Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 73

IKATLONG AKLAT

Awit ni Asaf.

73 Tunay na ang Diyos ay mabuti sa Israel,
    sa mga taong ang puso'y malilinis.
Ngunit tungkol sa akin, ang mga paa ko'y halos natisod,
    ang mga hakbang ko'y muntik nang nadulas.
Sapagkat ako'y nainggit sa palalo;
    aking nakita ang kaginhawahan ng masama.

Sapagkat walang mga hapdi ang kanilang kamatayan,
    at ang kanilang katawan ay matataba.
Sila'y wala sa kaguluhan na gaya ng ibang mga tao;
    hindi sila nagdurusa na gaya ng ibang mga tao.
Kaya't ang kanilang kuwintas ay kapalaluan,
    ang karahasan ay tumatakip sa kanila bilang bihisan.
Ang kanilang mga mata ay lumuluwa sa katabaan,
    ang kanilang mga puso ay umaapaw sa kahangalan.
Sila'y nanlilibak at nagsasalita na may kasamaan,
    sila'y nagsasalita mula sa kaitaasan.
Kanilang inilagay ang kanilang mga bibig sa mga langit,
    at ang kanilang dila ay nagpapagala-gala sa ibabaw ng lupa.

10 Kaya't bumabalik dito ang kanyang bayan,
    at tubig ng kasaganaan ay iniinom nila.
11 At kanilang sinasabi, “Paanong nalalaman ng Diyos?
    May kaalaman ba sa Kataas-taasan?”
12 Narito, ang mga ito ang masasama;
    laging tiwasay, sa kayamanan ay sumasagana.
13 Sa walang kabuluhan ay pinanatili kong malinis ang aking puso,
    at ang aking mga kamay sa kawalang-sala ay hinuhugasan ko.
14 Sapagkat buong araw ako ay pinahihirapan,
    at tuwing umaga ay napaparusahan.

15 Kung aking sinabi, “Ako'y magsasalita ng ganito;”
    ako'y hindi magiging tapat sa salinlahi ng mga anak mo.
16 Ngunit nang aking isipin kung paano ito uunawain,
    sa akin ay parang napakahirap na gawain,
17 hanggang sa ako'y pumasok sa santuwaryo ng Diyos,
    saka ko naunawaan ang kanilang katapusan.
18 Tunay na sa madudulas na dako sila'y iyong inilalagay,
    iyong ibinabagsak sila sa kapahamakan.
19 Gaya na lamang ang pagkawasak nila sa isang iglap,
    tinatangay na lubusan ng mga sindak!
20 Sila'y gaya ng panaginip kapag nagigising ang isang tao,
    sa pagkagising ang kanilang larawan ay hinahamak mo.

21 Nang ang aking kaluluwa ay nagdamdam,
    nang ang kalooban ko'y nasaktan,
22 ako'y naging hangal at mangmang;
    ako'y naging gaya ng hayop sa harapan mo.
23 Gayunman ako'y kasama mong palagian,
    inaalalayan mo ang aking kanang kamay.
24 Sa iyong payo ako'y iyong pinapatnubayan,
    at pagkatapos ay tatanggapin mo ako sa kaluwalhatian.
25 Anong mayroon ako sa langit kundi ikaw?
    at liban sa iyo'y wala akong anumang ninanasa sa lupa.
26 Ang aking laman at ang aking puso ay maaaring manghina,
    ngunit ang Diyos ang lakas ng aking puso at bahagi ko magpakailanman.

27 Sapagkat narito, malilipol silang malayo sa iyo;
    ang lahat na hindi tapat sa iyo ay winakasan mo.
28 Ngunit para sa akin, ang pagiging malapit ng Diyos ay aking kabutihan;
    ginawa kong aking kanlungan ang Panginoong Diyos,
    upang aking maisaysay ang lahat ng iyong mga gawa.

Amos 7:1-6

Ang mga Balang sa Pangitain

Ganito ang ipinakita sa akin ng Panginoong Diyos: at narito, siya'y lumikha ng mga balang sa pasimula ng huling pagsibol ng pananim, at narito, ang huling pananim ay pagkatapos ng mga gapas para sa hari.

At nangyari, nang kanilang matapos kainin ang damo ng lupain, aking sinabi,

“O Panginoong Diyos, isinasamo ko sa iyo, magpatawad ka!
    Paanong tatayo ang Jacob? Sapagkat siya'y maliit!
    Siya'y napakaliit!”
Ang Panginoon ay nagbago ng isip tungkol dito,
    “Hindi mangyayari,” sabi ng Panginoon.

Ang Pangitaing Apoy

Ganito ang ipinakita sa akin ng Panginoong Diyos: at narito, ang Panginoong Diyos ay tumatawag, upang humatol sa pamamagitan ng apoy, at tinupok nito ang malaking kalaliman, at kinakain ang lupain.

Nang magkagayo'y sinabi ko,

“O Panginoong Diyos, itigil mo, isinasamo ko sa iyo!
    Paanong makakatayo ang Jacob?
    Siya'y maliit!”
Ang Panginoon ay nagbago ng isip tungkol dito,
“Ito'y hindi rin mangyayari,” sabi ng Panginoong Diyos.

1 Timoteo 1:18-20

18 Ang biling ito ay ipinagkakatiwala ko sa iyo, Timoteo na aking anak, ayon sa mga propesiya na ginawa noong una tungkol sa iyo, upang sa pamamagitan ng mga ito ay makipaglaban ka ng mabuting pakikipaglaban,

19 na iniingatan ang pananampalataya at ang mabuting budhi. Sa pamamagitan ng pagtatakuwil sa budhi, ang ibang tao ay nakaranas ng pagkawasak ng barko sa kanilang pananampalataya;

20 kabilang sa mga ito sina Himeneo at Alejandro na aking ibinigay kay Satanas, upang sila'y maturuang huwag manlapastangan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001