Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Sa Punong Mang-aawit. Salmo ni David. Isang Awit.
68 Bumangon nawa ang Diyos, mangalat nawa ang mga kaaway niya;
tumakas nawa sa harapan niya ang mga napopoot sa kanya!
2 Kung paanong itinataboy ang usok, ay gayon mo sila itaboy;
kung paanong natutunaw ang pagkit sa harap ng apoy,
gayon nawa mamatay ang masama sa harapan ng Diyos.
3 Ngunit matuwa nawa ang matuwid;
magalak nawa sila sa harapan ng Diyos;
oo, magalak nawa sila sa kasayahan!
4 Kayo'y magsiawit sa Diyos, umawit ng mga papuri sa kanyang pangalan;
magtaas ng isang awit sa kanya, siya na nangangabayo sa mga ilang;
Panginoon ang kanyang pangalan,
magalak kayo sa kanyang harapan.
5 Ama ng mga ulila, at tagapagtanggol ng mga babaing balo,
ang Diyos na sa kanyang banal na tirahan.
6 Ang nag-iisa ay binibigyan ng Diyos ng tahanan,
kanyang inaakay ang mga bilanggo sa kasaganaan,
ngunit ang mga mapaghimagsik sa tigang na lupa ay naninirahan.
7 O Diyos, nang humayo ka sa harapan ng iyong bayan,
nang lumakad ka sa ilang, (Selah)
8 ang(A) lupa ay nayanig,
ang kalangitan ay nagbuhos ng ulan sa harapan ng Diyos;
ang Sinai ay nayanig sa harapan ng Diyos, ang Diyos ng Israel.
9 Ikaw, O Diyos, ay nagbigay ng saganang ulan,
iyong pinalakas ang iyong mana, nang ito'y manghina.
10 Ang iyong kawan doon ay nakatagpo ng tirahan,
sa iyong kabutihan, O Diyos, ikaw ay nagkaloob para sa nangangailangan.
19 Purihin ang Panginoon
na nagpapasan araw-araw ng aming pasan,
samakatuwid baga'y ang Diyos na siyang aming kaligtasan. (Selah)
20 Ang Diyos sa amin ay Diyos ng kaligtasan;
at sa Diyos, na Panginoon, sa kanya ang pagtakas mula sa kamatayan.
Ang Paratang ni Elifaz kay Job
22 Nang magkagayo'y sumagot si Elifaz na Temanita, at sinabi,
2 “Mapapakinabangan(A) ba ng Diyos ang isang tao?
Tunay na kapaki-pakinabang sa kanyang sarili ang matalino.
3 May kasiyahan ba sa Makapangyarihan sa lahat kung matuwid ka?
O kapag pinasasakdal mo ang iyong mga lakad ay may pakinabang ba siya?
4 Dahil ba sa iyong takot sa kanya na ikaw ay sinasaway niya,
at pumapasok siya sa paghuhukom na kasama ka?
5 Hindi ba malaki ang iyong kasamaan?
Mga kasamaan mo'y walang hangganan.
6 Sapagkat kumuha ka ng sangla sa iyong kapatid kapalit ng wala,
ang hubad ay hinubaran mo ng kasuotan nila.
7 Hindi ka nagbigay ng tubig sa pagod upang uminom,
at ikaw ay nagkait ng tinapay sa gutom.
8 Ang makapangyarihang tao ang nagmay-ari ng lupa;
at tumahan doon ang taong pinagpala.
9 Ang mga babaing balo ay pinaalis mong walang dala,
at nadurog ang mga kamay ng mga ulila.
10 Kaya't ang mga silo ay nasa palibot mo,
at biglang takot ang sumasaklot sa iyo,
11 dumilim ang iyong ilaw, anupa't hindi ka makakita,
at tinatabunan ka ng tubig-baha.
12 “Hindi ba ang Diyos ay nasa itaas ng kalangitan?
Masdan mo ang pinakamataas na mga bituin, sila'y napakaringal!
13 At iyong sinasabi, ‘Ano bang nalalaman ng Diyos?
Makakahatol ba siya sa kadilimang lubos?
14 Makakapal na ulap ang bumabalot sa kanya, kaya't hindi siya nakakakita;
sa balantok ng langit ay lumalakad siya!’
15 Mananatili ka ba sa dating daan,
na ang masasamang tao'y ito ang nilakaran?
16 Sila'y inagaw bago dumating ang kapanahunan nila;
ang kanilang patibayan ay nadala ng baha.
17 Sinabi nila sa Diyos, ‘Lumayo ka sa amin;’
at, ‘Anong magagawa sa amin ng Makapangyarihan sa lahat?’
18 Gayunma'y pinuno niya ang kanilang mga bahay ng mabubuting bagay—
ngunit ang payo ng masama ay malayo sa akin.
19 Nakikita ito ng matutuwid at sila'y natutuwa;
at tinatawanan sila ng walang sala na may pangungutya,
20 na nagsasabi, ‘Tiyak na malilipol ang ating mga kalaban,
at tinupok ng apoy ang sa kanila'y naiwan.’
Tinanggap si Pablo ng mga Apostol
2 Pagkalipas(A) ng labing-apat na taon, muli akong nagtungo sa Jerusalem kasama si Bernabe, at isinama ko rin si Tito.
2 Ngunit ako'y nagtungo dahil sa isang pahayag, at isinaysay ko sa harapan nila ang ebanghelyo na aking ipinangangaral sa mga Hentil (subalit palihim sa harapan ng mga kinikilalang pinuno), baka sa anumang paraan ako'y tumatakbo, o tumakbo nang walang kabuluhan.
3 Subalit maging si Tito na kasama ko ay hindi pinilit na patuli, bagama't isang Griyego.
4 Subalit dahil sa mga huwad na kapatid na lihim na ipinasok, na pumasok upang tiktikan ang kalayaan na taglay namin kay Cristo Jesus, upang kami'y alipinin—
5 sa kanila ay hindi kami sumuko upang magpasakop, kahit isang saglit, upang ang katotohanan ng ebanghelyo ay manatili sa inyo.
6 Subalit(B) mula sa mga wari'y mga kinikilalang pinuno—maging anuman sila, ay walang anuman sa akin: ang Diyos ay hindi nagpapakita ng pagtatangi—ang mga pinunong iyon ay hindi nagdagdag ng anuman sa akin.
7 Kundi nang makita nila na sa akin ay ipinagkatiwala ang ebanghelyo para sa mga hindi tuli, kung paanong ipinagkatiwala kay Pedro ang ebanghelyo sa mga tuli,
8 sapagkat ang gumawa sa pamamagitan ni Pedro sa pagka-apostol sa mga tuli ay siya ring gumawa sa akin sa pagka-apostol sa mga Hentil;
9 at nang malaman nila ang biyayang sa akin ay ipinagkaloob, ang mga kanang kamay ng pakikisama ay ibinigay sa akin at kay Bernabe nina Santiago, Cefas[a] at Juan, sila na itinuturing na mga haligi, upang kami ay pumunta sa mga Hentil, at sila'y para sa mga tuli.
10 Ang kanila lamang hiniling ay aming alalahanin ang mga dukha, na siya namang aking pinananabikang gawin.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001