Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 101

Awit ni David.

101 Ako'y aawit tungkol sa katapatan at katarungan,
    sa iyo, O Panginoon, aawit ako.
Aking susundin ang daang matuwid.
    O kailan ka darating sa akin?
Ako'y lalakad sa loob ng aking bahay
    na may tapat na puso.
Hindi ko ilalagay sa harapan ng aking mga mata
    ang anumang hamak na bagay.
Kinapopootan ko ang gawa ng mga tumalikod;
hindi ito kakapit sa akin.
Ang suwail na puso ay hihiwalay sa akin,
    hindi ako makakaalam ng masamang bagay.

Ang lihim na naninirang-puri sa kanyang kapwa
    ay aking pupuksain.
Ang taong may mapagmataas na tingin at may palalong puso
    ay hindi ko titiisin.

Ang mga mata ko'y itititig ko sa mga tapat sa lupain,
    upang sila'y makatirang kasama ko.
Siya na lumalakad sa sakdal na daan
    ay maglilingkod sa akin.

Walang taong gumagawa ng pandaraya
    ang tatahan sa aking bahay;
walang taong nagsasalita ng kasinungalingan
    ang mananatili sa aking harapan.

Tuwing umaga ay aking lilipulin
    ang lahat ng masama sa lupain,
upang itiwalag ang lahat na manggagawa ng kasamaan
    sa lunsod ng Panginoon.

2 Mga Hari 17:24-41

24 Ang hari ng Asiria ay nagdala ng mga tao mula sa Babilonia, Kut, Iva, Hamat, at Sefarvaim at inilagay sila sa mga bayan ng Samaria sa halip na mga mamamayan ng Israel. Kanilang inangkin ang Samaria at nanirahan sa mga lunsod nito.

25 Sa pasimula ng kanilang paninirahan doon, hindi sila natakot sa Panginoon kaya't ang Panginoon ay nagsugo ng mga leon sa gitna nila at pinatay ang ilan sa kanila.

26 Kaya't sinabi sa hari ng Asiria, “Hindi nalalaman ng mga bansa na iyong dinala at inilagay sa mga lunsod ng Samaria ang kautusan ng diyos ng lupain. Kaya't siya'y nagsugo ng mga leon sa gitna nila, at kanilang pinapatay sila sapagkat hindi nila nalalaman ang batas ng diyos sa lupain.”

27 Kaya't nag-utos ang hari ng Asiria, “Dalhin ninyo roon ang isa sa mga pari na inyong dinala mula roon. Hayaan siyang umalis at tumira roon at kanyang turuan sila ng kautusan ng diyos ng lupain.”

28 Kaya't isa sa mga pari na kanilang dinala mula sa Samaria ay dumating at nanirahan sa Bethel, at tinuruan sila kung paano dapat matakot sa Panginoon.

29 Ngunit bawat bansa ay gumawa pa rin ng kanilang sariling mga diyos at inilagay sa matataas na dako na ginawa ng mga Samaritano, bawat bansa sa mga lunsod na kanilang tinitirhan;

30 ginawa ng mamamayan ng Babilonia ang Sucot-benot, ginawa ng mamamayan ng Kut ang Nergal, at ginawa ng mamamayan ng Hamat ang Asima.

31 Ginawa naman ng mga Aveo ang Nibhaz at Tartac, at sinunog ng mga Sefarvita ang kanilang mga anak sa apoy sa Adramalec at sa Anamelec, na mga diyos ng Sefarvaim.

32 Natakot din sila sa Panginoon, at pumili sa gitna nila ng lahat ng uri ng mga tao bilang mga pari sa matataas na dako, na naghandog para sa kanila sa mga dambana ng matataas na dako.

33 Sa gayon sila natakot sa Panginoon, subalit naglingkod din sa kanilang sariling mga diyos, ayon sa paraan ng mga bansang pinagkunan sa kanila.

34 Hanggang(A) sa araw na ito ay ginagawa nila ang ayon sa mga dating kaugalian. Sila'y hindi natatakot sa Panginoon, at hindi sila sumusunod sa mga tuntunin, ni utos, ni batas, ni mga kautusan na iniutos ng Panginoon sa mga anak ni Jacob, na kanyang pinangalanang Israel.

35 Ang(B) Panginoon ay nakipagtipan sa kanila at inutusan sila, “Kayo'y huwag matatakot sa ibang mga diyos, o magsisiyukod man sa kanila, o maglilingkod man sa kanila, o maghahandog man sa kanila;

36 kundi(C) matatakot kayo sa Panginoon, na siyang naglabas sa inyo mula sa lupain ng Ehipto na may dakilang kapangyarihan at may nakaunat na kamay. Luluhod kayo sa kanya, at sa kanya kayo maghahandog.

37 Ang mga tuntunin, mga batas, ang kautusan, at ang utos na kanyang sinulat para sa inyo ay lagi ninyong maingat na gawin. Kayo'y huwag matatakot sa ibang mga diyos,

38 at huwag ninyong kalilimutan ang tipan na aking ginawa sa inyo. Huwag kayong matakot sa ibang mga diyos,

39 kundi matakot kayo sa Panginoon ninyong Diyos at kanyang ililigtas kayo sa kamay ng lahat ninyong mga kaaway.”

40 Gayunma'y ayaw nilang makinig kundi kanilang ginawa ang ayon sa kanilang dating kaugalian.

41 Kaya't habang ang mga bansang ito ay natatakot sa Panginoon, ay naglingkod din sila sa kanilang mga larawang inanyuan. Gayundin ang kanilang mga anak, at ang mga anak ng kanilang mga anak—kung ano ang ginawa ng kanilang mga ninuno ay gayon ang ginawa nila hanggang sa araw na ito.

1 Timoteo 3:14-4:5

Ang Hiwaga ng Ating Pananampalataya

14 Ang mga bagay na ito ay aking isinusulat sa iyo, na umaasang makakarating sa iyo sa madaling panahon,

15 ngunit kung ako'y maantala, ay maaari mong malaman kung ano ang dapat ugaliin ng bawat tao sa bahay ng Diyos, na siyang iglesya ng Diyos na buháy, ang haligi at suhay ng katotohanan.

16 Walang pag-aalinlangan, dakila ang hiwaga ng kabanalan:

Siyang[a] nahayag sa laman,
    pinatunayang matuwid sa espiritu,[b] nakita ng mga anghel,
ipinangaral sa mga bansa,
    sinampalatayanan sa sanlibutan,
    tinanggap sa itaas sa kaluwalhatian.

Pagtalikod sa Pananampalataya

Ngayon ay maliwanag na sinasabi ng Espiritu na sa mga huling panahon ang iba'y tatalikod sa pananampalataya sa pamamagitan ng pakikinig sa mga mandarayang espiritu at sa mga aral ng mga demonyo,

sa pamamagitan ng pagkukunwari ng mga nagsasalita ng mga kasinungalingan, na ang mga budhi ay tinatakan ng nagbabagang bakal.

Kanilang ipagbabawal ang pag-aasawa at ipag-uutos na lumayo sa mga pagkaing nilalang ng Diyos upang tanggapin na may pagpapasalamat ng mga nananampalataya at nakakaalam ng katotohanan.

Sapagkat ang bawat nilalang ng Diyos ay mabuti at walang anumang dapat tanggihan, kung tinatanggap ito na may pagpapasalamat;

sapagkat ito ay pinababanal sa pamamagitan ng salita ng Diyos at ng panalangin.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001