Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
146 Purihin ang Panginoon!
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko!
2 Pupurihin ko ang Panginoon habang ako'y nabubuhay,
ako'y aawit ng mga papuri sa aking Diyos, habang ako'y may buhay.
3 Huwag kayong magtiwala sa mga pinuno,
o sa anak man ng tao na walang kaligtasan.
4 Ang kanyang espiritu ay humiwalay, siya'y bumabalik sa kanyang lupa;
sa araw ding iyon ay naglalaho ang kanyang mga panukala.
5 Maligaya siya na ang saklolo ay ang Diyos ni Jacob,
na ang pag-asa ay nasa Panginoon niyang Diyos,
6 na(A) gumawa ng langit at lupa,
ng dagat, at ng lahat ng naroroon;
na nag-iingat ng katotohanan magpakailanman;
7 na naglalapat ng katarungan sa naaapi;
na nagbibigay ng pagkain sa nagugutom.
Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo;
8 binubuksan ng Panginoon ang mga mata ng bulag.
Ibinabangon ng Panginoon ang mga nabubuwal.
Iniibig ng Panginoon ang matuwid.
9 Iniingatan ng Panginoon ang mga banyaga;
kanyang inaalalayan ang babaing balo at ang ulila,
ngunit ang lakad ng masama ay inililihis niya.
10 Magpakailanman ang Panginoon ay maghahari,
ang iyong Diyos, O Zion, sa lahat ng salinlahi.
Purihin ang Panginoon!
Ang Pagtatalaga(A)
29 “Ito ang iyong gagawin sa kanila upang italaga sila, at makapaglingkod sa akin bilang mga pari. Kumuha ka ng isang guyang toro at ng dalawang lalaking tupa na walang kapintasan,
2 at ng tinapay na walang pampaalsa, mga bibingkang walang pampaalsa na hinaluan ng langis, at maninipis na tinapay na walang pampaalsa na pinahiran ng langis. Gagawin mo ang mga ito sa piling harinang trigo.
3 Isisilid mo ito sa isang bakol, at dadalhin mo ang mga ito na nasa bakol, kasama ang toro at ang dalawang lalaking tupa.
4 Si Aaron at ang kanyang mga anak ay iyong dadalhin sa pintuan ng toldang tipanan, at iyong huhugasan sila ng tubig.
5 Kukunin mo ang mga kasuotan, at iyong isusuot kay Aaron ang tunika at ang balabal ng efod, at ang efod, ang pektoral, at bibigkisan mo ng mainam na hinabing pamigkis ng efod:
6 at ipapatong mo ang turbante sa kanyang ulo, at ipapatong mo ang banal na korona sa turbante.
7 Saka mo kukunin ang langis na pambuhos, at ibubuhos mo sa ibabaw ng kanyang ulo, at bubuhusan mo siya ng langis.
8 Pagkatapos, iyong dadalhin ang kanyang mga anak, at susuotan mo sila ng mga tunika,
9 at iyong bibigkisan ng mga pamigkis si Aaron at ang kanyang mga anak, at itatali mo ang mga turbante sa kanilang ulo, at mapapasakanila ang pagkapari sa pamamagitan ng isang panghabam-panahong batas. Gayon mo itatalaga si Aaron at ang kanyang mga anak.
Isinalaysay ni Pablo ang Kanyang Pagbabagong-loob(A)
6 “Habang ako'y naglalakbay at papalapit na sa Damasco, nang magtatanghaling-tapat na, biglang sumikat mula sa langit ang isang malaking liwanag sa palibot ko.
7 Bumagsak ako sa lupa, at narinig ko ang isang tinig na nagsasabi sa akin, ‘Saulo, Saulo, bakit mo ako pinag-uusig?’
8 Sumagot ako sa kanya, ‘Sino ka ba, Panginoon?’ At sinabi niya sa akin, ‘Ako'y si Jesus na taga-Nazaret na iyong pinag-uusig.’
9 Nakita ng mga kasamahan ko noon ang liwanag, ngunit hindi nila narinig ang tinig ng nagsalita sa akin.
10 Sinabi ko, ‘Anong gagawin ko, Panginoon?’ Sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Tumindig ka at pumunta ka sa Damasco; at doo'y sasabihin sa iyo ang lahat ng mga bagay na itinalagang gawin mo.’
11 Nang hindi ako makakita dahil sa kaningningan ng liwanag na iyon, hinawakan ang aking kamay ng mga kasamahan ko, at dinala ako sa Damasco.
12 “Isang Ananias, na lalaking masipag sa kabanalan ayon sa kautusan, at may magandang patotoo tungkol sa kanya ang mga Judio na naninirahan doon,
13 ang lumapit sa akin, tumayo sa tabi ko at nagsabi sa akin, ‘Kapatid na Saulo, muli mong tanggapin ang iyong paningin!’ Nang oras ding iyon, bumalik ang aking paningin at nakita ko siya.
14 Pagkatapos ay sinabi niya, ‘Itinalaga ka ng Diyos ng ating mga ninuno upang malaman mo ang kanyang kalooban, makita mo ang Matuwid, at marinig mo ang tinig mula sa kanyang bibig,
15 sapagkat magiging saksi ka niya sa lahat ng mga tao tungkol sa mga bagay na iyong nakita at narinig.
16 At ngayon, ano pang hinihintay mo? Tumindig ka at magpabautismo, at hugasan ang iyong mga kasalanan, na tumatawag sa kanyang pangalan.’
Isinugo si Pablo sa mga Hentil
17 “Pagbalik ko sa Jerusalem, at habang ako'y nananalangin sa templo ay nawalan ako ng malay,
18 at ang Panginoon[a] ay nakita ko na nagsasabi sa akin, ‘Magmadali ka at umalis agad sa Jerusalem, sapagkat hindi nila tatanggapin ang iyong patotoo tungkol sa akin.’
19 At aking sinabi, ‘Panginoon, sila mismo ay nakaalam na sa bawat sinagoga ay ibinilanggo ko at hinampas ang mga nanampalataya sa iyo.
20 Nang(B) idanak ang dugo ni Esteban na iyong saksi, ako mismo ay nakatayo sa malapit, na sumasang-ayon at nag-iingat sa mga damit ng mga pumatay sa kanya.’
21 At sinabi niya sa akin, ‘Humayo ka, sapagkat susuguin kita sa malayo sa mga Hentil.’”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001