Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Panginoon ay Tulad ng Isang Pastol
23 Ang Panginoon ang aking pastol,
hindi ako magkukulang ng anuman.
2 Tulad ng tupa, pinagpapahinga niya ako sa masaganang damuhan,
patungo sa tahimik na batisan akoʼy kanyang inaakay.
3 Panibagong kalakasan akoʼy kanyang binibigyan.
Pinapatnubayan niya ako sa tamang daan,
upang siyaʼy aking maparangalan.
4 Kahit dumaan ako sa pinakamadilim na libis, hindi ako matatakot
dahil kayo ay aking kasama.
Ang dala nʼyong pamalo[a] ang sa akin ay nag-iingat;
ang inyo namang tungkod ang gumagabay at nagpapagaan sa aking kalooban.
5 Ipinaghanda nʼyo ako ng piging sa harap ng aking mga kaaway.
Pinahiran nʼyo ng langis ang aking ulo, tanda ng inyong pagtanggap at parangal sa akin.
At hindi nauubusan ng laman ang aking inuman.
6 Tiyak na ang pag-ibig at kabutihan nʼyo ay mapapasaakin habang akoʼy nabubuhay.
At titira[b] ako sa bahay nʼyo,[c] Panginoon, magpakailanman.
15 Nang malaman ng Faraon ang ginawa ni Moises, tinangka niya itong patayin, pero tumakas si Moises papuntang Midian para roon manirahan. Pagdating niya sa Midian, naupo siya sa gilid ng balon. 16 Ngayon, dumating naman ang pitong anak na babae ng pari ng Midian para umigib at painumoin ang mga alagang hayop ng kanilang ama. 17 May dumating doon na mga pastol at pinapaalis nila ang mga babae at ang kanilang mga hayop, pero tinulungan ni Moises ang mga babaeng anak ng pari at pinainom pa niya ang mga alaga nilang hayop.
18 Pag-uwi ng mga babae sa ama nilang si Reuel,[a] tinanong niya sila, “Bakit parang napaaga ang pag-uwi nʼyo?”
19 Sumagot sila, “May isang Egipcio po na tumulong sa amin laban sa mga pastol. Ipinag-igib niya kami ng tubig at pinainom ang aming mga hayop.”
20 Nagtanong ang kanilang ama, “Nasaan na siya? Bakit ninyo siya iniwan? Tawagin ninyo siya at anyayahang kumain.”
21 Tinanggap ni Moises ang paanyaya, at pumayag siyang doon na tumira sa bahay ni Reuel. Nang magtagal, ipinakasal ni Reuel ang anak niyang si Zipora kay Moises 22 Nagbuntis si Zipora at nanganak ng isang lalaki, at pinangalanan ito ni Moises na Gershom,[b] dahil sinabi niya, “Dayuhan ako sa lupaing ito.”
23 Pagkalipas ng maraming taon, namatay ang hari ng Egipto. Pero patuloy pa rin ang paghihirap ng mga Israelita sa kanilang pagkaalipin. Humingi sila ng tulong at umabot sa Dios ang kanilang hinaing. 24 Narinig ng Dios ang kanilang hinaing, at inalala niya ang kanyang kasunduan kina Abraham, Isaac, at Jacob. 25 Nakita ng Dios ang kalagayan nila at naawa ang Dios sa kanila.
9 Ngunit kayoʼy mga taong pinili, mga maharlikang pari, at mga mamamayan ng Dios. Pinili kayo ng Dios na maging kanya upang ipahayag ninyo ang kahanga-hanga niyang mga gawa. Siya ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kahanga-hanga niyang kaliwanagan. 10 Datiʼy hindi kayo mga taong sakop ng Dios, pero ngayon, mga sakop na niya kayo. Noon, hindi kayo kinaawaan ng Dios, pero ngayon, kinaawaan na niya kayo.
11 Mga minamahal, mga dayuhan kayong nakikitira lang sa mundong ito. Kaya nakikiusap ako sa inyong talikuran na ninyo ang masasamang pagnanasa ng inyong katawan na nakikipaglaban sa inyong espiritu. 12 Sa lahat ng oras, ipakita nʼyo sa mga taong hindi kumikilala sa Dios ang matuwid ninyong pamumuhay. Kahit pinararatangan nila kayo ngayon ng masama, sa bandang huli ay makikita nila ang mga kabutihang ginagawa nʼyo at luluwalhatiin nila ang Dios sa araw ng pagdating niya.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®