Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
8 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa kanya,
9 “Bumangon(A) ka. Pumaroon ka sa Zarefta na sakop ng Sidon, at manirahan ka roon. Aking inutusan ang isang balong babae roon na pakainin ka.”
10 Kaya't bumangon siya at pumunta sa Zarefta. Nang siya'y dumating sa pintuan ng lunsod, naroon ang isang babaing balo na namumulot ng mga patpat. Kanyang tinawag siya, at sinabi, “Dalhan mo ako ng kaunting tubig sa isang sisidlan upang ako'y makainom.”
11 Nang siya'y pumunta na upang kumuha, kanyang tinawag siya, at sinabi, “Dalhan mo ako ng isang pirasong tinapay.”
12 At sinabi niya, “Kung paanong ang Panginoon mong Diyos ay buháy, ako'y walang nalutong anuman, tanging isang dakot na harina sa tapayan, at kaunting langis sa banga. At ngayon, ako'y namumulot ng ilang patpat upang ako'y makauwi at ihanda iyon para sa akin at sa aking anak, upang aming makain iyon, bago kami mamatay.”
13 Sinabi ni Elias sa kanya, “Huwag kang matakot. Humayo ka, at gawin mo ang iyong sinabi, ngunit igawa mo muna ako ng munting tinapay. Pagkatapos ay dalhin mo rito sa akin, at saka ka gumawa para sa iyo at sa iyong anak.
14 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, ‘Ang tapayan ng harina ay hindi magkukulang, o ang banga ng langis man ay mauubusan hanggang sa araw na magpaulan ang Panginoon sa ibabaw ng lupa.’”
15 Siya'y humayo, at ginawa ang ayon sa sinabi ni Elias. At ang babae, siya at ang sambahayan ng babae ay kumain nang maraming araw.
16 Ang tapayan ng harina ay hindi nagkulang, o ang banga ng langis man ay naubusan, ayon sa salita ng Panginoon na kanyang sinabi sa pamamagitan ni Elias.
Binuhay ni Elias ang Anak ng Balo
17 Pagkatapos ng mga bagay na ito, ang anak na lalaki ng babae, na may-ari ng bahay ay nagkasakit. Ang kanyang sakit ay napakalubha kaya't walang naiwang hininga.
18 At sinabi niya kay Elias, “Anong mayroon ka laban sa akin, O ikaw na tao ng Diyos? Naparito ka sa akin upang ipaalala mo ang aking kasalanan, at upang patayin ang aking anak!”
19 Sinabi ni Elias sa kanya, “Ibigay mo sa akin ang iyong anak.” At kinuha niya sa kanyang kandungan, at dinala niya sa silid sa itaas na kanyang tinutuluyan, at inihiga sa kanyang sariling higaan.
20 At siya'y nanangis sa Panginoon, “O Panginoon kong Diyos, dinalhan mo rin ba ng kapahamakan ang balo na aking tinutuluyan sa pamamagitan ng pagpatay sa kanyang anak?”
21 Siya'y(A) umunat sa bata ng tatlong ulit, at nanangis sa Panginoon, “O Panginoon kong Diyos, idinadalangin ko sa iyo, pabalikin mo sa batang ito ang kanyang buhay.”
22 Dininig ng Panginoon ang tinig ni Elias; at ang buhay ng bata ay bumalik sa kanya, at siya'y muling nagkamalay.
23 Kinuha ni Elias ang bata, ibinaba sa loob ng bahay mula sa silid sa itaas, at ibinigay siya sa kanyang ina; at sinabi ni Elias, “Tingnan mo, buháy ang iyong anak.”
24 At sinabi ng babae kay Elias, “Ngayo'y alam ko na ikaw ay isang tao ng Diyos, at ang salita ng Panginoon sa iyong bibig ay katotohanan.”
146 Purihin ang Panginoon!
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko!
2 Pupurihin ko ang Panginoon habang ako'y nabubuhay,
ako'y aawit ng mga papuri sa aking Diyos, habang ako'y may buhay.
3 Huwag kayong magtiwala sa mga pinuno,
o sa anak man ng tao na walang kaligtasan.
4 Ang kanyang espiritu ay humiwalay, siya'y bumabalik sa kanyang lupa;
sa araw ding iyon ay naglalaho ang kanyang mga panukala.
5 Maligaya siya na ang saklolo ay ang Diyos ni Jacob,
na ang pag-asa ay nasa Panginoon niyang Diyos,
6 na(A) gumawa ng langit at lupa,
ng dagat, at ng lahat ng naroroon;
na nag-iingat ng katotohanan magpakailanman;
7 na naglalapat ng katarungan sa naaapi;
na nagbibigay ng pagkain sa nagugutom.
Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo;
8 binubuksan ng Panginoon ang mga mata ng bulag.
Ibinabangon ng Panginoon ang mga nabubuwal.
Iniibig ng Panginoon ang matuwid.
9 Iniingatan ng Panginoon ang mga banyaga;
kanyang inaalalayan ang babaing balo at ang ulila,
ngunit ang lakad ng masama ay inililihis niya.
10 Magpakailanman ang Panginoon ay maghahari,
ang iyong Diyos, O Zion, sa lahat ng salinlahi.
Purihin ang Panginoon!
Ang Pagkatawag kay Pablo
11 Sapagkat nais kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang ebanghelyo na aking ipinangaral ay hindi ayon sa tao.
12 Sapagkat hindi ko ito tinanggap mula sa tao, o itinuro man sa akin, kundi sa pamamagitan ng pahayag ni Jesu-Cristo.
13 Sapagkat(A) inyong narinig ang uri ng aking dating pamumuhay sa Judaismo, kung paanong marahas kong inusig ang iglesya ng Diyos at sinikap na wasakin ito.
14 At(B) ako'y nanguna sa Judaismo nang higit kaysa marami sa mga kasing-gulang ko sa aking mga kababayan, higit na masigasig ako sa mga tradisyon ng aking mga ninuno.
15 Ngunit(C) nang malugod ang Diyos na sa akin ay nagbukod, buhat pa sa sinapupunan ng aking ina, at sa akin ay tumawag sa pamamagitan ng kanyang biyaya,
16 na ipahayag ang kanyang Anak sa akin, upang siya'y aking ipangaral sa mga Hentil; hindi ako sumangguni sa sinumang laman at dugo;
17 o nagtungo man ako sa Jerusalem sa mga apostol na una sa akin, kundi nagtungo ako sa Arabia at muli akong nagbalik sa Damasco.
18 Nang(D) makaraan ang tatlong taon, nagtungo ako sa Jerusalem upang dalawin si Cefas,[a] at namalaging kasama niya ng labinlimang araw.
19 Ngunit wala akong nakita sa mga ibang apostol, maliban kay Santiago na kapatid ng Panginoon.
20 Tungkol sa mga bagay na isinusulat ko sa inyo, sa harapan ng Diyos, hindi ako nagsisinungaling.
21 Pagkatapos ay nagtungo ako sa mga lupain ng Siria at Cilicia.
22 Ngunit hindi pa ako mukhaang nakikilala sa mga iglesya ng Judea na kay Cristo.
23 Narinig lamang nila na sinasabi, “Siya na dating umuusig sa atin ngayo'y ipinangangaral niya ang pananampalataya na dati'y sinikap niyang wasakin.”
24 At kanilang niluwalhati ang Diyos dahil sa akin.
Binuhay ni Jesus ang Anak ng Balo
11 Kinabukasan[a] siya ay tumuloy sa isang bayan na tinatawag na Nain, kasama ang kanyang mga alagad at ang napakaraming tao.
12 At nang siya'y papalapit na sa pintuan ng bayan, inilalabas ang isang taong namatay. Siya'y nag-iisang anak na lalaki ng kanyang ina na isang balo. Kasama niya ang napakaraming tao mula sa bayan.
13 Nang makita siya ng Panginoon, siya'y nahabag sa balo at sinabi rito, “Huwag kang umiyak.”
14 Siya'y lumapit at hinipo ang kabaong at ang mga nagbubuhat ay tumigil. At sinabi niya, “Binata, sinasabi ko sa iyo, ‘Bumangon ka.’”
15 Umupo ang patay at nagpasimulang magsalita. At siya'y ibinigay ni Jesus[b] sa kanyang ina.
16 Sinakmal ng takot ang lahat at niluwalhati nila ang Diyos, na sinasabi, “Lumitaw sa gitna natin ang isang dakilang propeta at dinalaw ng Diyos ang kanyang sambayanan.”
17 Ang balitang ito tungkol sa kanya ay kumalat sa buong Judea at sa lahat ng nakapaligid na lupain.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001