Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Isaias 58:9-14

Kung magkagayo'y tatawag ka at ang Panginoon ay sasagot;
    ikaw ay dadaing, at siya'y magsasabi, Narito ako.

“Kung iyong alisin sa gitna mo ang pamatok,
    ang pang-alipusta, at ang pagsasalita ng masama;
10 kung magmamagandang-loob ka sa gutom,
    at iyong tugunin ang nais ng nagdadalamhati,
kung magkagayo'y sisilang ang iyong liwanag sa kadiliman,
    at ang iyong kadiliman ay magiging parang katanghaliang-tapat.
11 At patuloy na papatnubayan ka ng Panginoon,
    at masisiyahan ang iyong kaluluwa sa tuyong dako,
    at palalakasin ang iyong mga buto;
at ikaw ay magiging parang halamanang nadilig,
    at parang bukal na ang tubig ay hindi nauubos.
12 At mula sa inyo ay itatayo ang dating sirang dako;
    ikaw ay magbabangon ng mga saligan ng maraming salinlahi;
at ikaw ay tatawaging tagapag-ayos ng sira,
    ang tagapagsauli ng mga landas na matatahanan.

13 “Kapag iyong iurong ang iyong paa dahil sa Sabbath,
    sa paggawa ng iyong kalayawan sa aking banal na araw;
at iyong tinawag ang Sabbath bilang isang kasiyahan,
    at marangal ang banal na araw ng Panginoon,
at ito'y iyong pinarangalan, na hindi ka lalakad sa iyong mga sariling lakad,
    ni hahanap ng iyong sariling kalayawan ni magsasalita ng iyong mga salita;
14 kung magkagayo'y malulugod ka sa Panginoon,
    at pasasakayin kita sa mga matataas na dako sa lupa;
at pakakainin kita ng mana ni Jacob na iyong ama,
    sapagkat sinalita ng bibig ng Panginoon.”

Mga Awit 103:1-8

Ang Pag-ibig ng Diyos

Awit ni David.

103 Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko;
    at lahat ng nasa loob ko,
    purihin ang kanyang banal na pangalan!
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko,
    at huwag mong kalimutan ang lahat niyang mga biyaya—
na siyang nagpapatawad ng lahat mong mga kasamaan;
    na siyang nagpapagaling ng lahat mong karamdaman,
na siyang tumutubos ng iyong buhay sa Hukay:
    na siyang nagpuputong sa iyo ng habag at tapat na pagmamahal,
na siyang bumubusog sa iyong nasa ng mga mabubuting bagay;
    anupa't nababago na gaya ng sa agila ang iyong kabataan.

Ang Panginoon ay nagsasagawa ng mga matuwid na gawa
    at katarungan sa lahat ng naaapi.
Kanyang ipinaalam ang kanyang mga daan kay Moises,
    ang kanyang mga gawa sa mga anak ni Israel.
Ang(A) Panginoon ay mahabagin at mapagbiyaya,
    hindi magagalitin at sa tapat na pag-ibig ay sagana.

Mga Hebreo 12:18-29

18 Sapagkat(A) hindi pa kayo lumapit sa bundok na nahihipo, sa apoy na nagliliyab, sa kadiliman, sa kapanglawan, at sa unos,

19 sa tunog ng trumpeta, at sa tunog ng mga salita na ang nakarinig ay nakiusap na huwag nang magsalita pa sa kanila ng anuman.

20 Sapagkat(B) hindi nila matiis ang iniuutos na, “Maging isang hayop man ang tumuntong sa bundok ay pagbababatuhin.”

21 At(C) kakilakilabot ang nakikita kaya't sinabi ni Moises, “Ako'y natatakot at nanginginig.”

22 Subalit kayo'y lumapit sa Bundok ng Zion, at sa lunsod ng Diyos na buháy, sa makalangit na Jerusalem, at sa mga di-mabilang na mga anghel, sa isang masayang pagtitipon,

23 at sa kapulungan ng mga panganay na nakatala sa langit, at sa Diyos na Hukom ng lahat, at sa mga espiritu ng mga matuwid na pinasakdal,

24 at(D) kay Jesus na tagapamagitan ng bagong tipan, at sa dugong iwinisik na nagsasalita ng lalong mabuti kaysa dugo ni Abel.

25 Pag-ingatan(E) ninyong huwag itakuwil ang nagsasalita; sapagkat kung hindi nakatakas ang mga nagtakuwil sa nagbabala sa kanila sa lupa, lalo pa tayo kung tatalikuran natin ang nagbabala buhat sa langit!

26 Sa(F) pagkakataong iyon niyanig ng kanyang tinig ang lupa. Subalit ngayo'y nangako siya na sinasabi, “Minsan pang yayanigin ko, hindi lamang ang lupa, kundi pati ang langit.”

27 Ngayon ang salitang, “Minsan pa,” ay nagpapahiwatig ng pag-aalis ng mga bagay na niyanig, gaya ng mga bagay na ginawa, upang manatili ang mga bagay na hindi nayayanig.

28 Kaya't yamang tinanggap natin ang isang kahariang hindi mayayanig, magkaroon tayo ng biyaya na sa pamamagitan nito ay makapaghahandog tayo sa Diyos ng kalugud-lugod na paglilingkod, na may paggalang at takot,

29 sapagkat(G) ang Diyos natin ay isang apoy na tumutupok.

Lucas 13:10-17

Pinagaling ni Jesus nang Araw ng Sabbath ang Babaing may Sakit

10 Noon ay nagtuturo siya sa isa sa mga sinagoga nang araw ng Sabbath.

11 At naroon ang isang babae na may espiritu ng karamdaman sa loob ng labingwalong taon. Siya ay baluktot at hindi niya kayang tumayo ng talagang matuwid.

12 Nang siya'y makita ni Jesus, kanyang tinawag siya at sinabi sa kanya, “Babae, pinalaya ka na sa iyong sakit.”

13 Ipinatong ni Jesus ang kanyang mga kamay sa kanya at kaagad siyang naunat at niluwalhati niya ang Diyos.

14 Subalit(A) ang pinuno ng sinagoga, na galit sapagkat si Jesus ay nagpagaling sa Sabbath, ay nagsabi sa maraming tao, “May anim na araw na dapat gumawa, pumarito kayo sa mga araw na iyon at kayo'y pagagalingin at hindi sa araw ng Sabbath.”

15 At sinabi sa kanya ng Panginoon, “Kayong mga mapagkunwari! Hindi ba kinakalagan ng bawat isa sa inyo sa Sabbath ang kanyang bakang lalaki o ang kanyang asno mula sa sabsaban at ito'y inilalabas upang painumin?

16 At hindi ba dapat na ang babaing ito na anak ni Abraham, na ginapos ni Satanas sa loob ng labingwalong taon ay kalagan sa pagkagapos na ito sa araw ng Sabbath?”

17 Nang sabihin niya ang mga bagay na ito, napahiya ang lahat ng kanyang mga kaaway at nagalak ang maraming tao dahil sa lahat ng maluwalhating bagay na kanyang ginawa.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001