Revised Common Lectionary (Complementary)
Maskil(A) ni Etan na Ezrahita.
89 Aking aawitin ang iyong tapat na pag-ibig magpakailanman, O Panginoon,
sa pamamagitan ng aking bibig ay ipahahayag ko sa lahat ng salinlahi ang katapatan mo.
2 Sapagkat aking sinabi, ang tapat na pag-ibig ay matatatag kailanman,
itatag mo sa mga langit ang iyong katapatan.
3 “Ako'y nakipagtipan sa aking hinirang,
ako'y sumumpa kay David na aking lingkod:
4 ‘Ang(B) mga binhi mo'y itatatag ko magpakailanman,
at aking itatayo ang iyong trono para sa lahat ng salinlahi.’” (Selah)
5 Purihin nawa ng langit ang iyong mga kahanga-hangang gawa, O Panginoon,
ang katapatan mo sa kapulungan ng mga banal!
6 Sapagkat sino sa langit ang maihahambing sa Panginoon?
Sino sa mga nilalang sa langit ang gaya ng Panginoon,
7 isang Diyos na kinatakutan sa kapulungan ng mga banal,
dakila at kakilakilabot kaysa lahat ng nasa palibot niya?
8 O Panginoong Diyos ng mga hukbo,
sino ang makapangyarihang gaya mo, O Panginoon?
Ang iyong katapatan ay nakapaligid sa iyo.
9 Iyong pinamumunuan ang pagngangalit ng dagat;
kapag tumataas ang mga alon nito, ang mga iyon ay pinatatahimik mo.
10 Iyong dinurog ang Rahab na tulad sa pinatay,
pinangalat mo ng iyong makapangyarihang bisig ang iyong mga kaaway.
11 Ang langit ay iyo, maging ang lupa ay iyo,
ang sanlibutan at ang lahat ng narito ay itinatag mo.
12 Ang hilaga at ang timog ay iyong nilalang,
ang Tabor at ang Hermon ay magalak na nagpuri sa iyong pangalan.
13 Ikaw ay may makapangyarihang bisig;
malakas ang iyong kamay, mataas ang iyong kanang kamay.
14 Ang katuwiran at katarungan ang mga saligan ng iyong trono,
ang tapat na pag-ibig at katapatan ay nagpapauna sa iyo.
15 Mapalad ang bayan na nakakaalam ng masayang sigaw,
na nagsisilakad sa liwanag ng iyong mukha, O Panginoon;
16 na nagagalak sa iyong pangalan sa buong araw;
at itinaas sa pamamagitan ng iyong katuwiran.
17 Sapagkat ikaw ang kaluwalhatian ng kanilang lakas,
sa pamamagitan ng iyong kagandahang-loob ang aming tambuli ay itinaas.
18 Sapagkat ang aming kalasag ay mula sa Panginoon,
ang aming hari sa Banal ng Israel.
Si Haring Manases ng Juda(A)
33 Si Manases ay labindalawang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari ng limampu't limang taon sa Jerusalem.
2 Siya'y(B) gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa mga karumaldumal na kaugalian ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa harapan ng mga anak ni Israel.
3 Sapagkat kanyang muling itinayo ang matataas na dako na iginiba ni Hezekias na kanyang ama. Siya'y nagtayo ng mga dambana para sa mga Baal, at gumawa ng mga sagradong poste,[a] at sumamba sa lahat ng mga hukbo ng langit, at naglingkod sa mga iyon.
4 Siya'y(C) nagtayo ng mga dambana sa bahay ng Panginoon, na tungkol doon ay sinabi ng Panginoon, “Sa Jerusalem ay ilalagay ang aking pangalan magpakailanman.”
5 Siya'y nagtayo rin ng mga dambana para sa lahat ng hukbo ng langit sa dalawang bulwagan ng bahay ng Panginoon.
6 Kanyang sinunog ang kanyang mga anak na lalaki bilang handog sa libis ng anak ni Hinom, at siya'y gumawa ng panghuhula, pangkukulam, at panggagaway, at sumangguni sa masasamang espiritu, at sa mga salamangkero. Siya'y gumawa ng maraming kasamaan sa paningin ng Panginoon at kanyang ginalit siya.
7 Ang(D) larawan ng diyus-diyosan na kanyang ginawa ay inilagay niya sa bahay ng Diyos, na tungkol doon ay sinabi ng Diyos kay David at kay Solomon na kanyang anak, “Sa bahay na ito, at sa Jerusalem na aking pinili mula sa lahat ng mga lipi ni Israel, aking ilalagay ang aking pangalan magpakailanman.
8 Hindi ko na aalisin pa ang paa ng Israel sa lupain na aking itinakda para sa inyong mga ninuno, kung kanila lamang iingatan ang lahat ng aking iniutos sa kanila, ang buong kautusan at ang mga tuntunin at ang mga batas na ibinigay sa pamamagitan ni Moises.”
9 Inakit ni Manases ang Juda at ang mga mamamayan ng Jerusalem, kaya't sila'y gumawa ng higit pang kasamaan kaysa ginawa ng mga bansang nilipol ng Panginoon sa harapan ng mga anak ni Israel.
10 Ang Panginoon ay nagsalita kay Manases at sa kanyang bayan, ngunit hindi nila binigyang-pansin.
11 Kaya't dinala ng Panginoon sa kanila ang mga punong-kawal ng hukbo ng hari ng Asiria, na siyang nagdala kay Manases na nakagapos at itinali siya ng mga kadenang tanso at dinala sa Babilonia.
12 Nang siya'y nasa paghihirap, siya'y sumamo sa Panginoon niyang Diyos, at lubos na nagpakumbaba sa harapan ng Diyos ng kanyang mga ninuno.
13 Siya'y nanalangin sa kanya at tinanggap ang kanyang pakiusap at pinakinggan ang kanyang daing, at ibinalik siya sa Jerusalem sa kanyang kaharian. Nang magkagayo'y nakilala ni Manases na ang Panginoon ay siyang Diyos.
14 Pagkatapos nito ay nagtayo siya ng isang panlabas na pader para sa lunsod ni David, sa dakong kanluran ng Gihon, sa libis, at para sa pasukan patungo sa Pintuang-Isda, at ipinalibot sa Ofel, at itinaas nang napakataas. Naglagay rin siya ng mga pinunong hukbo sa lahat ng lunsod na may kuta sa Juda.
15 Kanyang inalis ang mga ibang diyos at ang diyus-diyosan sa bahay ng Panginoon, at ang lahat ng dambana na kanyang itinayo sa bundok ng bahay ng Panginoon at sa Jerusalem, at itinapon ang mga iyon sa labas ng lunsod.
16 Ibinalik rin niya sa dati ang dambana ng Panginoon at nag-alay doon ng mga handog pangkapayapaan at pasasalamat; at inutusan niya ang Juda na maglingkod sa Panginoong Diyos ng Israel.
17 Gayunman, ang taong-bayan ay patuloy pa ring nag-alay sa matataas na dako, ngunit tanging sa Panginoon nilang Diyos.
Ang Pananampalataya
11 Ngayon, ang pananampalataya ay ang katiyakan sa mga bagay na inaasahan, ang paninindigan sa mga bagay na hindi nakikita.
2 Tunay na sa pamamagitan nito ang mga tao noong una ay tumanggap ng patotoo.
3 Sa(A) pananampalataya ay nauunawaan natin na ang mga sanlibutan ay nilikha sa pamamagitan ng salita ng Diyos, anupa't ang mga bagay na nakikita ay nagmula sa mga bagay na hindi nakikita.
Ang Pananampalataya nina Abel, Enoc, at Noe
4 Sa(B) pananampalataya si Abel ay nag-alay sa Diyos ng higit na dakilang handog kaysa kay Cain. Sa pamamagitan nito siya'y pinuri bilang matuwid at ang Diyos ang nagpapatotoo sa pamamagitan ng pagtanggap sa kanyang mga kaloob. Patay na siya, gayunma'y nagsasalita pa sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya.
5 Sa(C) pananampalataya si Enoc ay dinalang paitaas anupa't hindi na niya naranasan ang kamatayan. “Hindi na siya natagpuan, sapagkat siya'y kinuha ng Diyos.” Sapagkat bago siya dinalang paitaas, pinatotohanan na ang Diyos ay nalugod sa kanya.
6 At kung walang pananampalataya ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos,[a] sapagkat ang sinumang lumalapit sa kanya ay dapat sumampalatayang may Diyos at siya ang tagapagbigay-gantimpala sa mga masigasig na humahanap sa kanya.
7 Sa(D) pananampalataya si Noe, nang mabigyan ng Diyos ng babala tungkol sa mga bagay na hindi pa nakikita, ay pinakinggan ang babala at gumawa ng isang daong para sa kaligtasan ng kanyang sambahayan. Sa pamamagitan nito ay hinatulan niya ang sanlibutan, at siya'y naging tagapagmana ng katuwirang ayon sa pananampalataya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001