Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 109:21-31

21 Ngunit ikaw, O Diyos kong Panginoon,
    gumawa ka para sa akin alang-alang sa iyong pangalan,
    sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay mabuti, iligtas mo ako!
22 Sapagkat ako'y dukha at nangangailangan,
    at ang aking puso ay nasaktan sa loob ko.
23 Ako'y naglalahong gaya ng anino kapag ito'y humahaba,
    ako'y nililiglig na gaya ng balang.
24 Ang aking mga tuhod ay mahina dahil sa pag-aayuno,
    ang aking laman ay nagkukulang ng katabaan.
25 Ako(A) nama'y naging hamak sa kanila,
    kapag nakikita nila ako, ang ulo nila ay kanilang iniiling.

26 O Panginoon kong Diyos! Tulungan mo ako;
    ayon sa iyong tapat na pag-ibig ako ay iligtas mo.
27 Hayaan mong malaman nila na ito'y iyong kamay;
    ikaw, O Panginoon, ang gumawa nito!
28 Hayaang sumumpa sila, ngunit magpala ka!
    Kapag sila'y bumangon sila'y mapapahiya, ngunit ang iyong lingkod ay magagalak!
29 Ang akin nawang mga kaaway ay masuotan ng kawalang-dangal;
    mabalot nawa sila sa kanilang kahihiyan na gaya ng sa isang balabal!
30 Sa pamamagitan ng aking bibig ay magpapasalamat ako nang napakalaki sa Panginoon,
    pupurihin ko siya sa gitna ng maraming tao.
31 Sapagkat siya'y tumatayo sa kanang kamay ng nangangailangan,
    upang iligtas siya sa mga nagsisihatol sa kanyang kaluluwa.

Ezekiel 20:18-32

18 “At sinabi ko sa kanilang mga anak sa ilang, Huwag kayong lumakad sa mga tuntunin ng inyong mga ninuno, o sundin man ang kanilang mga batas, o dungisan man ang inyong sarili sa kanilang mga diyus-diyosan.

19 Ako ang Panginoon na inyong Diyos: Lumakad kayo sa aking mga tuntunin, at maging maingat kayo sa pagsunod sa aking mga batas.

20 Inyong ingatang banal ang aking mga Sabbath upang ang mga iyon ay maging tanda sa pagitan ko at ninyo, upang inyong malaman na akong Panginoon ang inyong Diyos.

21 Ngunit ang mga anak ay naghimagsik laban sa akin; sila'y hindi lumakad sa aking mga tuntunin, at hindi naging maingat na isagawa ang aking mga batas, na kung gawin ng tao ay mabubuhay; kanilang nilapastangan ang aking mga Sabbath.

“Nang magkagayo'y inisip kong ibubuhos ang aking poot sa kanila at ubusin ang aking galit laban sa kanila sa ilang.

22 Gayunma'y iniurong ko ang aking kamay, kumilos ako alang-alang sa aking pangalan, upang huwag itong malapastangan sa paningin ng mga bansa, na sa paningin ng mga iyon ay inilabas ko sila.

23 Bukod(A) dito'y isinumpa ko sa kanila sa ilang na pangangalatin ko sila sa gitna ng mga bansa, at pagwawatak-watakin sila sa mga lupain,

24 sapagkat hindi nila ginawa ang aking mga batas, kundi itinakuwil ang aking mga tuntunin, at nilapastangan ang aking mga Sabbath, at ang kanilang mga mata'y nakatuon sa mga diyus-diyosan ng kanilang mga ninuno.

25 Bukod dito'y binigyan ko sila ng mga tuntunin na hindi mabuti, at ng mga batas na hindi nagbibigay ng buhay.

26 Dinungisan ko sila sa pamamagitan ng kanilang sariling mga kaloob, sa pamamagitan ng kanilang paghahandog sa apoy ng lahat ng kanilang mga panganay, upang aking takutin sila. Ginawa ko iyon upang kanilang malaman na ako ang Panginoon.

27 “Kaya't, anak ng tao, magsalita ka sa sambahayan ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sa ganito'y muling nilapastangan ako ng inyong mga ninuno, sa pamamagitan ng kanilang pagtataksil laban sa akin.

28 Sapagkat nang madala ko sila sa lupain na aking ipinangakong ibibigay sa kanila, saanman sila makakita ng alinmang mataas na burol o anumang mayayabong na punungkahoy, inialay nila roon ang kanilang mga handog, at doo'y kanilang iniharap ang nakakagalit nilang handog. Nagsuob rin sila roon ng kanilang pabango, at ibinuhos nila roon ang kanilang mga inuming handog.

29 (Nang magkagayo'y sinabi ko sa kanila, Ano ang mataas na dako na inyong pinuntahan? Sa gayo'y ang pangalan niyon ay tinawag na Bama hanggang sa araw na ito.)

30 Kaya't sabihin mo sa sambahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Durungisan ba ninyo ang inyong sarili ng ayon sa paraan ng inyong mga ninuno at kayo'y maliligaw sa kanilang mga kasuklamsuklam na bagay?

31 Kapag inyong inihahandog ang inyong mga kaloob, at iniaalay sa apoy ang inyong mga anak, nagpapakarumi kayo sa lahat ng inyong diyus-diyosan hanggang sa araw na ito. At ako ba'y sasangguniin ninyo, O sambahayan ng Israel? Habang ako'y nabubuhay, sabi ng Panginoong Diyos, hindi ninyo ako masasangguni.

32 “Ang nasa inyong isipan ay hindi kailanman mangyayari, ang isipang, ‘Hayaan ninyo kaming maging gaya ng mga bansa, na gaya ng mga angkan ng mga lupain at sumamba sa kahoy at bato.’

Apocalipsis 3:7-13

Ang Mensahe sa Filadelfia

“At(A) sa anghel ng iglesya sa Filadelfia ay isulat mo:

“Ang mga bagay na ito ang sinasabi ng banal, ng totoo,
    na may susi ni David,
    na nagbubukas at hindi maisasara ng sinuman, na nagsasara at walang makakapagbukas.

“Alam ko ang iyong mga gawa. Tingnan mo, inilagay ko sa harapan mo ang isang pintong bukas, na hindi maisasara ng sinuman. Alam kong ikaw ay may kaunting kapangyarihan, ngunit tinupad mo ang aking salita, at hindi mo itinakuwil ang aking pangalan.

Ibinibigay(B) ko sa mga sinagoga ni Satanas na nagsasabing sila'y mga Judio, at sila'y hindi, kundi nagsisinungaling: sila'y aking papupuntahin at pasasambahin sa harap ng iyong mga paa, at malalaman nilang ikaw ay aking inibig.

10 Sapagkat tinupad mo ang salita ng aking pagtitiis, ikaw naman ay aking iingatan sa oras ng pagsubok na darating sa buong daigdig, upang subukin ang mga naninirahan sa ibabaw ng lupa.

11 Ako'y dumarating na madali; panghawakan mong matibay ang nasa iyo, upang walang makaagaw ng iyong korona.

12 Ang(C) magtagumpay ay gagawin kong haligi sa templo ng aking Diyos, at hindi na siya lalabas pa roon, at isusulat ko sa kanya ang pangalan ng aking Diyos, at ang pangalan ng lunsod ng aking Diyos, ang bagong Jerusalem, na bumababa buhat sa langit, mula sa aking Diyos, at ang aking sariling bagong pangalan.

13 Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001