Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Deuteronomio 30:15-20

15 “Tingnan mo, inilagay ko sa harapan mo sa araw na ito ang buhay at kabutihan, kamatayan at kasamaan;

16 at iniuutos ko sa iyo sa araw na ito na ibigin mo ang Panginoon mong Diyos, lumakad ka sa kanyang mga daan. Tuparin mo ang kanyang mga utos, ang kanyang mga tuntunin, at mga batas upang ikaw ay mabuhay at dumami, at pagpalain ka ng Panginoon mong Diyos sa lupain na iyong pinapasok upang angkinin.

17 Ngunit kung ang iyong puso ay tumalikod at hindi mo diringgin, kundi maliligaw at sasamba ka sa ibang mga diyos, at maglilingkod ka sa kanila;

18 ipinahahayag ko sa inyo sa araw na ito na kayo'y tiyak na mapupuksa. Hindi kayo mabubuhay nang matagal sa ibabaw ng lupaing tatawirin ninyo sa kabila ng Jordan, upang pasukin at angkinin.

19 Tinatawagan ko ang langit at ang lupa bilang saksi laban sa inyo sa araw na ito, na aking inilagay sa harapan mo ang buhay at kamatayan, ang pagpapala at sumpa. Kaya't piliin mo at ng iyong binhi ang buhay upang ikaw ay mabuhay.

20 Ibigin(A) mo ang Panginoon mong Diyos, sundin ang kanyang tinig, at manatili ka sa kanya; sapagkat ang kahulugan niyon sa iyo ay buhay, at haba ng iyong mga araw, upang matirahan mo ang lupaing ipinangako ng Panginoon na ibibigay sa iyong mga ninuno, kina Abraham, Isaac, at Jacob.”

Mga Awit 1

UNANG AKLAT

Dalawang Uri ng Pamumuhay

Mapalad ang taong
    hindi lumalakad sa payo ng masama,
ni tumatayo man sa daan ng mga makasalanan,
    ni umuupo man sa upuan ng mga manunuya;
kundi nasa kautusan ng Panginoon ang kanyang kagalakan,
    at nagbubulay-bulay araw at gabi sa kanyang kautusan.
Siya ay(A) gaya ng isang punungkahoy
    na itinanim sa tabi ng agos ng tubig,
na nagbubunga sa kanyang kapanahunan,
    ang kanyang dahon nama'y hindi nalalanta,
sa lahat ng kanyang ginagawa ay nagtatagumpay siya.

Ang masama ay hindi gayon;
    kundi parang ipang itinataboy ng hangin.
Kaya't ang masama ay hindi tatayo sa hukuman,
    ni sa kapulungan ng matuwid ang makasalanan;
sapagkat ang lakad ng matuwid ang Panginoon ang nakakaalam,
    ngunit mapapahamak ang lakad ng makasalanan.

Filemon 1-21

Pagbati

Si Pablo, bilanggo ni Cristo Jesus, at si kapatid na Timoteo,

Kay Filemon na aming minamahal na kaibigan at kamanggagawa,

at(A) kay Apia na ating kapatid na babae, at kay Arquipo na kapwa namin kawal, at sa iglesya na nasa iyong bahay:

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Pag-ibig at Pananampalataya ni Filemon

Lagi akong nagpapasalamat sa aking Diyos kapag naaalala kita sa aking mga panalangin,

sapagkat nabalitaan ko ang iyong pag-ibig para sa lahat ng mga banal at ang pananampalataya mo sa Panginoong Jesus.

Idinadalangin ko na ang pamamahagi ng iyong pananampalataya ay maging mabisa kapag nalaman mo ang bawat mabuting bagay na maaari nating gawin para kay Cristo.

Sapagkat ako'y totoong nagalak at naaliw sa iyong pag-ibig, sapagkat ang mga puso ng mga banal ay naginhawahan sa pamamagitan mo, kapatid ko.

Ang Pakiusap ni Pablo Alang-alang kay Onesimo

Dahil dito, bagama't kay Cristo ay mayroon akong sapat na lakas ng loob upang utusan kitang gawin ang kinakailangan,

gayunma'y alang-alang sa pag-ibig ay nanaisin ko pang makiusap sa iyo—akong si Pablo ay matanda na, at ngayon ay isa ring bilanggo ni Cristo Jesus.

10 Ako'y(B) nakikiusap sa iyo para sa aking anak na si Onesimo na ako'y naging kanyang ama nang ako'y nasa bilangguan.

11 Noon ay wala kang pakinabang sa kanya, ngunit ngayon ay kapaki-pakinabang siya sa iyo at sa akin.

12 Siya'y aking pinababalik sa iyo, na kasama ang aking sariling puso.

13 Nais kong manatili siyang kasama ko upang siya'y makatulong sa akin bilang kapalit mo sa panahon ng aking pagiging bilanggo para sa ebanghelyo.

14 Ngunit ayaw kong gumawa ng anuman na wala kang pahintulot upang ang iyong kabutihang-loob ay hindi maging sapilitan kundi ayon sa sarili mong kalooban.

15 Marahil ito ang dahilan kung bakit nahiwalay siya sa iyo nang ilang panahon, upang siya'y mapasaiyo magpakailanman;

16 hindi na bilang alipin, kundi higit sa alipin, isang kapatid na minamahal, lalung-lalo na sa akin, at gaano pa kaya sa iyo, maging sa laman at gayundin sa Panginoon.

17 Kaya't kung ako ay itinuturing mong kasama, tanggapin mo siya na parang ako.

18 Ngunit kung siya'y nagkasala sa iyo ng anuman, o may anumang utang sa iyo, ay ibilang mong utang ko na rin.

19 Akong si Pablo ay sumusulat nito sa pamamagitan ng aking sariling kamay: Ako ang magbabayad niyon. Hindi ko na ibig banggitin pa na utang mo sa akin pati ang iyong sarili.

20 Oo, kapatid, hayaan mo nang magkaroon ako ng kapakinabangan na ito mula sa iyo sa Panginoon! Sariwain mo ang aking puso kay Cristo.

21 Sinulatan kita na may pagtitiwala sa iyong pagsunod, yamang nalalaman ko na gagawin mo ang higit pa kaysa aking sinasabi.

Lucas 14:25-33

Ang Halaga ng Pagiging Isang Alagad(A)

25 Noon ay sumama sa kanya ang napakaraming tao. Siya'y humarap sa kanila at sa kanila'y sinabi,

26 “Kung(B) ang sinuman ay lumalapit sa akin at hindi napopoot sa kanyang sariling ama, ina, asawang babae, mga anak, mga kapatid na lalaki, at mga kapatid na babae, at maging sa kanyang sariling buhay ay hindi maaaring maging alagad ko.

27 Sinumang(C) hindi nagpapasan ng kanyang sariling krus at sumusunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko.

28 Sapagkat sino sa inyo na nagnanais magtayo ng isang tore, ang hindi muna uupo at aalamin ang magugugol kung mayroon siyang sapat upang matapos ito?

29 Baka kung mailagay na niya ang pundasyon at hindi makayang tapusin, ang lahat ng mga makakakita ay magpapasimulang siya'y libakin,

30 na nagsasabi, ‘Nagsimula ang taong ito na magtayo, at hindi na kayang tapusin.’

31 O sinong hari, na pupunta sa pakikidigma laban sa ibang hari, ang hindi muna uupo at mag-iisip kung siya na may sampung libo ay kayang humarap sa may dalawampung libo na dumarating laban sa kanya?

32 At kung hindi, samantalang malayo pa ang isa ay magpapadala na siya ng isang sugo at hihilingin ang mga kasunduan sa kapayapaan.

33 Kaya't ang sinuman sa inyo na hindi magtakuwil sa lahat ng kanyang tinatangkilik ay hindi maaaring maging alagad ko.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001