Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 135

135 Purihin ang Panginoon!
    Purihin ang pangalan ng Panginoon,
    magpuri kayo, mga lingkod ng Panginoon,
kayong nagsisitayo sa bahay ng Panginoon,
    sa mga bulwagan ng bahay ng ating Diyos!
Purihin ang Panginoon, sapagkat ang Panginoon ay mabuti;
umawit sa kanyang pangalan, sapagkat ito'y kaibig-ibig.
Sapagkat pinili ng Panginoon si Jacob para sa kanyang sarili,
    ang Israel bilang kanyang sariling pag-aari.

Sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay dakila,
    at ang ating Panginoon ay higit sa lahat ng mga diyos.
Ginagawa ng Panginoon anumang kanyang kinalulugdan,
    sa langit at sa lupa,
    sa mga dagat, at sa lahat ng mga kalaliman.
Siya ang nagpapataas ng mga ulap sa mga dulo ng daigdig,
    na gumagawa ng mga kidlat para sa ulan
    at inilalabas ang hangin mula sa kanyang mga kamalig.

Siya ang pumatay sa mga panganay sa Ehipto,
    sa hayop at sa tao;
siya, O Ehipto, sa iyong kalagitnaan,
    ay nagsugo ng mga tanda at mga kababalaghan
    laban kay Faraon, at sa lahat niyang mga lingkod;
10 na siyang sa maraming bansa ay gumapi,
    at pumatay sa mga makapangyarihang hari,
11 kay Sihon na hari ng mga Amorita,
    at kay Og na hari sa Basan,
    at sa lahat ng mga kaharian ng Canaan,
12 at ibinigay bilang pamana ang kanilang lupain,
    isang pamana sa kanyang bayang Israel.

13 Ang iyong pangalan, O Panginoon, ay magpakailanman,
    ang iyong alaala, O Panginoon, ay sa lahat ng salinlahi.
14 Sapagkat hahatulan ng Panginoon ang kanyang bayan,
    at mga lingkod niya'y kanyang kahahabagan.

15 Ang(A) mga diyus-diyosan ng mga bansa ay pilak at ginto,
    na gawa ng mga kamay ng mga tao.
16 Sila'y may mga bibig, ngunit hindi sila nagsasalita;
    mayroon silang mga mata, ngunit hindi sila nakakakita;
17 sila'y may mga tainga, ngunit hindi sila nakakarinig;
    ni mayroon mang hininga sa kanilang mga bibig.
18 Maging kagaya sila
    ng mga gumawa sa kanila—
    oo, ang bawat nagtitiwala sa kanila!

19 O sambahayan ni Israel, purihin ninyo ang Panginoon!
    O sambahayan ni Aaron, purihin ninyo ang Panginoon!
20 O sambahayan ni Levi, purihin ninyo ang Panginoon!
    Kayong natatakot sa Panginoon, purihin ninyo ang Panginoon!
21 Purihin ang Panginoon mula sa Zion,
    siya na tumatahan sa Jerusalem.
Purihin ang Panginoon!

Ezekiel 14:12-23

Ang Hatol ng Diyos Laban sa Jerusalem

12 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

13 “Anak ng tao, kapag ang isang lupain ay nagkasala laban sa akin ng di pagtatapat, at aking iniunat ang aking kamay roon, at aking binali ang tungkod ng tinapay niyon, at nagsugo ako ng taggutom doon, at aking inalis doon ang tao at hayop;

14 bagaman ang tatlong lalaking ito, sina Noe, Daniel at Job ay naroon, ang kanila lamang ililigtas ay ang kanilang sariling mga buhay sa pamamagitan ng kanilang katuwiran, sabi ng Panginoong Diyos.

15 Kung aking paraanin ang mga mabangis na hayop sa lupain at kanilang sirain iyon, at ito'y magiba, na anupa't walang taong makaraan dahil sa mga hayop;

16 bagaman ang tatlong lalaking ito ay naroon, habang buháy ako, sabi ng Panginoong Diyos, hindi nila maililigtas ang mga anak na lalaki o babae man. Sila lamang ang maliligtas, ngunit ang lupain ay masisira.

17 O kung ako'y magpadala ng tabak sa lupaing iyon, at aking sabihin, ‘Padaanan ng tabak ang lupain,’ at aking alisin roon ang tao at hayop;

18 bagaman ang tatlong lalaking ito ay naroon, habang buháy ako, sabi ng Panginoong Diyos, hindi nila maililigtas ang mga anak na lalaki o babae man, kundi sila lamang ang maliligtas.

19 O kung ako'y magsugo ng salot sa lupaing iyon, at aking ibuhos ang aking poot roon na may dugo, upang alisin ang tao at hayop;

20 bagaman sina Noe, Daniel, at Job ay naroon, habang buháy ako, sabi ng Panginoong Diyos, hindi nila maililigtas ang mga anak na lalaki o babae man; ang kanila lamang ililigtas ay ang kanilang sariling buhay sa pamamagitan ng kanilang katuwiran.

21 “Sapagkat(A) ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Gaano pa kaya kung aking paratingin ang aking apat na nakakamatay na hatol sa Jerusalem, ang tabak, ang taggutom, ang mabangis na mga hayop, at ang salot, upang alisin roon ang tao at hayop?

22 Gayunman, narito, doo'y maiiwan ang isang nalabi na ilalabas, mga anak na lalaki at babae. Narito, sila'y lalabas sa inyo. Kapag inyong nakita ang kanilang mga pamumuhay at ang kanilang mga gawa, kayo'y maaaliw tungkol sa kasamaan na aking pinarating sa Jerusalem, tungkol sa lahat na aking pinasapit doon.

23 Kanilang aaliwin kayo, kapag nakita ninyo ang kanilang pamumuhay at ang kanilang mga gawa. At inyong malalaman na hindi ko ginawang walang kadahilanan ang lahat na aking ginawa roon, sabi ng Panginoong Diyos.”

Marcos 7:24-30

Ang Pambihirang Pananampalataya ng Isang Babae(A)

24 Mula roon, tumindig siya at nagtungo sa lupain ng Tiro. Tumuloy siya sa isang bahay at ayaw niyang malaman ng sinuman na nandoon siya. Ngunit hindi nagawang di siya mapansin.

25 Sa halip, may isang babae na ang munting anak na batang babae na may masamang espiritu, na nakabalita tungkol sa kanya ay agad na lumapit at nagpatirapa sa kanyang paanan.

26 Ang babaing ito ay isang Griyego, isang Sirofenisa, ayon sa lahi. Nakiusap siya kay Jesus[a] na palayasin ang demonyo sa kanyang anak na babae.

27 At sinabi niya sa kanya, “Hayaan mo munang mapakain ang mga anak sapagkat hindi marapat na kunin ang tinapay ng mga anak at ihagis ito sa mga aso.”

28 Ngunit siya'y sumagot at sinabi sa kanya, “Panginoon, kahit na ang mga aso sa ilalim ng hapag ay kumakain ng mga nalaglag na pagkain ng mga anak.”

29 Sinabi naman ni Jesus sa kanya, “Dahil sa salitang iyan, makakaalis ka na, lumabas na ang demonyo sa iyong anak.”

30 Umuwi nga siya at nadatnan ang anak na nakahiga sa higaan at wala na ang demonyo.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001