa inyo ako nanganganlong.
2 Kayo ang aking Panginoon.
Lahat ng kabutihang nakamtan ko ay mula sa inyo.
3 Tungkol sa inyong mga taong banal na nasa lupain ng Israel,
lubos ko silang kinalulugdan.
4 Ngunit ang mga sumusunod sa mga dios-diosan ay lalong mahihirapan.
Hindi ako sasama sa paghahandog nila ng dugo sa kanilang mga dios-diosan,
at ayaw kong banggitin man lang ang pangalan ng mga ito.
5 Panginoon, kayo ang lahat sa aking buhay.
Lahat ng pangangailangan koʼy inyong ibinibigay.
Kinabukasan koʼy nasa inyong mga kamay.
6 Ang mga biyayang kaloob nʼyo sa akin ay parang malawak na taniman, kahanga-hangang tunay.
Tunay na napakaganda ng kaloob na ibinigay nʼyo sa akin.
7 Pupurihin ko kayo, Panginoon, na sa akin ay nagpapayo.
At kahit sa gabiʼy pinaaalalahanan ako ng aking budhi.
8 Panginoon palagi ko kayong iniisip,
at dahil kayo ay lagi kong kasama, hindi ako matitinag.
9 Kayaʼt nagagalak ang puso ko,
at akoʼy panatag, dahil alam kong ligtas ako.
10 Sapagkat hindi nʼyo pababayaan na ang aking kaluluwa ay mapunta sa lugar ng mga patay;
hindi nʼyo hahayaang mabulok sa libingan ang matapat nʼyong lingkod.
11 Itinuro nʼyo sa akin ang landas patungo sa buhay na puno ng kasiyahan,
at sa piling nʼyo, aking matatagpuan ang ligayang walang hanggan.
8 Ayan na! Naririnig ko nang paparating ang aking mahal. Dumarating siyang patalon-talon na parang usa sa mga bundok at burol. 9 Tingnan ninyo, nariyan na siya na nakatayo sa may pader, at sa bintana akoʼy sinisilip. 10 Sinabi niya sa akin, “Halika na irog kong maganda at sa akin ay sumama ka. 11 Tapos na ang panahon ng taglamig at tag-ulan. 12 Namumukadkad na ang mga bulaklak sa parang, panahon na ng pag-aawitan at maririnig na rin ang huni ng mga kalapati sa kabukiran. 13 Ang mga bunga ng igos ay hinog na[a] at humahalimuyak ang bulaklak ng mga ubas. Halika na irog kong maganda, sa akin ay sumama ka na.”
Lalaki
14 Katulad moʼy kalapating nagtatago sa bitak ng malaking bato. Ipakita mo sa akin ang magandang mukha mo at iparinig din ang maamo mong tinig.
Mga Babae ng Jerusalem
15 Bilis! Hulihin ang mga asong-gubat[b] na sumisira ng aming mga ubasang namumulaklak.
Ang Ilan pang mga Bilin
2 Magpakasigasig kayo sa pananalangin nang may pasasalamat, at habang nananalangin kayo ingatan ninyo ang pag-iisip ninyo. 3 Ipanalangin nʼyo rin na bigyan kami ng Dios ng pagkakataon na maihayag ang mensahe tungkol kay Cristo na inilihim noon. Ang pangangaral ko tungkol dito ang dahilan ng pagkabilanggo ko. 4 Ipanalangin nʼyo na maipangaral ko ito nang mabuti, gaya nang nararapat.
5 Maging matalino kayo sa pakikitungo sa mga hindi mananampalataya, at samantalahin nʼyo ang lahat ng pagkakataon na maibahagi ang pananampalataya nʼyo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®