Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Genesis 15:1-6

Ang Tipan ng Diyos kay Abram

15 Pagkatapos ng mga bagay na ito, dumating ang salita ng Panginoon kay Abram sa isang pangitain, “Huwag kang matakot, Abram; ako ang iyong kalasag, ang iyong gantimpala ay magiging napakadakila.”

Ngunit sinabi ni Abram, “O Panginoong Diyos, anong ibibigay mo sa akin, yamang ako'y patuloy na walang anak at ang tagapagmana ng aking bahay ay si Eliezer ng Damasco?”

At sinabi ni Abram, “Hindi mo ako binigyan ng anak at isang alipin na ipinanganak sa aking bahay ang magiging tagapagmana ko.”

Ngunit ang salita ng Panginoon ay dumating sa kanya, “Hindi ang taong ito ang magiging tagapagmana mo; ang iyong sariling anak ang magiging tagapagmana mo.”

Siya'y(A) dinala niya sa labas at sinabi, “Tumingala ka ngayon sa langit, at iyong bilangin ang mga bituin, kung mabibilang mo.” At sinabi sa kanya, “Magiging ganyan ang iyong binhi.”

Sumampalataya(B) siya sa Panginoon; at ito'y ibinilang na katuwiran sa kanya.

Mga Awit 33:12-22

12 Mapalad ang bansa na ang Diyos ay ang Panginoon;
    ang bayan na kanyang pinili bilang kanyang mana!

13 Mula sa langit ang Panginoon ay nakatanaw,
    lahat ng anak ng mga tao ay kanyang minamasdan.
14 Mula sa kanyang dakong tahanan ay nakatingin siya
    sa lahat ng naninirahan sa lupa,
15 siya na sa mga puso nilang lahat ay humuhugis,
    at sa lahat nilang mga gawa ay nagmamasid.
16 Ang isang hari ay hindi inililigtas ng kanyang napakaraming kawal;
    ang isang mandirigma ay hindi inililigtas ng kanyang makapangyarihang lakas.
17 Ang kabayong pandigma ay walang kabuluhang pag-asa para sa tagumpay,
    at hindi ito makapagliligtas sa pamamagitan ng kanyang makapangyarihang lakas.

18 Tunay na ang mata ng Panginoon ay nasa kanila na natatakot sa kanya,
    sa kanila na umaasa sa tapat na pag-ibig niya,
19 upang kanyang mailigtas ang kaluluwa nila mula sa kamatayan,
    at sa taggutom ay panatilihin silang buháy.

20 Naghihintay sa Panginoon ang aming kaluluwa;
    siya ang aming saklolo at panangga.
21 Oo, ang aming puso ay nagagalak sa kanya,
    sapagkat kami ay nagtitiwala sa banal na pangalan niya.
22 Sumaamin nawa ang iyong tapat na pag-ibig, O Panginoon,
    kung paanong kami ay umaasa sa iyo.

Mga Hebreo 11:1-3

Ang Pananampalataya

11 Ngayon, ang pananampalataya ay ang katiyakan sa mga bagay na inaasahan, ang paninindigan sa mga bagay na hindi nakikita.

Tunay na sa pamamagitan nito ang mga tao noong una ay tumanggap ng patotoo.

Sa(A) pananampalataya ay nauunawaan natin na ang mga sanlibutan ay nilikha sa pamamagitan ng salita ng Diyos, anupa't ang mga bagay na nakikita ay nagmula sa mga bagay na hindi nakikita.

Mga Hebreo 11:8-16

Ang Pananampalataya ni Abraham

Sa(A) pananampalataya si Abraham, nang tawagin, ay sumunod upang pumunta sa isang lugar na kanyang tatanggapin bilang pamana; at siya'y pumunta na hindi nalalaman ang kanyang pupuntahan.

Sa(B) pananampalataya siya'y dumayo sa lupang pangako na tulad ng sa ibang lupain, at nanirahan sa mga tolda na kasama sina Isaac at Jacob, na kapwa mga tagapagmana ng gayunding pangako.

10 Sapagkat siya'y umaasa sa lunsod na may mga kinasasaligan, na ang nagplano at nagtayo ay ang Diyos.

11 Sa(C) pananampalataya, maging si Sarah na isang baog ay tumanggap ng kakayahang magkaanak, bagaman lipas na sa tamang gulang, palibhasa'y itinuring niyang tapat ang nangako.

12 Kaya't(D) mula naman sa isang lalaki na parang patay na, ay isinilang ang mga inapo na kasindami ng mga bituin sa langit, at gaya ng di mabilang na mga buhangin sa tabi ng dagat.

13 Ang(E) lahat ng mga ito ay namatay sa pananampalataya na hindi tinanggap ang mga pangako, ngunit mula sa malayo ang mga iyon ay kanilang natanaw at binati. Kanilang ipinahayag na sila'y pawang mga dayuhan at manlalakbay sa ibabaw ng lupa,

14 sapagkat ang mga nagsasabi ng gayong mga bagay ay nagpapakilalang sila ay naghahanap ng sariling bayan.

15 Kung kanilang naalala ang kanilang pinanggalingan, nagkaroon sana sila ng pagkakataong makabalik.

16 Ngunit sila ay nagnanais ng isang higit na mabuting lupain, samakatuwid ay ang makalangit. Kaya't ang Diyos ay hindi nahihiyang tawaging Diyos nila, sapagkat kanyang ipinaghanda sila ng isang lunsod.

Lucas 12:32-40

Kayamanan sa Langit(A)

32 “Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat nakakalugod sa inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian.

33 Ipagbili ninyo ang inyong mga ari-arian at kayo'y magbigay ng limos. Gumawa kayo para sa inyong mga sarili ng mga supot na hindi naluluma, ng isang kayamanan sa langit na hindi nauubos, na doo'y hindi lumalapit ang magnanakaw, o naninira man ang bukbok.

34 Sapagkat kung saan naroroon ang inyong kayamanan ay naroroon din naman ang inyong puso.

Mga Lingkod na Handa

35 “Bigkisan(B) ninyo ang inyong mga baywang at paliwanagin ninyo ang inyong mga ilawan.

36 At(C) maging tulad kayo ng mga taong naghihintay sa kanilang panginoon na magbalik mula sa kasalan upang agad nilang mapagbuksan siya kapag siya ay dumating na at tumuktok.

37 Mapapalad ang mga aliping iyon na madatnan ng panginoon na nagbabantay kapag siya ay dumating. Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, bibigkisan niya ang kanyang baywang, sila'y papaupuin sa hapag-kainan at siya ay lalapit at paglilingkuran sila.

38 At kung siya'y dumating sa hatinggabi, o sa magmamadaling-araw na, at matagpuan silang gayon ay mapapalad ang mga aliping iyon.

39 Subalit(D) alamin ninyo ito, kung nalalaman ng may-ari ng bahay kung anong oras darating ang magnanakaw, siya'y[a] hindi magpapabayang mapasok ang kanyang bahay.

40 Dapat din kayong maging handa, sapagkat ang Anak ng Tao ay darating sa oras na hindi ninyo inaasahan.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001