Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 135

135 Purihin ang Panginoon!
    Purihin ang pangalan ng Panginoon,
    magpuri kayo, mga lingkod ng Panginoon,
kayong nagsisitayo sa bahay ng Panginoon,
    sa mga bulwagan ng bahay ng ating Diyos!
Purihin ang Panginoon, sapagkat ang Panginoon ay mabuti;
umawit sa kanyang pangalan, sapagkat ito'y kaibig-ibig.
Sapagkat pinili ng Panginoon si Jacob para sa kanyang sarili,
    ang Israel bilang kanyang sariling pag-aari.

Sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay dakila,
    at ang ating Panginoon ay higit sa lahat ng mga diyos.
Ginagawa ng Panginoon anumang kanyang kinalulugdan,
    sa langit at sa lupa,
    sa mga dagat, at sa lahat ng mga kalaliman.
Siya ang nagpapataas ng mga ulap sa mga dulo ng daigdig,
    na gumagawa ng mga kidlat para sa ulan
    at inilalabas ang hangin mula sa kanyang mga kamalig.

Siya ang pumatay sa mga panganay sa Ehipto,
    sa hayop at sa tao;
siya, O Ehipto, sa iyong kalagitnaan,
    ay nagsugo ng mga tanda at mga kababalaghan
    laban kay Faraon, at sa lahat niyang mga lingkod;
10 na siyang sa maraming bansa ay gumapi,
    at pumatay sa mga makapangyarihang hari,
11 kay Sihon na hari ng mga Amorita,
    at kay Og na hari sa Basan,
    at sa lahat ng mga kaharian ng Canaan,
12 at ibinigay bilang pamana ang kanilang lupain,
    isang pamana sa kanyang bayang Israel.

13 Ang iyong pangalan, O Panginoon, ay magpakailanman,
    ang iyong alaala, O Panginoon, ay sa lahat ng salinlahi.
14 Sapagkat hahatulan ng Panginoon ang kanyang bayan,
    at mga lingkod niya'y kanyang kahahabagan.

15 Ang(A) mga diyus-diyosan ng mga bansa ay pilak at ginto,
    na gawa ng mga kamay ng mga tao.
16 Sila'y may mga bibig, ngunit hindi sila nagsasalita;
    mayroon silang mga mata, ngunit hindi sila nakakakita;
17 sila'y may mga tainga, ngunit hindi sila nakakarinig;
    ni mayroon mang hininga sa kanilang mga bibig.
18 Maging kagaya sila
    ng mga gumawa sa kanila—
    oo, ang bawat nagtitiwala sa kanila!

19 O sambahayan ni Israel, purihin ninyo ang Panginoon!
    O sambahayan ni Aaron, purihin ninyo ang Panginoon!
20 O sambahayan ni Levi, purihin ninyo ang Panginoon!
    Kayong natatakot sa Panginoon, purihin ninyo ang Panginoon!
21 Purihin ang Panginoon mula sa Zion,
    siya na tumatahan sa Jerusalem.
Purihin ang Panginoon!

Ezekiel 14:1-11

Ang Hatol Laban sa mga Sumasamba sa Diyus-diyosan

14 Nang magkagayo'y lumapit sa akin ang ilan sa matatanda ng Israel, at naupo sa harapan ko.

At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

“Anak ng tao, inilagay ng mga lalaking ito ang kanilang mga diyus-diyosan sa kanilang mga puso, at inilagay ang katitisuran ng kanilang kasamaan sa kanilang harapan. Hahayaan ko bang sumangguni sila sa akin?

Kaya't magsalita ka sa kanila, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sinumang tao sa sambahayan ni Israel na may kanyang mga diyus-diyosan sa kanyang puso, at naglalagay ng katitisuran ng kanyang kasamaan sa kanyang harapan at gayunma'y lumalapit sa propeta, akong Panginoon ay sasagot sa kanya, dahil sa karamihan ng kanyang mga diyus-diyosan;

upang aking mahawakan ang mga puso ng sambahayan ni Israel, na nagsilayo sa pamamagitan ng kanilang mga diyus-diyosan.

“Kaya't sabihin mo sa sambahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Magsisi kayo, at kayo'y tumalikod sa inyong mga diyus-diyosan; at lumayo kayo sa lahat ninyong kasuklamsuklam.

Sapagkat sinuman sa sambahayan ni Israel, o sa mga dayuhan na nangingibang-bayan sa Israel, na humiwalay sa akin, at nagtataglay ng kanyang mga diyus-diyosan sa kanyang puso, at naglalagay ng kanyang kasamaan bilang katitisuran sa harapan nila, gayunma'y lumalapit sa isang propeta upang mag-usisa sa akin tungkol sa kanyang sarili, akong Panginoon ang sasagot sa kanya.

Ihaharap ko ang aking mukha laban sa taong iyon, at gagawin ko siyang isang tanda at kawikaan, at tatanggalin ko siya sa gitna ng aking bayan; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.

At kung ang propeta ay malinlang at magsalita ng isang kataga, akong Panginoon ang luminlang sa propetang iyon, at aking iuunat ang aking kamay sa kanya, at papatayin ko siya mula sa gitna ng aking bayang Israel.

10 Kanilang papasanin ang kanilang parusa—ang parusa ng propeta ay magiging gaya ng parusa ng sumasangguni—

11 upang ang sambahayan ni Israel ay huwag nang maligaw pa sa akin, o mahawa pa man sa lahat nilang paglabag, kundi upang sila'y maging aking bayan at ako'y maging kanilang Diyos, sabi ng Panginoong Diyos.”

Mga Gawa 3:1-10

Ang Pagpapagaling sa Lumpo

Isang araw, sina Pedro at Juan ay pumanhik sa templo sa oras ng pananalangin, nang ikasiyam na oras.[a]

At may isang lalaking lumpo mula pa sa pagkapanganak ang noon ay ipinapasok. Araw-araw siya'y inilalagay nila sa pintuan ng templo na tinatawag na Maganda, upang manghingi ng limos sa mga pumapasok sa templo.

Nang nakita niya sina Pedro at Juan na papasok sa templo, humingi siya ng limos.

Ngunit pagtitig sa kanya ni Pedro, kasama si Juan, ay sinabi, “Tingnan mo kami.”

Itinuon niya ang kanyang pansin sa kanila na umaasang mayroong tatanggapin mula sa kanila.

Ngunit sinabi ni Pedro, “Wala akong pilak at ginto, ngunit ang nasa akin ay siya kong ibinibigay sa iyo. Sa pangalan ni Jesu-Cristong taga-Nazaret,[b] tumayo ka at lumakad.”

Kanyang hinawakan siya sa kanang kamay, at siya'y itinindig at agad na lumakas ang kanyang mga paa at mga bukung-bukong.

Siya'y lumukso, tumayo at nagpalakad-lakad; pumasok siya sa templo na kasama nila, lumalakad, lumulukso, at nagpupuri sa Diyos.

Nakita siya ng lahat ng tao na lumalakad at nagpupuri sa Diyos.

10 Nakilala nila na siya nga ang dating nakaupo at namamalimos sa Pintuang Maganda ng templo; at sila'y napuno ng pagtataka at pagkamangha sa nangyari sa kanya.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001