Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Sa Punong Mang-aawit: sa Saliw ng mga Plauta. Awit ni David.
5 Dinggin mo ang aking mga salita, O Panginoon,
pakinggan mo ang aking panaghoy.
2 Pakinggan mo ang tunog ng aking daing,
hari ko at Diyos ko;
sapagkat sa iyo ako'y nananalangin.
3 O Panginoon, sa umaga ang tinig ko'y iyong pinapakinggan;
sa umaga'y naghahanda ako para sa iyo, at ako'y magbabantay.
4 Sapagkat ikaw ay hindi isang Diyos na nalulugod sa kasamaan;
ang kasamaan ay hindi mo kasamang naninirahan.
5 Ang hambog ay hindi makakatayo sa iyong harapan,
kinapopootan mo ang lahat ng mga gumagawa ng kasamaan.
6 Iyong lilipulin sila na nagsasalita ng mga kasinungalingan;
kinasusuklaman ng Panginoon ang mamamatay-tao at manlilinlang.
7 Ngunit ako, sa pamamagitan ng kasaganaan ng iyong wagas na pag-ibig,
ay papasok sa iyong bahay;
at sa iyo'y may takot na sasamba sa templo mong banal.
8 Patnubayan mo ako, O Panginoon, sa iyong katuwiran
dahil sa aking mga kaaway;
tuwirin mo ang iyong daan sa aking harapan.
23 Sinabi ng mga lingkod ng hari sa Siria sa kanya, “Ang kanilang diyos ay diyos ng mga burol, kaya't sila'y mas malakas sa atin. Ngunit labanan natin sila sa kapatagan, at tiyak na tayo'y magiging mas malakas kaysa kanila.
24 Ito ang gawin mo: alisin mo ang mga hari sa kani-kanilang puwesto, at maglagay ka ng mga punong-kawal na kapalit nila.
25 Magtipon ka para sa iyo ng isang hukbo na gaya ng hukbong nawala sa iyo, kabayo laban sa kabayo, at karwahe laban sa karwahe. Lalabanan natin sila sa kapatagan, at tiyak na tayo'y magiging mas malakas kaysa kanila.” Kanyang pinakinggan ang kanilang tinig at gayon nga ang ginawa.
26 Sa panahon ng tagsibol, tinipon ni Ben-hadad ang mga Arameo at umahon sa Afec upang labanan ang Israel.
27 At ang mga anak ng Israel ay nagtipon din, binigyan ng mga baon, at humayo laban sa kanila. Ang mga anak ng Israel ay humimpil sa harapan nila na parang dalawang munting kawan ng mga kambing, ngunit kinalatan ng mga taga-Siria ang lupain.
28 May isang tao ng Diyos na lumapit at sinabi sa hari ng Israel, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Sapagkat sinabi ng mga taga-Siria: Ang Panginoon ay diyos ng mga burol, ngunit hindi siya diyos ng mga libis,’ kaya't aking ibibigay ang napakaraming ito sa iyong kamay, at inyong malalaman na ako ang Panginoon.”
29 Sila'y nagkampo na magkatapat sa loob ng pitong araw. Nang ikapitong araw, nagpasimula ang labanan at ang mga anak ni Israel ay nakapatay sa mga taga-Siria ng isandaang libong lakad na kawal sa isang araw.
30 Ang mga nalabi ay tumakas patungo sa lunsod ng Afec, at ang pader ay nabuwal sa dalawampu't pitong libong lalaki na nalabi. Si Ben-hadad ay tumakas din at pumasok sa lunsod, sa isang silid na pinakaloob.
31 Sinabi ng kanyang mga lingkod sa kanya, “Aming narinig na ang mga hari sa sambahayan ng Israel ay mga maawaing hari. Isinasamo namin sa iyo na kami ay hayaan mong maglagay ng mga bigkis na sako sa aming mga balakang, at mga lubid sa aming mga leeg at pupuntahan namin ang hari ng Israel; marahil ay kanyang ililigtas ang iyong buhay.”
32 Kaya't sila'y naglagay ng bigkis na sako sa kanilang mga balakang, at ng mga lubid sa kanilang mga leeg. Pumunta sila sa hari ng Israel, at nagsabi, “Sinasabi ng iyong lingkod na si Ben-hadad, ‘Hinihiling ko sa iyo, hayaan mo akong mabuhay.’” At sinabi niya, “Siya ba'y buháy pa? Siya'y aking kapatid.”
33 Naghihintay noon ang mga lalaki ng tanda at madali nilang nakuha ang kanyang iniisip at kanilang sinabi, “Oo, ang iyong kapatid na si Ben-hadad.” Nang magkagayo'y sinabi niya, “Humayo kayo at dalhin ninyo siya sa akin.” Nang magkagayo'y nagpakita sa kanya si Ben-hadad at kanyang pinaakyat sa karwahe.
34 Sinabi ni Ben-hadad sa kanya, “Ang mga lunsod na kinuha ng aking ama sa iyong ama ay aking isasauli; at maaari kang magtayo ng mga kalakalan para sa iyong sarili sa Damasco, gaya ng ginawa ng aking ama sa Samaria.” At sinabi ni Ahab, “Hahayaan kitang umalis ayon sa mga kasunduang ito.” Sa gayo'y nakipagtipan siya sa kanya, at pinahayo siya.
Kinahabagan ng Diyos ang Israel
11 Sinasabi(A) ko nga, itinakuwil ba ng Diyos ang kanyang bayan? Huwag nawang mangyari. Sapagkat ako man ay Israelita, mula sa binhi ni Abraham, mula sa lipi ni Benjamin.
2 Hindi itinakuwil ng Diyos ang kanyang bayan na nang una pa'y kilala na niya. O hindi ba ninyo nalalaman ang sinasabi ng kasulatan tungkol kay Elias? Kung paanong nagmakaawa siya sa Diyos laban sa Israel?
3 “Panginoon,(B) pinatay nila ang iyong mga propeta, giniba nila ang iyong mga dambana; at ako'y naiwang nag-iisa, at tinutugis nila ang aking buhay.”
4 Subalit(C) ano ang sinasabi sa kanya ng kasagutan ng Diyos? “Nagtira ako para sa akin ng pitong libong lalaki na hindi lumuhod kay Baal.”
5 Gayundin sa panahong kasalukuyan ay may nalalabi na hinirang sa pamamagitan ng biyaya.
6 Ngunit kung ito'y sa pamamagitan ng biyaya, ito'y hindi na batay sa mga gawa; kung hindi, ang biyaya ay hindi biyaya.
7 Ano ngayon? Ang hinahanap ng Israel ay hindi niya nakamtan, ngunit ito'y nakamtan ng hinirang at ang iba'y pinapagmatigas,
8 ayon(D) sa nasusulat,
“Binigyan sila ng Diyos ng espiritu ng pagkakahimbing,
ng mga matang hindi tumitingin,
at ng mga taingang hindi nakikinig
hanggang sa araw na ito.”
9 At(E) sinasabi ni David,
“Ang kanilang hapag nawa'y maging isang silo, isang bitag,
isang katitisuran, at isang ganti sa kanila;
10 magdilim nawa ang kanilang mga mata, upang sila'y huwag makakita,
mabaluktot nawa ang kanilang likod nang habang panahon.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001