Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 119:65-72

TETH.

65 Ginawan mo ng mabuti ang iyong lingkod,
    O Panginoon, ayon sa iyong salita.
66 Turuan mo ako ng mabuting pagpapasiya at kaalaman;
    sapagkat ako'y sumampalataya sa iyong kautusan.
67 Bago ako nagdalamhati ay naligaw ako;
    ngunit ngayo'y tinutupad ko ang salita mo.
68 Ikaw ay mabuti, at gumagawa ng mabuti;
    ituro mo sa akin ang iyong mga tuntunin.
69 Ang mayabang ay kumatha ng kabulaanan laban sa akin,
    ngunit aking tutuparin ang iyong mga tuntunin ng buong puso ko.
70 Ang puso nila ay matabang gaya ng sebo;
    ngunit ako'y natutuwa sa kautusan mo.
71 Mabuti sa akin na pinapagpakumbaba ako;
    upang aking matutunan ang mga tuntunin mo.
72 Ang kautusan ng iyong bibig ay higit na mabuti sa akin
    kaysa libu-libong pirasong ginto at pilak.

2 Cronica 12:1-12

Ang Pagsalakay ng Ehipto sa Juda(A)

12 Nang ang paghahari ni Rehoboam ay naging matatag at malakas, kanyang tinalikuran ang kautusan ng Panginoon, at ang buong Israel ay kasama niya.

Nang ikalimang taon ni Haring Rehoboam, sapagkat sila'y naging taksil sa Panginoon, si Shishac na hari ng Ehipto ay umahon laban sa Jerusalem,

kasama ang isanlibo at dalawang daang karwahe, at animnapung libong mangangabayo. At ang mga taong dumating na kasama niya mula sa Ehipto ay di mabilang—mga taga-Libya, mga Sukiim, at mga taga-Etiopia.

Kinuha niya ang mga lunsod ng Juda na may kuta at nakarating hanggang sa Jerusalem.

At si Shemaya na propeta ay dumating kay Rehoboam at sa mga pinuno ng Juda na nagtipun-tipon sa Jerusalem dahil kay Shishac, at sinabi sa kanila, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Pinabayaan ninyo ako, kaya't pinabayaan ko naman kayo sa kamay ni Shishac.’”

Nang magkagayon, ang mga pinuno ng Israel at ang hari ay nagpakumbaba at kanilang sinabi, “Ang Panginoon ay matuwid.”

Nang makita ng Panginoon na sila'y nagpakumbaba, ang salita ng Panginoon ay dumating kay Shemaya: “Sila'y nagpakumbaba; hindi ko sila pupuksain, kundi bibigyan ko sila ng ilang pagliligtas, at ang aking poot ay hindi mabubuhos sa Jerusalem sa pamamagitan ng kamay ni Shishac.

Gayunman, sila'y magiging kanyang lingkod upang kanilang makilala ang aking paglilingkod at ang paglilingkod ng mga kaharian ng mga lupain.”

Ang Templo ay Giniba

Kaya't(B) umahon si Shishac na hari ng Ehipto laban sa Jerusalem, tinangay niya ang mga kayamanan ng bahay ng Panginoon at ang mga kayamanan ng bahay ng hari; kinuha niyang lahat ang mga iyon. Kinuha rin niya ang mga kalasag na ginto na ginawa ni Solomon.

10 Si Haring Rehoboam ay gumawa ng mga kalasag na tanso bilang kapalit ng mga iyon, at ipinagkatiwala ang mga iyon sa mga kamay ng mga pinuno ng bantay, na nag-iingat ng pintuan ng bahay ng hari.

11 Sa tuwing papasok ang hari sa bahay ng Panginoon, ang bantay ay dumarating at dinadala ang mga iyon, at ibinabalik sa silid ng bantay.

12 Nang siya'y magpakumbaba, ang Panginoon ay hindi nagalit sa kanya, kaya't hindi na nagkaroon ng lubos na pagkawasak. Bukod dito, ang kalagayan sa Juda ay naging mabuti.

Mga Hebreo 13:7-21

Alalahanin ninyo ang mga namumuno sa inyo, silang nagsalita sa inyo ng salita ng Diyos; tingnan ninyo ang kinalabasan ng kanilang pamumuhay, tularan ninyo ang kanilang pananampalataya.

Si Jesu-Cristo ay siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman.

Huwag kayong padala sa sari-sari at kakaibang mga turo, sapagkat mabuti na ang puso ay patibayin ng biyaya; hindi sa pamamagitan ng mga pagkain, na di pinakinabangan ng mga tumupad ng mga iyon.

10 Tayo ay may isang dambana, na kung saan ang mga naglilingkod sa tabernakulo ay walang karapatang kumain.

11 Sapagkat(A) ang katawan ng mga hayop na ang mga dugo'y dinadala ng pinakapunong pari sa santuwaryo para sa kasalanan ay sinusunog sa labas ng kampo.

12 Kaya si Jesus man ay nagdusa sa labas ng pintuan ng lunsod upang gawing banal ang mga tao sa pamamagitan ng kanyang sariling dugo.

13 Kaya't puntahan natin siya sa labas ng kampo na dala ang kanyang kahihiyan.

14 Sapagkat dito'y wala tayong lunsod na magtatagal, ngunit hinahanap natin ang lunsod na darating.

15 Kaya't sa pamamagitan niya ay maghandog tayong patuloy ng alay ng pagpupuri sa Diyos, samakatuwid ay ng bunga ng mga labi na nagpapahayag ng kanyang pangalan.

16 Huwag ninyong kaliligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pamamahagi, sapagkat ang Diyos ay nalulugod sa mga gayong handog.

17 Sumunod kayo at pasakop sa mga namumuno sa inyo, sapagkat sila'y matamang nagbabantay alang-alang sa inyong mga kaluluwa bilang mga mananagot. Hayaang gampanan nila ito na may kagalakan at hindi nang may hapis, sapagkat kung ganito'y hindi ito magiging kapaki-pakinabang sa inyo.

18 Idalangin ninyo kami, sapagkat kami'y naniniwalang kami ay may mabuting budhi, na nagnanais na mabuhay na marangal sa lahat ng mga bagay.

19 At ako'y lalo pang nakikiusap sa inyo na inyong gawin ito, upang ako'y madaling maibalik sa inyo.

Basbas

20 Ngayon, ang Diyos ng kapayapaan na bumuhay mula sa mga patay sa ating Panginoong Jesus, ang dakilang pastol ng mga tupa, sa pamamagitan ng dugo ng walang hanggang tipan,

21 nawa'y gawin niya kayong ganap sa bawat mabuting bagay upang magawa ninyo ang kanyang kalooban, at gawin sa atin ang nakakalugod sa paningin niya, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, na sa kanya ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001